Chapter 27

8.2K 307 6
                                    

"ARE YOU all right?"

Napatingin si Nora sa nagsalita. Ito ang isa sa kakambal niya. Ito ang may mahabang buhok. Natutop niya ang likod ng ulo at tumango. "Oo. Hindi pa ako hinihimatay kahit kailan. Pasensiya na. Nagulat ako."

"Siyempre. Makakita ka ba naman ng dalawa pang kasing-ganda mo, magugulat ka rin!" wika ng kakambal niyang maiksi ang buhok. Naupo ito sa dulo ng kama.

Para siyang tangang palipat-lipat ang tingin sa mga ito hanggang sa yakapin siya ng dalawa at bigla siyang napaiyak, niyakap din ang mga ito. Iyak lang siya nang iyak at ayaw nang pakawalan ang dalawa. Para bang ang lahat ng sama ng loob niya ay biglang sumabog. Magkakahalo ang damdamin niya—saya na nakita ang mga ito, lungkot na ngayon lang sila nagkita, at pananabik sa mga panahong darating na alam na niyang may dalawa siyang kapatid.

"Diyos ko..." sambit niya nang hawakan ang mukha ng mahaba ang buhok, saka niya hinawakan ang mukha ng maiksi ang buhok, saka siya lumuluhang napatawa. Umiiyak din ang mga ito.

"We're so glad we've found you. I'm Charo." Itinirik nito ang basang mga mata. "Ako ang Ate Charo mo. Oh, God. No one's using the Ate before my name, okay?"

Tumawa habang lumuluha ang maiksi ang buhok. "Ako si Vilma. Ako ang pangalawa. Call me Ate Vi." Pinagpormang titik-V nito ang daliri at itinapat sa gilid ng mukha nito. Mukhang komedyana ito.

Napatawa siyang bigla. "Pinaglaruan yata ang mga pangalan natin. Paano... paano nangyari ito? Sa loob ng mahabang panahon alam kong hindi ako totoong anak ni Papa pero hindi ko alam na may mga kapatid ako. Ayaw ni Papa na hanapin ko ang totoo kong pamilya dahil iniwan daw ako sa simbahan, sa loob ng kahon ng sapatos. Sasama lang daw ang loob ko kung hahanapin ko ang mga magulang ko at masyado nang maraming nangyari sa buhay namin. Nagkasakit si Papa, inalagaan ko siya, nawala na sa loob kong hanapin ang pamilya ko. Lumaki ba kayo sa mga magulang natin?"

Umiling ang mga ito at ipinaliwanag sa kanya ang lahat. Silang tatlo pala ay may kanya-kanyang kahon ng sapatos at iniwan sa magkakaibang lugar. Namatay daw sa panganganak ang kanilang ina na ang pangalan ay Beatrice Atilio, at ang nag-iwan sa kanila sa iba't ibang lugar ay ang asawa ng kawaksi ni Beatrice na si Pabling na kamakailan ay hinanap si Charo upang sabihin dito ang lahat. Nabigla siya nang malamang sa bayan ng San Felipe siya iniwan. Sa pagkakaalam niya ay sa Mindoro siya natagpuan ng kanyang ama.

"Baka hindi sinabi sa 'yo ng papa mo kung saan ka niya talaga nakita. Imposibleng nadala ka sa ibang bayan dahil na rin sa kuwento ni Tatay Pabling," si Vilma. "Pero hindi na siguro mahalaga 'yon. Ang mahalaga, buo na tayong tatlo. 'Wag kang mag-alala, tatlo lang tayo—sabi ni Tatay Pabling mismo. Walang Sharon o Dina."

Ngumiti siya, patuloy na lumuluha. "Paano ninyo ako nakita? Diyos ko, kung hindi ninyo ako nakita ni hindi ko malalamang may mga kapatid ako."

"It all started with the gown. The wedding gown. Our mother's wedding gown." Inilabas ni Charo ang isang bridal magazine kung saan may larawan ito suot ang gown niya. Dalawang taon na ang tanda ng magazine na iyon. Naisip niya na kung sakali man na may kakilala siyang nakakita ng larawan na iyon ay maiisip lang na kahawig niya si Charo dahil bukod sa caption ng pangalan nito roon ay naka-makeup ito nang husto, isang bagay na hindi niya ginagawa. Gayunman ay naalala niya ang isang babaeng tinawag siya sa pangalang "Charo" noong nakaraan. Kung siya ang nakakita ng larawang iyon, hindi rin niya maiisip na kakambal niya ito. Magkahawig na magkahawig sila, oo, pero para maisip na kakambal niya ito ay hindi siguro niya maiisip.

"Paano nangyaring nasa 'yo ito? Sa lola ni Emilio ang gown na ito." Natigilan siya. Naalala niya ang sinabi ng matanda na hindi nito gown ang suot niya.

"That's actually our second great grandmother's gown. Nawala na sa loob kong nang kunin sa cleaners at mabuti na rin lang. One week ago a friend called me up and told me she saw a photo of me marrying Emilio Stanford. Apparently, this friend knows your event coordinator. I managed to have a copy of the said photo. Noong nakita kong suot mo ang gown, nagtaka ako siyempre at nagpunta sa cleaners. Nagkaroon ng switching. Ang sabi noong clerk ako raw mismo ang kumuha ng gown at ipinakita pa niya sa akin ang pirma ko—na actually, pirma mo. And I'm so glad! From the address there we have managed to trace you. Ilang buwan ka na rin naming hinahanap."

"Nakausap namin ang mama mo at halatang nagulat siya. Ibinigay niya sa amin ang address dito. Nagbilin kami na huwag munang sabihin sa 'yo para surprise."

"Hindi pa rin ako makapaniwalang ngayon lang tayo nagkita-kita. Magpapahanda ako ng pagkain. Dito na lang kayo magpalipas ng gabi. Sino ang kasama ninyo?"

"Ang mga asawa namin. Halika, ipapakilala ka namin sa kanila."

Ganoon nga ang nangyari. Naisip niyang mahusay pipili ng asawa ang dalawa niyang kapatid. Mababait at guwapo ang mga ito. Nang itanong ni Vilma kung nasaan ang asawa niya ay simple lang ang tugon niya, "Nasa Maynila."

Matapos nilang kumain ay parang hindi na matatapos pa ang kuwentuhan nila hanggang sa yayain siya ng mga itong magtungo sa bayan ng Pelaez kung saan naroon daw ang ancestral home ng mga Atilio. "Atilio" pala ang dapat na naging apelyido niya kung hindi siya inampon ng kanyang papa. Pumayag siya at kinabukasan ay sumama siya sa mga ito. Naghanda ang mga ito, naroon ang pamilyang nakilala ng dalawa niyang kapatid.

Sa lahat ng iyon ay may nakapa siyang lungkot sa kabila ng matinding saya. Sapagkat nakakita ng totoong pamilya ang mga ito, habang ang tanging nagpahalaga nang husto sa kanya ay matagal nang pumanaw, ang kanyang papa. May asawa nga siya, asawa sa papel lang. May mama at kapatid siyang nakilala, hindi naman malapit sa kanya. At doon sa bahay na iyon niya nabasa ang diary ng kanyang lola na Celestina na nagsasabing ang isinuot niyang traje de boda ay isinumpa.

"Do you believe it?" seryosong tanong sa kanya ni Charo.

"Na isinumpa ang traje na isinuot ko?"

"Well, yes."

"Hindi ko kailangan ng sumpa para papangitin ang relasyon naming mag-asawa. Kaya na namin 'yon nang kusa," mapait na biro niya.

"Gusto mo bang pag-usapan?" si Vilma.

Umiling siya. Masyado pang maaga at ang huling nais niya sa reunion nila ay bumaha ang luha niya. Mukhang nakaunawa naman ang dalawa at nang ihatid siya ng mga ito pabalik ng hacienda ay nangako ang mga itong kahit anong gusto niya ay tutulong ang mga ito sa abot ng makakaya. Dapat din daw ay parati silang magkikita. Pinaghawakan niya ang mga pangako ng mga ito.

Kahit paano, sa mga sumunod na araw niya sa hacienda ay magaan ang kalooban niya. Panibagong yugto na ito sa buhay niya at wala na siyang babalikan sa nakaraan.

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon