NAPABUNTONG-HININGA si Mimi habang ipinapasok ang kanyang sasakyan sa malaking gate. Umuwi siya nang weekend na iyon sa Matangcaoa, ang kanyang hometown. Maliit lamang na bayan iyon ngunit maituturing na isa sa mga maunlad na bayan sa kanilang lalawigan. Medyo liblib at malayo sa major cities ngunit accessible naman.
Isa ang pamilya ni Mimi sa pinakamayamang pamilya sa bayan na iyon. Ang totoo, dalawang pamilya lang naman ang pinakamakapangyarihan sa bayan na iyon. Ang pamilya niya, ang Punzalan at ang pamilya Soriano. Isang Soriano ang kasalukuyang mayor at isang Punzalan ang vice mayor.
Old rich kung maituturing ang dalawang pamilya. Pag-aari ng mga ito ang pinakamalalaking negosyo sa bayan. Malawak ang kanya-kanyang lupain. Dating magkaaway ang mga Punzalan at Soriano. Ang kuwento sa kanya noon ay nagpapatayan pa talaga ang dalawang pamilya. Hanggang sa mag-ibigan ang isang lalaking Punzalan at babaeng Soriano. Hindi naging maganda ang wakas ng dalawa. Nagtanan ang mga ito dahil nga tutol ang kani-kanilang mga pamilya. Sinubukan na lumayo ngunit minalas na naaksidente ang mga ito sa daan. Parehong sumakabilang-buhay ang magsing-irog.
Para naman hindi masayang ang pag-iibigan ng dalawa, sinikap na magkasundo ng dalawang pamilya. Hindi naging madali dahil magkaribal ang dalawang pamilya sa halos lahat ng bagay. It took time and really hard work but the two families managed to be friends eventually. Nagkaroon pa ng biruan na kailangan ay magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Sa katunayan ay sinubukan nang pagkasunduin ang ilan. Ang lola niya at papa niya ay ipinagkasundo noon sa kabilang pamilya ngunit nagmahal ng iba ang mga. Hindi na magawang pilitin ng dalawang pamilya ang mga puso na hindi willing. Siguro ay natuto na sa mga namatay dahil sa pag-ibig. Kahit na gayon, umaasa pa rin ang marami na may isang Punzalan at isang Soriano na magkakatuluyan. Kaya patuloy pa ring may ipinagkakasundo sa bawat henerasyon.
Bumaba ng sasakyan si Mimi. Compound ang tawag nila sa lugar na iyon ngunit maituturing na talagang maliit na komunidad sa lawak niyon. Balwarte iyon ng mga Punzalan. Sa kasalukuyan ay anim na naglalakihang bahay ang nakatayo sa compound.
Hindi na gaanong nakapagtataka na naiisip niya ang kasunduan ng mga Punzalan at Soriano sa pag-uwi niya sa Matangcaoa. Bunso sa limang magkakapatid si Mimi at siya lamang ang babae. Panganay na anak ng lolo niya ang kanyang papa. Ang kanyang ama ang kasalukuyang vice mayor ng bayan. Sa susunod na eleksiyon ay ito ang tatakbong mayor at isang Soriano ang magiging bise.
Hindi na lang para sa dalawang namatay na magsing-irog ang dahilan kung bakit patuloy na ipinagkakasundo ang isang Soriano at isang Punzalan. Mas matimbang na ang dahilang ayaw na ng kahit na sino na mag-agawan muli sa kapangyarihan ang dalawang pamilya. Mabuting magkaibigan ang dalawang pamilya at magiging worst enemy ang isa't isa. Kapag nagpakasal ang isang Soriano at isang Punzalan, magiging isa na lang ang pamilya. Masyadong sagrado ang kasal para sa dalawang pamilya. Wala pang naghihiwalay. Walang maaaring maghiwalay. Masisiguro ng isang kasal ang matibay na pagbubuklod. Hindi na maaaring magkawatak ang Punzalan at Soriano.
Hindi sigurado ni Mimi kung dahil sa siya lamang ang babaeng anak ng kanyang papa kaya siya ang ipinagkasundo sa panganay na apo ng mga Soriano na si Wallace. Mula pagkabata ay pinaglalapit na silang dalawa. Magkaklase sila mula kindergarten hanggang sa unang dalawang taon ng kolehiyo. Maituturing na mabuti silang magkaibigan ni Wallace. He was generally pleasant. Hindi rin maituturing na pangkaraniwan ang kaguwapuhan nito. He was tall and lean. He was beautiful. Kapag nakikita niya ang binata ay gumagaan ang kanyang pakiramdam lalo na kapag nginingitian siya nito.
Mimi liked Wallace as a friend. Kahit na alam nila pareho na ipinagkasundo silang magpakasal balang-araw ay hindi sila lumampas sa linya ng pagkakaibigan. Parang alam nila pareho na hindi sila ang para sa isa't isa. Hindi nila kailanman sineryoso ang kasunduan dahil alam nila na walang makakapilit talaga sa kanila kapag hindi nila gustong magpakasal. Hahayaan silang kumawala sa kasunduang iyon ng kani-kanilang pamilya.

BINABASA MO ANG
Devoted (Completed)
RomansSometimes, love could be easy and uncomplicated. Matagal nang gusto ng kanya-kanyang pamilya na magkatuluyan ang isang Punzalan at isang Soriano. Pero hindi iyon nabibigyang-katuparan dahil walang Punzalan at Soriano na nagkakagustuhan. Hanggang sa...