Chapter 34

8.6K 318 9
                                    

"NORA, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ko pang tumawag sa 'yo para gawin mo ang tama! Kung gusto ng asawa mong paalisin si Cleto, paalisin mo! Mas importante pa ba sa 'yo ang taong 'yon kaysa sa sarili mong asawa?"

"Pero wala po sa katwiran si Emilio. Walang dahilan para paalisin ko ang isang tauhang mapagkakatiwalaan at masipag," katwiran ni Nora sa ina. Halos hindi siya makapaniwalang nagsabi si Emilio dito, dahilan para tumawag ang kanyang mama para sabihin ang bagay na iyon.

"Are you having an affair with that Cleto?"

"Hindi! Siyempre hindi, Mama!" Nagitla siya sa sinabi nito.

"Kung ganoon bakit gustung-gusto mong nandiyan siya? Ako na ang nagsasabi sa 'yo—paalisin mo siya diyan kung ayaw mong sumugod ako diyan!" Tinapos na nito ang tawag at bigla siyang napaiyak. Ni hindi na niya naibalita sa mama niya na buntis siya. Galit na galit siya sa pananakop ni Emilio sa mga bagay na hindi na nito dapat pakialaman.

Kaibigan niya si Cleto, napakalaki ng naitulong nito sa hacienda, at paalisin niya ito nang dahil lang sa mga walang katuturang dahilan ni Emilio—na ayaw nitong makita ang lalaking iyon sa hacienda at binibigyan nito iyon ng malisya.

"Why are you crying?"

Hindi siya nag-abalang tingnan si Emilio. "Masaya ka na siguro. Tinawagan na ako ni Mama, paalisin ko na raw si Cleto."

"Dapat lang. Masyadong malakas ang loob ng taong 'yon. Pinaalis ko na siya pero hindi pa rin siya umalis at ayaw mo siyang paalisin."

"At tama lang 'yon!"

"Are you gonna tell a big lie again? Are you gonna tell me your relationship with that man is absolutely platonic?" sarkastikong sabi nito.

Hindi siya nakaimik. Alam niyang may gusto sa kanya si Cleto ngunit hindi naman naapektuhan noon ang trabaho nito sa hacienda. Wala naman din sila nitong masamang ginagawa ngunit sa kabila noon ay may dumating na pang-unawa sa kanya, na sa isang punto ay may katwiran sana si Emilio kung naging normal ang kanilang relasyon. Ang kaso ay hindi naman. Sinaklawan nito ang kanyang mundo kahit siya ay walang alam sa mundo nito. At hindi patas ang laban kaya hindi niya matanggap ang ginagawa nito.

Naglakad na siya tungo sa pinto.

"Where are you going?"

"Sisisantehin ko ang pinakamagaling kong tauhan dito sa hacienda para matuwa ka, para mapanatag ang kalooban mo. Gusto mo bang sumama? Baka gusto mong manood? O baka gusto mong saktan na naman 'yong tao?" sarkastikong wika niya. Alam niyang sinuntok nito si Cleto, sinabi ng isang tauhan iyon sa kanya, ang kapitbahay ni Cleto. Nang itanong niya iyon sa lalaki ay hindi nito itinanggi. Hindi rin iyon itinanggi ni Emilio.

"You're damn right I want to go."

Wala na siyang nagawa. Sumakay sila sa four by four at ito ang nagmaneho noon tungo sa tubuhan. Agad niyang nakita si Cleto roon at tinawag. Sa lilim ng isang puno sila nag-usap.

"Cleto, tumawag si Mama at... at..." Bigla siyang napaiyak dahil sa reaksiyon nito. Bakas doon na alam na nito ang sasabihin niya at hinang-hina siya, ang sama-sama ng loob niya. Kung tutuusin ay ito ang matalik na kaibigan niyang lalaki at heto sila sa puntong ito. Hindi patas.

"Naiintindihan ko." Tumango ito, bakas ang lungkot sa mukha. "'Wag ka nang umiyak. Naiintindihan kita."

"S-sorry," ang tanging nasabi niya.

"Okay lang. Naiintindihan ko, 'wag kang mag-alala."

"Enough. Let's go back home, Nora. Now."

Sumunod na lang siya kay Emilio dahil ayaw niyang tumaas pa ang tensiyon na nabubuo. Baka hindi na naman makapagpigil si Emilio at batid niyang nasugatan ang ego nito nang hindi tumalima si Cleto sa pagpapaalis nito. Sa sasakyan ay umiiyak lang siya nang tahimik.

Inabutan siya nito ng panyo. "Here."

Hindi niya iyon tinanggap. "Bakit ba kailangan mo pang pumunta rito para sirain ang buhay ko?"

"You will forget him. I will make sure of that."

"Hindi lang si Cleto ang usapan dito!"

"I know. And I will take care of everything."

Napabuga siya. "Talaga? Mukhang 'yan ang pambenta mo—na ikaw ang bahala sa lahat. Pasensiya na, nakabili na ako noon at alam kong walang kuwenta. Sana matapos na ang kung anong ipinunta mo rito para makaalis na ulit. Excited na akong mamuhay nang wala ka at hindi ka nakikita."

Hindi ito umimik at lihim niya itong sinulyapan. Diretso lang ang tingin ng mga mata nitong bahagyang namasa. Hindi niya inasahan iyon. Napuwing lang ba ito o sa labis na galit kaya namasa ang mga mata nito o nasaktan ito sa sinabi niya? Napalunok siya, bigla ay naunawaan na napakasakit ng sinabi niya. Ngunit masakit din naman ang mga sinabi nito at ginawa sa kanya, hindi ba?

Nakarating na sila sa bahay at nang umibis ito ay hindi siya nito inalalayan, nagtuloy na agad ito sa bahay at sumunod siya. Kung bakit siya pa ngayon ang parang may kasalanan.

"E-Emilio," tawag niya rito. Huminto ito sa ibaba ng hagdan. "Emilio, g-galit lang ako. Galit lang ako, pasensiya ka na."

"It's all right. I understand."

"K-kung nasaktan ka sa sinabi ko—"

"Don't be silly." Iyon lang at tumaas na ito sa hagdan. Binalot ng miserableng pakiramdam ang puso niya. Noon niya nahiling na sana ay hindi siya lumipat ng silid para makita niya kung ano ang reaksiyon nito, matantiya ito.

Bakit naman siya masasaktan sa sinabi mo? Siya ba ang tipo ng taong nakakaramdam noon? At kung sakali man na ganoon nga, siya ba ang tipong halos maluha sa sama ng loob? Baka puti na ang uwak bago mangyari 'yon. Malamang, nagalit na naman 'yon kaya ganoon. O kaya baka napuwing o nahikab. Hindi mo alam. 'Wag ka nang mag-alala.

Napabuntong-hininga siya, nakumbinsi sa naisip niya. Bato ang puso ni Emilio, hindi ito makakaramdam ng ganoon. Hinanap na lang siya Nanay Pining na natagpuan niya sa kusina, abala sa pag-aayos ng mga dahong gagawing palaspas. Halos nawala na sa isip niya ang darating na pista. Sa Sabadong darating na iyon. Nakitulong siya rito at napakuwento na rin siya na wala na si Cleto sa hacienda.

"Tama lang naman iyon dahil alam ng buong hacienda na may gusto siya sa 'yo. 'Wag mo na iyong damdamin."

Hindi na lang siya nagkomento kahit ibig niyang sabihin ditong hindi normal ang relasyon nilang mag-asawa. Nang matapos iyon ay nagsimula nang magluto ang matanda, siya na ang tumulong dito. Nang makahain na ay ginawa niya ang hindi pa niya ginagawa sa loob ng nakalipas na ilang linggo—tinawag niya si Emilio.

Nang buksan nito ang pinto ng silid ay nagtatanong ang mga mata nito.

"K-kakain na."

"Thank you." Isinara nito ang pinto at ginagap ang kamay niya. May init na bumalot sa puso niya at hindi niya nagawang bawiin ang kamay mula rito. "Nabanggit sa akin kaninang umaga ni Marissa na noong isang araw mo pa raw gusto ng cake at mangosteen."

"Ah, o-oo. Ayoko ng cake na nabibili sa bayan pero puwede nang pagtiyagaan."

"My driver is already on his way. Nagpabili na ako."

"Hindi mo kailangang gawin."

Ngumiti lang ito. Dumagundong yata ang puso niya.

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon