KAAGAD NA nalaman ni Mimi na tama ang lahat ng sinabi ni Mark tungkol kay Aiyana. Tama rin ang sinabi nitong kaagad niyang makakasundo ang babae. Pagbukas pa lang niya ng pintuan at nakita ang palakaibigan nitong ngiti ay kaagad gumaan ang loob niya. Maaliwalas ang mukha nito na para bang walang inindang problema sa buhay kahit na kailan. Her eyes were clear and kind.
Mas malapit ang edad ni Aiyana kay Mark kaya naman hindi niya ito hinayaan na tawagin siyang "Ma'am." Nalaman niya na taga-Matangcaoa rin ang bagong kaibigan. Isa ito sa mga mapalad na nabigyan ng scholarships ng pamilya ni Mark. Sinabi rin sa kanya ni Aiyana na si Mark ang unang client nito.
Kilala raw siya ni Aiyana dahil nga prominente ang kanyang pamilya. Madalas siya nitong nakikita sa simbahan noon. Ang sabi nito ay hindi nito akalain na magiging nobyo niya si Mark.
"Hindi mo 'ko kailangan na tulungan, alam mo," ang natatawang sabi nito habang kinukuha sa kanya ang feather duster.
Hindi hinayaan ni Mimi na makuha nito iyon sa kanya. "Wala rin naman akong ginagawa." Ang totoo ay wala rin naman talaga siyang gaanong naitutulong. Halos wala nang liligpitin at lilinisin. Mukhang bahay na uli ang apartment niya. Maging ang work area niya na parang dinaanan ng bagyo ay habitable na. Hindi naman siya maituturing na sensitive artist. Malayang nakakapasok ang sinuman sa kanyang work area. Ipinapakita niya ang mga gawa niya kahit na hindi pa tapos. Ang totoo ay gusto lang niyang makipagtsismisan kay Aiyana kaya inaabala niya ang dalaga sa paglilinis.
"Matagal ka nang naglilinis for Mark," ang kanyang panimula.
Napangiti nang makahulugan si Aiyana. "Yes, kilala ko ang ex niya," ang sabi nito bago pa man makapagpatuloy si Mimi.
Nag-init ang mukha niya. Medyo nahiya pa rin siya kahit na masasabing komportable na siya kay Aiyana. Hindi niya gustong isipin nito na medyo insecure siya. Alam niya na ang loyalty nito ay na kay Mark. Bahagya rin siguro siyang nag-aalala na baka iparating nito sa binata ang kanyang pagtatanong.
"Naiintindihan ko naman. Curious ka tungkol sa kanya bilang ikaw na ang girlfriend ni Mark ngayon." Base sa kaswal na pantukoy nito kay Mark ay masasabing magkaibigan ang dalawa at hindi lang boss-hired help ang relasyon.
Tumango si Mimi. "Please don't tell him I'm asking questions."
"Oo naman. Makakaasa kang hindi ako dadaldal. Saka sa palagay ko naman ay normal lang na magtanong tungkol sa ex niya. Natural na maging curious ka sa babaeng nauna sa 'yo."
Muling tumango si Mimi. "You are absolutely right. This is just normal. Expected. Mas makapagtataka kung hindi ako magtatanong ng tungkol sa kanya kahit pa nagkukuwento naman na si Mark." Naupo siya sa sofa. "So you've met her? What was she like?"
Itinigil ni Aiyana ang ginagawa at tinabihan siya ng upo. "Hindi ko siya madalas na nakikita o nakakausap kahit na matagal-tagal na rin akong naglilinis ng unit nilang dalawa. Madalas na wala sila sa bahay kapag araw ng linis ko. Hindi ko rin siya gaanong nakakausap katulad ni Mark. Hindi ko masasabing magkaibigan kami. Maganda siya. Hindi ako magtataka kung bakit kaagad na naakit sa kanya si Mark."
"Mas maganda sa akin?" ang nakalabing sabi ni Mimi. Kusa iyong namutawi sa kanyang mga labi, hindi niya sinasadya.
Natawa nang malakas si Aiyana. "Tama ako. Mas magugustuhan kita para kay Mark kaysa kay Yani."
"Hindi mo sinagot ang tanong ko. Mas maganda siya kaysa sa akin?" Pero flattered si Mimi sa sinabi nito.
"Siyempre ikaw. At hindi ko iyon sinasabi dahil ikaw ang kasama ko ngayon. Totoong mas maganda ka sa kanya. Hindi ko kasi gaanong bet ang mga babaeng hindi gaanong ngumingiti kahit na maganda sila. Parang pakiramdam ko kay Yani ay mabigat pa rin ang pasan niya kahit na sa totoo lang ay ang dali ng naging buhay niya dahil kay Mark."

BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomanceSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...