PILIT NA PINANINIWALA ni Mimi ang sarili na hindi totoo ang kanyang nakikita. Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi talaga nangyayari ang eksena sa kanyang harapan. Isa lamang iyong panaginip—isang napakasamang panaginip. Magigising na siya anumang sandali...
Ngunit bakit ramdam na ramdam niya ang kirot? Bakit masyadong makatotohanan naman ang pakiramdam? Kailan matatapos ang panaginip na iyon?
"Stop!" Halos hindi namalayan ni Mimi na tumili na siya. Mas ikinagulat yata niya iyon kaysa sa dalawa na napapitlag nang marinig siya. Naghiwalay ang magkahugpong na mga labi at katawan. Nanlalaki ang mga mata na napatingin ang mga ito sa kanya.
"Mimi..." ang sabay na usal ng dalawa.
Nanlabo ang kanyang paningin dahil sa mga luha. Patuloy ang paninikip ng kanyang dibdib. Hindi pa rin tapos ang panaginip.
Nagsimulang lumapit sa kanya ang babae kahit na puno ng takot at pag-aalala ang mga mata. Nang subukan siya nitong abutin ay mabilis siyang umatras palayo. Ayaw niyang hawakan siya nito. Ni ayaw niya sanang makita ang pagmumukha nito. Hindi na mabubura sa kanyang isipan ang imahe na nadatnan niya.
She was her best friend. She knew everything about her feelings. She knew how deep her love was. She knew! Paano nito nagawang pagtaksilan siya sa ganoong paraan?
"I'm sorry," ang lumuluhang usal nito habang nakatingin sa kanya, nakikiusap ang mga mata.
"Sorry?" usal ni Mimi sa munting tinig. "Sorry?" Ano ang magiging saysay niyon?
"H-hindi ko sinasadya. Maniwala ka. Hindi ko sinasadya."
Paanong hindi sinasadya ang mga ganoong bagay? Kapag hindi talaga nito sadya, hindi niya madaratnan na kahalikan nito ang lalaking mahal niya. Ano, may nadapa sa dalawa at nagkataon na naglapat ang kanilang mga labi?
"Mimi..."
Tumingin si Mimi kay Shawn. Hindi niya napigilan ang pag-alpas ng luha sa kanyang mga mata. "Hindi mo talaga ako mahal?"
Hindi siya nito sinagot. Nakita niya ang paghihirap ng kalooban sa mga mata nito. May bahagi sa kanya ang naniniwala na hindi siya nito gustong saktan. Alam niya na kahit na paano ay mahalaga siya kay Shawn. Sa kabila ng maraming ulit na pagtanggi mula sa lalaki, naniniwala pa rin siya na may puwang siya sa puso nito. Labis pa rin siyang naniniwala na kaya siya nitong mahalin katulad ng pagmamahal niya rito.
Tumango-tango si Mimi. Kahit na wala siyang narinig na tugon, alam pa rin niya ang sagot. Ang totoo ay matagal na niyang alam ang sagot, hindi lang talaga niya matanggap. Hindi niya ginustong sumuko. Naging mapilit ang kanyang puso sa gusto nito. Umaasa kahit na alam na walang mapapala. Kahit na alam na darating ang araw na ito. Ang araw na mawawasak ang kanyang puso at pag-asa. Ang araw na labis siyang masasaktan.
"Fine. Hindi mo 'ko mahal. Pero kailangan ba talaga ay si Ava ang mahalin mo? Ang best friend ko? Hindi ba puwedeng ibang babae?"
Noon nagsalita si Shawn. "I'm sorry."
Puno ng pait ang naging ngiti ni Mimi. "Wala ka nang ibang sasabihin?"
Umiling si Shawn.
Umaasa nga ba talaga siya sa isang paliwanag? Umaasa nga ba siya na maririnig niyang mali siya ng intindi sa nadatnan? Ano nga ba ang hindi niya maintindihan at matanggap sa eksenang nakita? The man she loved was passionately kissing her best friend. Iyon na iyon.
Hindi rin siya nananaginip. Nangyayari ang lahat.
Marami ang nagtatanong sa kanya dati kung kailan siya susuko at titigil. Ang madalas niyang tugon ay "never." She was convinced that she would love Shawn until the very end. Hindi niya inakala na darating pala ang araw na mapapagod siya, na susuko na siya.
"Fine! I give up!"
BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomanceSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...