NANG MGA SUMUNOD na araw ay parehong naging abala ang dalawa sa kani-kanilang mga trabaho. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na lumabas o magkita man lang. Hindi rin naging madalas ang pag-uusap nila sa telepono. Hindi gaanong kinaaaliwan ni Mark ang texting. May mga pagkakataon na hindi nasasagot ni Mimi ang tawag nito dahil abala siya sa ginagawa. Nakatanggap siya ng trabaho mula sa isang socialite. Gusto nitong gumawa siya ng isang hair accessory na babagay sa Grecian-style gown na ipinagawa nito abroad. Gusto nitong gamitin iyon sa isang lavish custome party. It had to be conspicuous but elegant.
Isang challenge iyon para kay Mimi. Kaya naman ibinuhos niya ang lahat ng enerhiya at atensiyon sa trabaho. Wala siyang ibang ginawa sa ilang araw kundi ang head piece na iyon. Natuwa naman ang kanyang client sa kanyang ginawa. Binigyan siya nito ng bonus at nangako na magpapagawa pa sa kanya ng ibang accessories.
Nang hindi na siya abala ay si Mark ang unang pinuntahan niya. Linggo nang araw na iyon kaya alam niyang walang trabaho ang nobyo. Naisip niya na magandang ideya na gugulin ang buong araw na magkasama. Hindi siya gaanong nagplano dahil gusto niyang hingin muna ang opinyon ni Mark. Baka may gusto itong gawin. Baka mayroong mga plano o pagkakaabalahan sa araw na iyon.
Hindi pa gaanong sumisikat ang araw ay nasa labas na siya ng pintuan ni Mark. Alam na niya ang code sa pinto nito pero hindi niya hinayaan ang sarili na basta na lang pumasok. She had to respect his space, his privacy. Natutulog pa yata si Mark dahil ilang minuto rin siyang naghintay sa labas bago siya napagbuksan.
Nakahanda na ang kanyang magandang ngiti ngunit natigilan siya nang mamasdan ang nobyo. Kapagkuwan ay isang mas malapad at mas matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. He looked liked he just got out of bed. May secret wish yata siya kanina na sana ay nude kung matulog si Mark. O kahit na shirtless lang. Gusto niyang mapagmasdan ang katawan nito. She was just a typical girl.
Hindi shirtless si Mark. Nakasuot ang binata ng puting T-shirt at plaid pajama bottoms. Mukhang hindi pa gaanong gising ang diwa nito. Mugulo ang buhok nito. He looked absolutely yummy in the morning kahit na hindi shirtless. Gusto niyang yumakap at pupugin ng halik ang mukha at leeg nito. Dahil kanyang nabatid na na-miss niya nang sobra si Mark ay hindi na siya gaanong nagpigil. Ginawa niya ang talagang gusto niyang gawin.
Sa kanyang palagay ay nagising ang lahat ng natutulog na diwa ni Mark nang bigla na lang siyang yumakap at humalik.
"Good morning!" ang masiglang bati ni Mimi habang hinahagkan ang leeg ni Mark.
Pumaikot sa kanya ang mga braso ni Mark. "W-what..." Natawa ang binata. "Good morning."
Dinampian niya ng halik ang baba nito. "I missed you."
Nginitian siya nito at pakiramdam niya ay bahagyang lomobo ang kanyang dibdib. "I missed you too." Hinila siya nito papasok sa loob at isinara ang pinto.
"I'm sorry kung naabala ko ang tulog mo."
"It's okay. Papagising na rin naman na ako." Inihilamos nito ang isang kamay sa mukha at parang mas ginigising ang sarili.
"Gusto lang kitang makita at makasama nang matagal." Sinundan niya si Mark na nagtungo sa kusina para gumawa ng kape. Naghihikab na isinandal nito ang sarili sa counter habang naghihintay. He looked so adorable.
"Bibisitahin din talaga kita ngayon," ang sabi nito.
Ang ganda ng naging ngiti ni Mimi. "Bagay na bagay talaga tayo, pareho ang iniisip natin."
Maging siya ay ipinagtimpla nito ng kape.
"What's your typical Sunday like?" ang kaswal na tanong ni Mimi bago humigop ng kape.
Sandaling nag-isip si Mark. "Nothing much. Run for an hour. Magtatrabaho kung may kailangang trabahuhin. Laze around kung wala. It's boring. I like boring."
"Okay. Let's do boring together."
Tumikwas ang isang kilay ni Mark. Parang gusto nitong matawa.
"What?" ang nagtatakang tanong niya. Hindi niya malaman kung ano ang nakakatawa sa kanyang sinabi.
"I just think anything you do will not be boring."
"You'll get to know me more and you'd change your mind. Kayang-kaya kong maging boring."
Nakangiting umiling si Mark.

BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomanceSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...