Chapter 5

12.7K 322 11
                                    

Sanay na ang ilong ni Isabela sa amoy ng saing, isang uri ng putik na siyang pinagbabaunan ng alahas na nilalagyan ng disenyo. Gamit ang maliit na suplete ay sinusunog ang saing upang lumambot, saka ibabaon ang alahas para hubugin.

Nakapuwesto sa isang sulok ng alahasan ang kanyang ama. Ito ay kilala sa husay nitong gumawa ng alahas. Kahit anong uri ng disenyo, kaya nitong gayahin. Ang sabi ng ilan, kapag ang tatay niya raw ang humulma ng alahas, parang gawang makina na iyon sa kinis. Magaan ang kamay ng kanyang ama sa alahas, direktang kabaligtaran ng bigat ng kamay nito sa kanilang mag-ina.

"Tatay, ang tanghalian ninyo," aniya.

Bahagya lang siya nitong sinulyapan, tutok ang atensiyon sa singsing na nakabaon sa saing. Naghintay siyang matapos ito sa ginagawa. Tumayo ito, nag-inat, binati ang mga empleyado ng alahasan na lumalabas para mananghalian. Hindi na nawawala ang ngiti sa labi nito, ngiting labis niyang kinasusuklaman, sapagkat inilaan nito iyon para sa ibang tao at hindi para sa sariling pamilya.

Inabutan siya nito ng barya mayamaya, nagpapabili ng soft drink para lang sa sarili nito. Nang magbalik siya ay kakuwentuhan na nito ang guwardiya. Naulinig niya ang usapang-inom ng mga ito bago siya itinaboy ng ama na parang istorbo lang siya roon.

Sa halip na umuwi ay nagpasya siyang tumuloy sa Villa Carigo, magsumbong sa kanyang ina na narinig niya ang kanyang amang nagpaplano na namang uminom ng alak sa gabing iyon, doon sa pasugalan. Kailangan nila ng pera dahil pangako ng kanyang ina na maghahanap na sila ng high school na papasukan niya. Pipilitin daw nitong sa private school siya pag-aralin, ngunit kung sadyang hindi kaya ay bibilhan na lang daw siya nito ng magagandang gamit pang-eskuwela.

Sa gilid ng mansiyon siya dumaan patungo sa likod na bahagi niyon. Bilin iyon sa kanya ng kanyang ina. Ayaw daw ni Doña Beatrice na makakita ng mga tulad niyang bisita ng mga kasambahay. Nang makarating sa labahan ay nakita niyang kumakain ng merienda ang nanay niya.

May humaplos na pagkaawa sa puso niya para rito. Mag-isa lang ito, nakaupo at halatang pagod na pagod na. Marahil marami itong naging kaibigan kung hindi lang kusa itong umiiwas sa tao sa takot sa kanyang amang seloso, kahit kaibigan ay pinagseselosan.

"'Nay?" aniya, lumapit dito.

"O, anak, nadalaw ka? Malapit na akong matapos at pauwi na rin ako mayamaya. Kumain ka na ba? Ikukuha kita ng kanin kung hindi pa."

"Kumain na ako kanina sa bahay, 'Nay. Dinalhan ko ng pagkain ang tatay, galing akong alahasan. At alam n'yo, 'Nay, mag-iinom na naman siya mamaya, narinig ko."

"Pabayaan mo na siya."

Hindi niya maunawaan kung bakit ngunit hindi na siya umimik, bagaman nabigong makakuha ng inaasahang reaksiyon dito. Mas salbahe ang kanyang ama kapag nakakainom ito.

"Ay, merong ibinigay na gamit sa akin si Ma'am." Kinuha nito sa ibabaw ng mesa ang isang plastic bag. Naglalaman iyon ng mga notebook, panulat, at ilang libro. "Gamit ito ni Sir Zach noong nakaraang taon, eh, hindi raw naubos. Mas mamahalin at maganda pa ito kaysa sa mabibili natin. Tingnan mo."

