Nag-init ang buong mukha ni Nora sa paglapat ng mga labi ni Emilio sa mga labi niya. Mainit ang labi nito, bahagyang sumimsim sa labi niya at saka lumayo. Saglit na saglit lamang ang halik ngunit naging sapat na para dumaloy ang kuryente sa katawan niya, at gawing tila dagundong ang tibok ng kanyang puso.
"You look like the perfect blushing bride," sambit nito, may bahagyang ngiti sa labi. Halos hindi niya nawawaan ang sinabi nito sapagkat kinakalma niya ang pagdagundong ng puso. "Smile for the cameras, wife."
Patuloy siya nitong inalalayan sa braso, doon siya kumuha ng lakas habang sinasalubong ang bati ng mga naroon. Hinagkan siya ng kanyang mama sa pisngi at noon niya naunawaang ni hindi niya maalala kung nagawa na nito iyon dati. May pag-alon sa puso niya na makitang nakangiti ito. Binati na rin siya ng pamilya ni Emilio.
Binati sila ng lola nito. "That gown looks gorgeous on you. I really wanted you to wear my gown but I guess this one really is better. An heirloom piece, too?"
Ilang sandali bago niya na-absorb ang sinabi nito dahil nabigla siya. Kung hindi dito ang gown na suot niya ay kanino iyon? "Ma'am, I thought this is your gown."
"That definitely is not my gown. Don't you worry about it now. Enjoy this little celebration and welcome to the Standorf Family, dear."
Ang mga magulang naman ni Emilio ang bumati sa kanila, matapos ay sina Marissa at ang mangilan-ngilan pang mga bisita. Matapos iyon ay pumuwesto na sila sa mesa. Isang mahabang mesa lamang ang nakalaan para sa lahat. Sa tingin niya ay mas gusto niya ang ganoong set-up, simple at intimate. Malaking palaisipan pa rin sa kanya kung kanino ang suot niyang wedding gown, gayunman ay naisip niyang saka na niya iyon aalalahanin. Kasal niya, at masaya siya, at wala siyang balak sirain ang araw na iyon.
Masagana ang pagkain sa hapag at nagkukuwentuhan ang lahat. Kausap ni Emilio ang lolo nito ngunit maya't maya ay hinaharap siya nito upang tanungin kung okay lang ba siya. Naa-appreciate niya ang pagkamaalalahanin nito.
"Hindi pa ba nananakit ang pisngi mo? Kanina pa parang pinasakan ng pana ang bibig mo," si Marissa na nakalapit na sa kanya at nasa likuran niya. "Masaya ako para sa 'yo, best friend. Hindi na rin kami magtatagal ni Nanay at malayo pa ang biyahe namin. Hihintayin kita sa hacienda."
Nagpaalam siya sa ilang tao sa hapag, saka nagpasyang ihatid sa kaibigan sa labasan. Niyakap siya nito nang mahigpit, naluluha. Hindi niya maiwasang mapaluha na rin. Labis na ang pangungulila niya rito at sa mga tauhan sa hacienda. Lumakad na rin ang mga ito. Pagpihit niya ay nakita niya si Emilio, nakapamulsa at nakatingin sa kanya.
Lumapit ito at pinunasan ang mga luha sa pisngi niya. "Is everything okay?"
Parang ibig mapapikit ng kanyang mga mata, epekto nito, ng paglalapit nilang iyon. Gadali lang ang layo ng mukha nito sa kanya, nakakulong ang kanyang mukha sa mga palad nito.
"O-oo. Na-miss ko lang ang hacienda."
"Hindi kita pipigilang doon tumira. Alam kong nandoon ang buhay mo." Na-touch siya sa sinabi nito ngunit handa siya kahit saan tumira ngayong asawa na niya ito. "Would you like to leave now?"
"Hindi ba nakakahiya sa pamilya mo?"
"It's all right. Come, let's tell them we're leaving."
Nagpaalam na nga sila sa lahat ng naroon at paglabas nila ay naroon na ang limousine na nagdala sa kanila sa bahay ni Emilio. Ito lamang ang nakatira sa mansion na iyon. Inikot siya nito sa kabahayan, saka ipinakilala sa mga kawaksi.
"Welcome to our home, Nora."
"S-salamat." Ano ba? Bakit ganito? Bakit naiiyak ako? Para bang naging masyadong sensitibo ang damdamin niya at sa munting mga salita ni Emilio ay parang sasabog ang saya sa puso niya. "P-puwede na ba tayong mag-usap?"
"Sure. We have all the time in the world now. But first, let's have a little celebration of our own." Hinawakan nito ang kanyang kamay at dinala siya sa hardin. Nagpadala ito ng champagne, tsokolate at strawberries sa kawaksi. Itinaas nito ang baso ng champagne. "Let's drink to this union."
Itinaas din niya ang baso niya at ininom iyon. Hindi niya maiwasang maalala ang nangyari sa kanila noong nalasing siya at ngayong nasa kanya na ang pagkakataong hinihintay niya noon ay hindi niya naman malaman kung ano ang sasabihin sa lalaki. Kahit asawa na niya ito ngayon ay parang nahihiya siyang buksan ang paksa.
"Now, we talk," nakangiting wika nito, tila inuudyukan siyang magsimula.
"I-ikaw muna. Parang may gusto kang sabihin sa akin."
"I guess I just wanted to tell you that you have absolutely nothing to worry about me. Alam kong hindi mo ginusto itong kasal natin at hindi kita masisisi. After all, the original decade-old plan was me marrying your sister. I can imagine how scared you must feel. Don't feel that way. I will take care of things like I said, prenup and all."
Naguluhan siya sa eksaktong ibig nitong tukuyin ngunit ganito kaaga ay may ibig siyang klaruhin dito. "Hindi ako natatakot sa ganoong paraan, Emilio, 'wag mo sanang isipin 'yon."
"I can't help but think it. After all, my world is not your world and like I said I wouldn't try and make you live in the city. As a matter of fact, I would suggest you just do what you used to do, what you're happiest doing. That's okay by me. No problem at all... And then maybe after a year or two we can file for an annulment."
Halos matulala siya, hindi makapaniwala sa kanyang naririnig bagaman pinilit niya ang kanyang sariling kumalma.
"Are you all right?" pukaw nito sa kanya makalipas ang ilang sandali. Hindi niya pa rin magawang makapagsalita. Inaanalisa niya ang pahayag nito—sa madaling sabi, gusto nitong ngayong kasal na sila ay umuwi siya sa hacienda at bahala na siya sa buhay niya at bahala na rin ito sa buhay nito at makaraan ang isa-dalawang taon ay maghihiwalay na sila. Paano niya magagawang magsalita?
"H-hindi ko maintindihan," sambit niya.
"I understand your confusion. You're thinking we used this marriage to acquire a big chunk of Eastern Sun and I wouldn't deny it. But I will compensate for it through other means and properties, if you like. But whatever you prefer is fine with me, even double the current value of the nine point five percent I would be getting from you."
Unti-unting bumangon ang galit niya. "Ganito rin ba ang set-up mo kay Ate Natasha?"
"Quite frankly, we never talked about the business aspect of the marriage but I'm sure she already knows my plan. I'm sure your mother knows it too. And I'm quite sure your father knew it. Of course, he did. He was the one who set this in motion. It's a win-win situation, really. We've worked very hard for Eastern Sun, the papers would tell you that. And together, we'll both reach the top, no one loses, no one would feel cheated—"
"'Wag kang makipag-usap sa akin na para tayong nagmi-meeting tungkol sa napakalaking negosyong nakapagitan sa atin. Pinakasalan mo ako! Buhay ko ito!" Tumaas na ang tinig niya at napaluha siyang bigla. Parang hinila pababa ang puso niya at sikmura at hindi niya matanggap na may gana pa ang lalaking kausapin siya sa ganoong paraan, parang nagse-salestalk sa isang elegante at napaka-impersonal na paraan. Sa paraang kuwentadong-kuwentado nito maski kahuli-hulihang tuldok ng mga porsiyentong balak nitong kunin. Pinagmasdan niya ito at nakita niya ang malamig na lalaking una niyang nakilala.
BINABASA MO ANG
Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)
RomansaThird book of the series. Available sa ebookstore ng PHR.