NATUTOP NI Mimi ang bibig pero hindi pa rin niya napigilan ang pag-alpas ng tawa mula sa kanya. "I'm sorry. I'm really sorry," ang kaagad niyang sabi sa mga kasama niya sa malaking dining table. "Hindi ko po sinasadya." Alam niya na hindi appropriate ang ganoong reaksiyon kaya naman pinipilit niyang pigilan ang sarili. Hindi nga lang niya gaanong mapagtagumpayan.
Inilapit ni Mark ang sarili sa kanya. "Yes, sinasadya mo," ang pabulong nitong sabi malapit sa kanyang tainga.
Nilingon niya ang nobyo at nginitian nang matamis.
Nasa ancestral house sila nina Mark. Nagpasya silang tipunin ang kanilang pamilya para sa isang salo-salo bago sila bumalik ng Maynila. Napagpasyahan nilang ipaalam sa lahat ang kanilang relasyon. Inakala nila na labis na ikatutuwa ng dalawang pamilya ang ibinahagi nila.
Labis na nagulat ang lahat. Natahimik ang lahat. Nanlalaki ang mga mata ng karamihan at waring hindi talaga mapaniwalaan ang sinabi nila ni Mark. Hindi napigilan ni Mimi ang matawa dahil sa ekspresyon ng mukha ng mga ito. Sa hinaba-haba ng panahon na inasam ng mga itong may magkatuluyang Punzalan at Soriano, parang hirap ang mga ito na pakitunguhan ang kanilang inianunsyo.
"Say something, please," ang sabi ni Mark sa lahat. Base sa ekspresyon ng mukha nito, halata ang pagiging hindi nito komportable. Ang binata naman ang nag-insist na pormal na sabihin nila sa kani-kanilang pamilya ang relasyon. Para sa kanya ay okay lang naman kahit palipasin muna ang ilang linggo o ilang buwan. Testing muna kumbaga. Hindi na muna nila kailangang idamay ang kani-kanilang mga pamilya. Kung sakali mang hindi umayon ang lahat sa kanilang plano at mapagpasyahan nilang maging magkaibigan na lamang, hindi na madadamay ang kani-kanilang pamilya. Hindi aasa ang mga ito na sa simbahan ang kanilang tuloy.
Pero ayaw makinig sa kanya ni Mark. Gusto nitong malaman ng pamilya nila ang namuong relasyon. Gusto nitong maging pormal ang lahat. Hindi nila kailangang mag-alala para sa hinaharap. Hindi raw nila maaaring isipin na baka hindi umubra ang lahat. Kailangan ay maging positibo sila sa pag-iisip na magiging maayos ang kanilang relasyon hanggang sa huli.
Gusto ni Mimi ang ganoong attitude ni Mark kaya pumayag na siya sa gusto nito. Seryoso ang binata sa relasyon nila kahit na medyo "unconventional" ang naging ligawan nila kaya naman kailangan din niyang maging seryoso.
Hindi lang laro ang pinasok nilang dalawa. They could—would spend the rest of their lives with each other. They would be partners.
"People," ang untag ni Mimi sa lahat. Hindi pa rin nakakahuma ang mga ito kahit na pinakiusapan na ni Mark na magsalita.
Si Lolo Theodore ang unang nakahuma. Siguro ay hindi na dapat niya tinatawag na "Lolo" ang matanda dahil girlfriend na siya ng bunsong anak nito. It would just take sometime to get used to it though.
"Tama ba ang pagkakaintindi ko? May relasyon na kayong dalawa? Relasyong magnobyo?" ang tanong nito habang nakatingin sa kanila. Base sa ekspresyon ng mukha nito, parang hindi nito masiguro kung ano ang mararamdaman. Naghahalo ang kalituhan, pag-aalangan at kaunting galak.
Tumango si Mimi. "Opo."
Sunod na nagsalita ang kanyang ama. "B-but... k-kailan pa ito? Bakit hindi namin alam na nagkakaigihan na kayo? Hindi namin alam na may namumuo na sa pagitan n'yong dalawa."
"Ang totoo po ay bago-bago lang po ang pagkakaigi namin." Tumingin si Mimi kay Mark na mukhang bigla ay hindi nito alam kung paano magpapaliwanag.
"Akala ko ay sina Wallace at Mimi ang nagkakaigi," ang sabi ng kanyang Lolo Anselmo.
Napatingin si Mimi kay Wallace na mukhang labis ding ikinagulat ang inianunsiyo nila ng tiyuhin nito. "We're just friends. May girlfriend po si Wallace, Lolo. Don't you remember? Na-meet mo po siya noong isang araw lang." Medyo makakalimutin na ang kanyang lolo. Mas matanda ito ng ilang taon kaysa sa ama ni Mark.
