PAKIRAMDAM NI Mark ay nalaglag ang kanyang puso. "Oh, my God," ang naiusal niya. Hindi niya sigurado kung ano ang mararamdaman. Hindi rin niya maalala kung paano siya napunta sa lugar at kalagayan na iyon.
"'Having fun?" ang tumatawang tanong ni Mimi.
Nilingon ni Mark ang dalaga na siyang nagmamaneho ng Jeep kung saan siya nakalulan. Napahigpit ang pagkakawak niya. "This is your definition of fun?" Naipikit niya ang mga mata nang maramdaman ang pag-angat nilang muli. Alam niyang pagbagsak ang kasunod niyon.
"Yes!" ang masayang bulalas ni Mimi. "Open your eyes."
Umiling si Mark at nanatiling nakapikit. Pilit niyang inihahana ang dibdib at nanalangin na sana ay huwag siyang atakehin sa puso. Nang sunduin siya ni Mimi sa kanilang bahay ay ikinatuwa niya na isang Jeep ang dala nito. Hiniram daw nito ang sasakyan sa isa sa mga kuya nito. Kailangan daw nila ng ganoong sasakyan sa pupuntahan nila.
Sa bulubunduking bahagi ng Matangcaoa sila napunta. Dating halos kalbo ang kagubatan dahil sa illegal logging at ilegal na pag-uuling ng mga tao. Protected area na iyon ngayon pero hindi pa ganap ang forest restoration. Maraming bahagi pa rin ang nakakalbo.
Hindi niya alam na ang ilang bahagi ng kabundukan ay ginagamit para sa mountain driving. The slopes were dangerous but that was the appeal to the people who were into those kinds of things. May trail na at madali na ang drive pero maituturing na rough pa rin. Nakatawid na sila sa dalawang ilong at hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang naranasan ang pakiramdam na parang nalalaglag ang kanyang puso.
"Makakatulong kung sisigaw ka, you know."
"I'm not a screamer."
Natawa nang malakas si Mimi. Sa kabila ng lahat, hindi niya maiwasang kaaliwan ang tunog ng tawa nito. Iminulat ni Mark ang mga mata at tumingin sa dalaga. Halos umabot hanggang sa tainga ang ngiti nito. Nanginginang ang mga mata nito sa kaligayahan at excitement.
Kanina ay labis ang nadaramang takot ni Mark pero unti-unti na iyong naglalaho. She was a good driver. Hindi nawawala ang kontrol nito sa sasakyan. Hindi reckless ang pagmamaneho nito. Sa palagay rin niya ay kabisado nito ang trail.
"This is the last steep. It's really wicked. Pagkatapos nito ay mas patag na ang daraanan natin. The view is gonna be so breathtaking. This scare will be so worth it, Mark. Give it your all, okay? Let go!"
Hindi na nagkaroon si Mark ng pagkakataon na makatugon o maiproseso man lang ang sinasabi ni Mimi sa kanya. Umandar na sila. Sandali nitong itinigil ang sasakyan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung gaano ka-wicked ang bababaan nila.
"Mi—"
Hindi na naituloy ni Mark ang sasabihin dahil pinaandar na uli ni Mimi ang Jeep. Ititikom sana niya ang bibig at mariing ipipikit ang mga mata ngunit nagbago ang kanyang isipan. What the hell. Hinayaan na niya ang sarili. He let go. Ibinuka niya ang bibig at sumigaw. He screamed on top of his lungs.
Natawa nang malakas si Mimi.
Halos hindi namalayan ni Mark na mas patag na ang kanilang dinadaanan. Natigil siya sa pagsigaw. Nasapo niya ang dibdib. He felt a little lighter and so much better. Habang mas kumakalma ang tibok ng kanyang puso ay mas gumagaan ang kanyang pakiramdam. Hindi niya sigurado kung ano ang naalis para gumaan ng ganoon ang kanyang pakiramdam pero wala na siyang gaanong pakialam. Ang mahalaga ay ang kaigaya-igayang pakiramdam.
"'Feels good, doesn't it?" ang masiglang sabi ni Mimi.
Natawa si Mark. "Yes!" Inilinga niya ang paningin sa paligid nang mas maging smooth ang takbo nila. Patag na ang kanilang dinaraanan. May ilong sa tabi at iilan lamang ang mga puno sa paligid. Napapalibutan sila ng ilang burol at matatanaw ang mga kabundukan. Dahil nga medyo patag na ang daan, mas mabilis ang pagmamaneho ni Mimi.
Hindi na gaanong nag-alala si Mark. Lubos na ang kanyang tiwala sa dalaga. Nagpasya siyang hayaan na lang ang sarili na mag-enjoy. Hindi na niya gustong mag-isip masyado, mag-alala. He wanted to live for that moment.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Napakaganda ng kapaligiran. Kailangan niyang i-appreciate ang lahat ng magagandang bagay sa paligid niya. Pakakawalan niya ang mga negatibong bagay sa kanyang dibdib.
Nagawi ang mga mata ni Mark kay Mimi na hindi nabubura ang ngiti sa mga labi kahit na tutok ang atensiyon nito sa pagmamaneho. She was beautiful. Nang mga sandaling iyon, wala na siyang ibang babaeng kilala na mas gaganda pa kay Mimi. Parang nabura ang lahat ng mukha ng babae sa kanyang isipan nang mga sandaling iyon. Wala siyang ibang naiisip kundi si Mimi lamang.
Nilingon siya nito at mas tumamis ang ngiti nito nang makita siyang nakatingin.
"Are you happy you have me in your life now?" ang sabi nito, may bahid ng kapilyahan sa tinig.
"Definitely," he answered honestly. Hindi niya inasahan ang pagganda ng kanilang relasyon pero masaya pa rin siya. She could surprise him. She could easily make him smile and laugh. Mas gusto pa niyang kilalanin ang dalaga.
Sisiguruhin niya na mananatili sila sa buhay ng isa't isa.
BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomanceSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...