Sumang-ayon siya, bigla ay tuwang-tuwa. Habang naglalaba ang nanay niya ay lumabas siya at sa gilid ng bahay inayos ang mga gamit. Tinatandaan niya kung aling disenyo ng notebook ang para sa math, science, social studies, nang makarinig siya ng isang tinig.

"Oh, mom gave those to you?"

Agad siyang napatayo at tumingin sa nagsalita. Ganoon na lang ang pagsasal ng dibdib niya. Noon lamang niya nakita si Zach. Nahuhulaan niyang ito ang nagsalita dahil na rin sa sinabi nito. Sa pagkakaalam niya ay mas matanda lang ito ng dalawang taon sa kanya ngunit mukha na itong binata. At napakaguwapo nito.

"S-Sir, s-salamat po dito sa bigay ng mommy ninyo."

"What's your name?" Nakangiti ito, napakabait ng dating ng mukha.

"I-Isabela, Sir." Hindi siya tipikal na nauutal, sa katunayan ay perpekto at mariin siya kung magsalita kaya siya parating panalo sa oratorical contests.

"I'm sure you know my name is Zach."

Agad siyang tumango, nag-iinit pa rin ang mukha. Hindi niya magawang mag-iwas ng tingin. Parang nabatubalani siya sa mukhang iyon. Hindi niya iyon nauunawaan, noon lamang niya iyon nadama, para ba siyang nakakita ng isang artista. At ang artista ay pinansin siya.

"Kuwentuhan mo ako," anito.

"A-ano ang ikukuwento ko, sir?"

"Drop the sir. Tell me more about you."

At doon na nagsimula ang kuwento nila. Dumalas ang pagdalaw niya sa kanyang ina hanggang sa dumating ang puntong tuluyan na siyang nakumbinse ni Zach na mag-apply ng scholarship. Hindi sa maraming salita, kundi sa mga bahagyang udyok. Nais daw nitong makasama siya sa pagsisimula nito ng high school sa Maynila.

Nagpursige siya. Kahit panay galos siya sa bugbog ng ama sa isang "baliw" niyang ideyang sinuportahan ng kanyang ina. Sinabi lang nila sa kanyang ama na natanggap siya sa scholarship nang dumating na ang anunsiyo niyon.

Mag-anak silang lumuwas upang kausapin ang pinsan ng kanyang ama. Ang huling habilin sa kanya ng kanyang ama, "Kapag umuwi kang buntis, ipapalaglag ko ang bata. Tandaan mo 'yan."

At tinandaan niya nga iyon. Mahigpit na dinala sa puso niya sapagkat batid niyang totoo iyon. Sa lumipas na apat na taon, tanging halik ang naipagkaloob niya kay Zach, kahit madalas itong magyaya sa kung saang hotel. At naisip din niyang iyon ang dahilan kung bakit ito natukso sa isang kolehiyala.

Si Zach ang pangarap niya. Si Zach ang siyang nagbigay sa kanya ng pag-asa para sa mga bagay na noon, ni sa hinagap, ay hindi niya naisip na maaari niyang marating. Ang sabi ng kanyang ama noon, "Lolokohin ka lang noon, bubuntisin ka lang at iiwan ka. Paano ka papatulan noon? 'Wag kang tanga."

Aminado siya, dumating ang pagkakataon na naisip niyang ang pinakamadaling soslusyon upang makaalis sa poder ng malupit na ama ay ang pag-aasawa, ang pagbukod. Ngunit ngayon, salamat kay Zach, batid niyang kaunting sipag at tiyaga, malayo ang mararating niya. Biniyayaan siya ng talino, handa siyang gamitin iyon para mailayo ang kanyang ina sa kanyang ama. Para umasenso sila sa buhay. Para kahit paano, bumagay siya kay Zach.

Nilikha siya para kay Zach. At doon na nagtatapos ang lahat ng argumento sa isip niya. Wala nang ibang maaaring kumontra. Wala ring kahit sinong makapipigil sa mga pangarap nila para sa hinaharap. Lalong hinding-hindi iyon mapipigilan ng kanyang ama.

Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon