"HINDI ba dumadalaw sa 'yo si Diana?"
Bahagyang ngiti ang tugon ni Milton sa tanong ni Magno. "Walang kasama si Natasha sa Maynila. Isa pa, maiinip lang silang dalawa rito."
Hindi umimik ang lalaki, ngunit base sa ekspresyon ng mukha nito ay hindi ito natuwa sa narinig. Nauunawaan niya iyon. Kaya siya narito sa hacienda ay dahil nanghina ang kanyang katawan. Isang taon nang hindi maganda ang kanyang lagay at isang taon na ring hindi matukoy ng mga doktor kung ano ang sanhi niyon. Ang payo ng huling doktor niya ay ang magpahinga siya na siyang ginawa niya.
"At kumusta si Julie?" tukoy niya sa asawa ni Magno. "Ang mga biyenan mo?"
Bumuntong-hininga si Magno. "Si Julie, lalo kong minamahal. Ang mga biyenan ko... ganoon pa rin, tulad pa rin ng dati sa kasamaang-palad."
Nagkangitian sila, nagkaunawaan. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na itinakwil si Julie ng mga magulang nitong banyaga nang magtanan ito at si Magno. Ngunit hindi iyon naging hadlang sa kaibigan niya at kay Julie Stanford para magsimula ng isang pamilya.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay lumapit sa kanya ang lalaki upang manghiram ng pangpuhunan, ibig patunayan sa mga biyenan na kaya nitong ibigay ang isang maginhawang buhay sa asawa na sanay sa luho. Walang pagdadalawang-isip na ibinigay niya ang tulong-pinansiyal dito.
Nang isilang ni Julie si Emilio, ang panganay ang nag-iisang anak ng mga ito, ay tinanggap na ang mag-asawa ng mga magulang ni Julie. Gayunman ay hindi lingid sa kanya na iba talaga ang turing ng dalawa sa kanyang kaibigan. Ang pakikisama sa mga ito ay isang sakripisyo para sa kanyang kaibigan na handa nitong panindigan alang-alang sa pinakamamahal nito. Nauunawaan niya iyon. Siya, higit sa kahit na sino, ang nakakaunawa ng isang uri ng pagmamahal na hindi maaaring tawaran.
"At least, now, they let you manage the company," aniya. "May tiwala sa 'yo, Pare, kahit hindi pa nila sabihin."
"Iba ang tiwala sa utang-na-loob at kahihiyan. Seven years ago you helped them. At naniniwala akong dadalhin nila ang pagkapahiya hanggang sa kabilang buhay."
"Hindi sila ang tinulungan ko. Ikaw," aniya, naalala ang pagkakataong muling lumapit sa kanya si Magno may pitong taon na ang nakakaraan. Ang malaking pharmaceutical corporation ng pamilya nina Julie ay bumabagsak na at napakalaking halaga ng kailangan upang iyon ay masalba. Hindi naging sapat ang naitayong negosyo ni Magno upang isalba ang negosyo ng mga biyenan nito.
Sa kabila ng pagtutol ni Diana ay isinangla niya ang sarili niyang kompanya upang matulungan si Magno. Bagaman nakakabawi na ang kanyang kompanya ay madalas pa ring magreklamo ang kanyang asawa, iginigiit na sabihin niya kay Magno na dapat nasa pangalan niya ang malaking porsiyento ng shares ng Stanford and Stanford Phramaceuticals, isang bagay na hindi niya ginawa.
Hindi sa hindi iginiit ni Magno, sa katunayan ay ilang ulit nilang pinagtalunan ang bagay na iyon. Hindi siya tumulong upang magkamal ng malaking salapi. Hindi siya tumulong dahil batid niyang mahusay ang kanyang kaibigan at makakabawi ito, tatayong muli, gagawing mas malaki ang Stanford and Stanford. Hindi siya ganoong klaseng tao. "Alam kong ganoon din ang gagawin mo para sa akin, Magno. Masaya akong napatunayan mo sa mga biyenan mo ang kakayahan mo," pagtatapos niya.
Bumuntong-hininga ang lalaki. "We owe you a damned lot."
Inignora niya iyon. "Your son, he seems... very quiet."
"Ah." Muling bumuntong-hininga ang lalaki. "Laki sa mga biyenan ko, hindi na yata tutubuan ng emosyon. Wala akong magawa. Noong nagpunta kaming Amerika, kinuha na sa amin ni Julie at hindi ako pumalag. Pakiramdam ko inagawan ko sila ng anak at kailangan kong palitan. Don't get me wrong, Pare, they're good to him. Strict, very strict, and we know he wouldn't grow up spoiled rotten. Ang kaso, nagiging katulad ng lolo niya ang anak ko. His ambitions are huge... At isinama ko nga rito nang matuto naman ng kaugalian ng mga Pilipino. Darating ang oras, kapag wala nang dahilan para pumalag ang mga biyenan ko, na dadalhin ko ulit dito si Emilio. Mapipilitan siyang maranasan ang buhay dito, ang naging buhay ko noon."
"Mukhang pasasamain mo ang loob ng anak mo."
Ngumiti ito. "Kilala ko si Emilio. Hindi 'yon tatanggi kung kailangang patunayan niya ang sarili niya. He's very stubborn."
"Kung ganoon, nagmana sa 'yo."
Nagkatawanan sila. Komento nito, "Si Nora, mukhang mabait na bata."
"Napakabait na bata. Hindi ako nagsisising kinuha ko siya noon sa simbahan."
"Kasundo ni Diana?"
"Iba ang paborito niya, natural. Pero paborito ko si Nora."
Pinisil nito ang palad niya. "Lumalaki na ang mga bata, Milton. Kaya mo bang paniwalaan ang mga edad natin ngayon?"
Nakangiting itinaas niya ang balikat. Tama ito, parang kailan lang. At ayaw man ay mayroon siyang nakapang kaba sa dibdib niya. "Magno, kung sakaling mawala ako nang wala sa oras, maipapangako mo ba sa aking aalagaan mo ang mag-iina ko?"
"Bakit ka nagsasalita ng ganyan?"
"Hindi ko alam, pero kailangan kong marinig ang pangako mo."
"Nangangako ako," taimtim nitong lahad.
BINABASA MO ANG
Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)
RomantikThird book of the series. Available sa ebookstore ng PHR.