"KAIN NANG kain, mga apo. Alam naming walang ganito kasariwang pagkain sa Maynila."
Nginitian ni Mark si Lolo Juan, ang nagsalita. Masigla pa ang matanda sa kabila ng edad. Wala na itong ngipin pero napakaganda pa rin ng ngiti.
Napatingin siya kay Mimi na kaagad nagsimula sa pagkain. Mas lumapad ang kanyang ngiti. Maliit man, ang gana pa rin nitong kumain. Ang sarap ng kain nito na medyo nakakahawa. Hindi na nagpakita ng hiya ang dalaga. Gusto rin niya na hindi nito ipinipilit ipakitang maging katulad ng mga taong nakapaligid sa kanila. Alam nitong hindi ito katulad ng mga taong naroon. Hindi nagkamay si Mimi sa pagkain, ginamit nito ang mga kubyertos. Kahit na galing sa pamilya ng mga politiko, hindi mapagkunwari ang dalaga.
He loved how geniune and adorable she was. Masasabi niyang nakita kaagad iyon ng mga taong nakapaligid sa kanila. Naramdaman ng mga ito ang pagiging totoo ni Mimi. Mabilis na napamahal ang dalaga sa mga ito dahil doon.
Tinutulungan ni Mimi ang mga tao roon sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho. Sagana sa kawayan ang lugar kaya naman bukod sa pagtatanim ay paggawa ng kaing, basket at bilao ang pinagkukunan ng mga tao roon. Yari sa kawayan ang boxes ng mga alahas na ginagawa ni Mimi. Ang mga tao roon ang nagsu-supply ng mga kailangan nito. Nakakahanga ang pagsusumikap ng mga ito sa buhay.
Naparami ang kain ni Mark na ikinatuwa ng mga matatanda. Dahil naaalala ng mga ito ang batang siya na karay-karay ng papa niya noon, kaagad din siyang kinagiliwan ng mga ito. Nakatulong din siguro ang pagiging mabuting mayor ng kanyang Kuya Antwon.
Hindi niya magawang patuloy na maawa sa mga ito kahit na iyon ang unang naramdaman niya kanina. Walang dahilan para maawa. They didn't have much pero mukhang maayos naman ang kalagayan ng bawat pamilya. Masaya ang bawat isa.
"Kayo ba'y may relasyon, kung hindi n'yo mamasamain ang aking pagtatanong, mga apo?" ang tanong ni Lola Conching.
Kapwa sila natigilan. Naunang nakahuma si Mimi at ngumiti. "Anong relasyon po ang tinutukoy n'yo?"
"Mag-boypren ba kayong dalawa?" ang deretsang tanong ni Lola Merla.
Tumikhim si Mark. Inabot niya ang kanyang baso ng tubig. Hindi niya sigurado kung bakit bigla siyang hindi naging komportable sa itinatakbo ng usapan. Kung tutuusin ay madali lang namang sagutin ang tanong ng mga ito.
Naunahan na siya ni Mimi sa pagsagot. "Hindi ho. Hindi pa ho. Bagay po ba kami?"
Tumango ang ilan sa mga matatanda. "Bagay na bagay," ang isang matandang lalaki.
Hindi na talaga masyadong komportable si Mark sa nagiging usapan. Napatingin siya kay Mimi na nakatingin na pala sa kanya. Nakangiti at mukhang naaaliw sa kinahihinatnan ng lahat.
"Pero ang alam ko ay may kinakasama ka sa Maynila, Mark."
Halos sabay silang napatingin ni Mimi sa nagsalitang si Lola Conching. Bigla ay parang gustong matawa ni Mark. Hindi niya akalain na hanggang doon ay makakarating ang ganoong balita.
"Bakit hindi ko alam ang tungkol sa bagay na iyan?" ang tanong ni Mimi. Nangungunot ang noo nito. Nabura na ang ngiti sa mga labi nito. Nabawasan ang kinang sa mga mata nito.
"Hiwalay na kami," ang sabi niya.
"Oh."
"Yeah." Sinikap niyang ibalik ang ngiti para sa mga taong nakapaligid sa kanila. Hindi niya hinayaan na manikip ang kanyang dibdib dahil naalala na naman niya ang nangyari sa kanila ni Yani. Hindi niya gustong mabahiran ng kahit na ano ang masayang araw na iyon. Nabatid niya na matagal-tagal na rin mula nang makadama siya ng kagaanan ng loob. Hindi niya gustong mawala iyon.
Gumanti ng ngiti ang mga matatanda. "Sinayang ka niya, apo," anang isang lolo. "Kay ganda mong lalaki, bah!"
Nagsitanguan ang iba. "Siya ang nawalan, bah!" ang dagdag ng isang lola.
"Makakahanap ka ng mas nararapat para sa 'yo."
Tumango-tango si Mark. Those words comforted him. Mas kaya na rin niyang umasa na magiging maayos ang lahat sa hinaharap. Napatingin siya kay Mimi na medyo salubong pa rin ang kilay pero abala ang bunganga sa pagnguya. Parang malalim ang iniisip nito. Binigyan niya ang dalaga ng munting ngiti.
Sumagi sa isipan niya ang isang ideya. Hindi sana niya gustong i-entertain ang bagay na iyon pero hindi niya napigilan. It's going to be a very silly idea, he knew. Kahit na gayon, bakit parang masarap pa ring isipin? Parang uubra.

BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomanceSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...