"'Yan na ba ang pinamaganda mong bestida, Nora? Manghiram ka kaya sa Ate Natasha mo? Ang gaganda ng damit niya, pinlantsa ko kahapon."
Tipid na ngiti ang itinugon ni Nora sa kaibigan. Ang totoo ay hindi na siya makakilos halos, kahit ang pagngiti ay nahihirapan siya. Ganoon pala ang pakiramdam ng isang nasa sitwasyon niya. Anumang sandali ay darating na ang mga bisita at hindi niya alam kung paano tatakbo ang pangyayari mamaya.
Simpleng bulaklaking bestida ang suot niya. Talagang kumpara sa Ate Natasha niya ay hindi masasabing maganda ang mga damit niya. Hindi niya kayang magsuot ng mga damit tulad ng kapatid niya, iyong mga sexy, maiiksi, o kaya ay mabababa ang neckline. Isa pa, hindi siya mahilig sa mga party kaya wala rin siyang paggagamitan ng mga iyon.
"Tama na siguro ito."
"Eh, hindi ka mapipili niyan!" reklamo ni Marissa. Talagang gustung-gusto nitong siya ang piliin ni Emilio. Hindi niya alam kung iyon din ang gusto niya. Hindi niya alam kung ano ang damdamin niya sa lahat ng iyon. "Kung bakit naman kasi hindi ka bumibili ng mga bestida, may pera ka naman."
"Wala naman akong paggagamitan. Alangang nakabestida ako rito sa hacienda?" Tumutulong siya sa pag-aasikaso sa hacienda. Sa katunayan ay parang siya na ang manager doon. Nahahati roon at sa kanyang ama ang oras niya, at siyempre ay sa pag-aaral niya.
"Puro maong ang damit mo. Ewan ko ba sa 'yo!"
"Tama na ito."
"Eh, ano pa nga ba? Pero sana maglagay ka ng makeup. Tatalbugan ka talaga ng Ate mo sa ginagawa mo."
"Wala akong pakialam doon, Marissa. Ni hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko kung ako ang mapili niya. Hindi ko siya kilala, hindi niya ako kilala. Dapat ba akong matuwa kung mapipili niya ako o dapat akong matakot?"
"Dapat kang magbunyi, 'Day. Okay ka lang? Ang yaman noon, ang guwapu-guwapo pa!"
"Anong malay mo kung nakakalbo na siya ngayon at malaki ang tiyan?"
"Sabagay. Uso ngayon ang mga kaedad pa lang natin, nagsisimula nang malagas ang buhok. Imagine kung ano ang hitsura niya kung ganoon nga, mga ten years from now." Humagikgik ito. "Pero paano kung guwapo pa rin?"
"Hindi ako mapapaligaya ng guwapo lang. At parang naaalangan akong para kaming mga putaheng ihahain sa kanya... pero may tiwala ako kay Papa. Hindi niya gagawin ito kung hindi tama."
"Asus. Basta maniwala ka, mapapaligaya ka ng guwapo. Aanhin mo ang pangit?"
Naglagay siya ng kaunting pulbos at lipstick at bumaba na rin sila. Tama si Marissa, talbog siya sa beauty ng kanyang kapatid. Parang anumang sandali ay may mga darating na photographer at kukunan ito ng larawan. Mayamaya ay dumating na ang sasakyan ng mga Stanford. Anong paspas ng pagtibok ng kanyang puso. At nang umibis si Emilio mula roon ay naisip niyang malayung-malayo pala sa nasabi niya kanina ang hitsura ni Emilio ngayon. Lalo na itong gumuwapo, naging matikas pang lalo ang pangangatawan, kahit pa nanatiling malamig ang kulay-abo nitong mga mata.
"Not bad," sambit ng kanyang kapatid. Napalingon siya rito. Ngiting-ngiti itong bigla. "Not bad at all."
Itinulak niya ang wheelchair ng kanyang papa, habang kanyang mama ay tila kabadong-kabado. Hindi niya maunawaan kung bakit bigla'y ibig niyang magsisi na napakasimple ng damit niyang suot. Nahawa na ba siya sa kababawan ni Marissa at naantig sa kaguwapuhan ng bagong dating?
O nagkaroon ba ng mas malalim na misteryo sa kanya ang mga labi ng lalaki na noon pa man ay tila napakadamot magbigay ng ngiti?
BINABASA MO ANG
Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)
RomanceThird book of the series. Available sa ebookstore ng PHR.