"Hindi ba dapat ay masaya tayo dahil sa wakas ay may Punzalan at Soriano nang magkakatuluyan?" ang tanong ni Mimi sa lahat.
"Parang ang bilis lang, anak," anang kanyang ina. Nasa tinig at mga mata nito ang akusasyon habang nakatingin sa kanya. Hindi marahil nito nagustuhan na hindi niya sinabi ang tungkol doon bago ang dinner. Kinasanayan na nitong alam nito ang lahat ng tungkol sa kanya.
Hinawakan ni Mark ang kanyang kamay. "We're happy together."
"Hindi ba at kagagaling mo lang sa pakikipaghiwalay?" ang sabi ni Lolo Theodore. "Tama ang sinabi ng ina ni Mimi. Parang masyadong mabilis lang."
"Wala namang kaso sa akin, 'Lo," ang tugon ni Mimi bago pa man makapagsalita si Mark. "Tutulungan ko po siyang maka-get over sa ex niya." Ngumiti siya nang matamis. "Mas gusto n'yo naman po ako kaysa sa kanya, 'di ba? Promise po, mas pasasayahin ko si Mark. Mas aalagaan at mas mamahalin." Kinindatan pa niya ang matanda.
"Mimi," ang pananaway ng kanyang ama.
Natawa si Lolo Theodore. "Yes, I've always adored you, hija. Kaya nga gusto kong makatuluyan mo sana itong si Wallace."
"Pero mas gusto ko po si Mark. Be happy for us, please?" Tumingin din siya sa ibang tao na kasama nila sa mesa. "We're no longer kids. Lalo na itong si Mark. Hindi lang laro ang pinasok namin at alam namin ang bagay na iyon. Seryoso po kami sa relasyon na ito kahit na parang hindi sa paraan ng pagsasalita ko ngayon. We're gonna be fine. No need or reason to worry. We got this, okay?"
"I'm gonna take good care of her," ang pangako ni Mark sa kanyang mga magulang. "I will make her happy. I'll always be there for her. She's never gonna cry because of me."
Parang may mainit na bagay na humaplos sa puso ni Mimi. His promise was solemn. Ramdam niya ang sinseridad. Parang madaling paniwalaan na aalagaan nga siya nito at paliligayahin. Hindi kailanman sasaktan.
Alam niyang walang kasiguruhan ang bukas pero sapat na para sa kanya ang pangakong ganoon sa ngayon.
Tumango-tango si Lolo Theodore. "Okay. I'll be supportive. I'm gonna trust the both of you. Kailangan ay mas maging positibo ang tingin ko sa bagong relasyon na ito. Naniniwala ako na masyadong matibay ang pagkakaibigan ng dalawang pamilya para maapektuhan kung sakali mang..."
"Akala ko po ba magiging mas positibo tayo, Lolo? O do you want me to start calling you 'Papa'?"
"Mimi." Ang kanyang ina sa pagkakataon na iyon ang sumuway sa kanya.
Natawa si Lolo Theodore. "I'm sorry. Mas positibo. Walang magiging pagtutol mula sa akin."
Tumingin si Mimi sa mga magulang. "May pagtutol po ba kayo?"
Ilang sandali muna ang lumipas bago nagsalita ang kanyang ama. "May pag-aalangan pero walang pagtutol. Let's give this relationship a chance. Hindi naman siguro magiging masama."
"They look good together," ani Wallace. "Pakiramdam ko ay dahil sa age gap kaya parang may pag-aalangan sa iba sa atin. They don't belong in the same generation. Parang ang tanda ni Uncle Mark dahil bunsong anak siya ni Lolo Theo, pero hindi naman talaga ganoon katanda."
"They do look good together," ang pagsang-ayon ni Lolo Theodore, napapangiti.
"Let's celebrate!" ang biglang sabi ni Lolo Anselmo na bahagyang ikinagulat ng lahat.
Inabot ni Lolo Theodore ang wine glass nito at itinaas. "Let's."
Naging masaya na ang dinner ng pamilya pagkatapos. Masigla ang naging usapan. Hindi halos binitiwan ni Mark ang kanyang kamay. Medyo challenge tuloy ang pagkain. Pero wala siyang reklamo. Gusto niya ang pakiramdam na may humahawak sa kanyang kamay. Masarap sa pakiramdam na mayroon siyang koneksiyon sa ibang tao. Hindi niya iyon naranasan kay Shawn. Madalas niyang hilingin at ilarawan sa isipan. This was so much better, she realized.
Inutusan ni Mimi si Mark na subuan na lang siya. Wala silang pakialam kahit na nakatingin sa kanila ang kanilang pamilya.
BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomanceSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...