Chapter 4

14.6K 381 21
                                    


"'Ayan na naman ang buntot mo."

Hindi muna luminga si Isabela kahit batid niya kung sino ang tinukoy ng kaibigan niyang si Ashley. Ayaw niyang masaktan ang damdamin ni Nunzio, ang batang mabait na parating nakasubaybay sa kanya tila. Napakainosente nito, tahimik, mabait, at higit sa lahat ay mas sense kausap, bagaman hindi ito mahilig magsalita.

Makaraan ang ilang sandali ay saka siya nagkunwang napalingon sa kanyang likod at nakita si Nunzio. Binati niya ang binatilyo. "Hello, Nunzio."

"H-hi." Tipid itong tumango. Mahiyain itong sadya. Kung hindi sa pagtatanong niya rito ay hindi niya malalaman na kakambal pala nito ang isa pang grade six pupil na balitang pinagkakaguluhan ng grupo ng nakababatang kapatid ni Ashley. Kahit ang ilang fourth year students ay madalas pag-usapan ang binatilyong iyon, si Melchiorre. Iisa ang opinyon nila, na darating ang panahong si Melchiorre ang magiging pinakasikat na lalaki sa campus, tulad ni Zach ngayon.

Para bang imposibleng ang isang tulad ni Melchiorre ay magkakaroon ng kakambal na tulad ni Nunzio. Magkaibang-magkaiba ang dalawa.

"I have to go to the library," aniya kay Ashley at tumango ang babae. Sanay na ito at ang mga kaibigan nila sa sistema niya. Alam ng mga itong kailangan niyang maging student assistant para pantustos sa iba niyang pangangailangan sa paaralan na hindi na sagot ng congressman na siyang tumutustos sa tuition fee niya.

Nilapitan na niya si Nunzio at hindi na tila mawawala ang ngiti sa mga labi nito. Natural, nadarama niyang may crush ito sa kanya. At labis siyang naaaliw sa ideyang iyon. Siyempre, tiyak din niyang alam nitong magiging magkaibigan lang sila sa laki ng agwat ng kanilang edad. Isa pa, sa tingin niya ay hindi pa conscious ang binatilyo sa malalim na bersiyon ng crush.

"Buntot" ang tawag dito ng kaibigan niya dahil madalas nila itong napapansing nakasunod sa kanya—minsan ay nasa labas ng classroom, kung minsan kahit tapos na ang klase nito ay nanonood ito ng cheerdance practice sa gym, at siyempre pa ay madalas siya nitong samahan sa library.

Sa totoo lang, tingin niya rito ay anghel. Hindi lang niya masabi rito na sa mga pagkakataong binibigyan siya nito ng pagkain ay malaki ang pasasalamat niya. Magmula nang magpilit siyang mag-aral sa esklusibong paaralang iyon, hindi na niya mabilang ang pagkakataong umuuwi siyang nanginginig ang tuhod sa gutom.

Mayayaman ang mga kaibigan niya, at mayaman din ang ex-boyfriend niya, pero siya ay walang binatbat sa buhay. Ngunit tinanggap siya ng grupo. Marahil dahil ipinarada siya ni Zach sa campus bilang nobya nito noon, at doon ay nakuha niya ang respesto ng mga kaibigan niya ngayon. Suwerte siyang hindi matapobre ang mga ito.

Nang makarating sila ni Nunzio sa library ay binuksan niya ang isang signature bag—hand-me-down sa kanya ni Ashley, tulad ng sapatos niya. Kinuha niya mula sa bag ang isang libro at inabot kay Nunzio.

"Maganda 'yan," aniya.

"This is for me?" Nakakatuwa ang reaksiyon nito, para ba itong nabigyan ng isang malaking regalo gayong limang piso lang niya nabili ang libro nang mapadaan siya sa Recto kahapon. Second hand na iyon, matino pa naman bagaman naninilaw na ang mga pahina.

Tumango siya. "Siguro magkakaroon kayo ng book report project ngayong term, puwede mong gamitin 'yan." Iyon lang ang kaya niyang isukli sa kabaitan ng binatilyo. Kung sana ay mayroon siyang mas malaking pera, naibili sana niya ito ng mas bagong libro. Wala siyang ibang maisip na ibigay dito kundi iyon. Sa loob lang ng mahigit anim na buwan nito sa paaralan, ilang index card catalog na ang napuno nito.

"Thank you very much, Isabela. I will never forget this gift," sambit nito.

Napahagikgik siya, saka pinisil ang baba nito. Ganoon ito, mabilis sumaya kahit mula sa de-kalibreng pamilya. Nagtuloy na sila sa puwesto nila sa library, sa tabi ng librarian's table. Ang librarian ay parating natutulog sa likod ng shelf. Okay lang sa kanya dahil hindi ito nagsusumbong na minsan ay maaga siyang umuuwi, basta't hindi rin niya ito isusumbong na natutulog. Matanda na ang librarian, mabait pero sadyang antukin.

Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon