Chapter 7

8.2K 349 11
                                    

TAHIMIK lang si Nora sa pananghalian, habang ang kapatid niya ay lumabas ang pagkabiba. Mukhang tuwang-tuwa rito ang kanyang mama at kahit siya ay humanga rito. Dahil matagal na rin silang hindi nagkakasama at madalas naman noon na hindi ito masyadong kumikibo sa kanya ay natuklasan niyang matindi ang enerhiya ito at talagang marami itong nakakatuwang mga kuwento.

Lutang na lutang ang presensiya nito sa hapag-kainan at hindi pa man ay natitiyak na niyang ito ang mapapang-asawa ni Emilio. Magiging kapatid na rin niya ang lalaki, ibig-sabihin.

Nang matapos ang pananghalian ay sinabi ng kanyang ama na ibig daw silang makausap na magkapatid ni Emilio nang magkahiwalay at anong kaba niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya sa lalaki. Nauna ang kanyang kapatid at matagal na nag-usap ang mga ito sa puntong inakala niyang nalimutan na siya ng lalaki. Makaraan ang mahigit isang oras ay kinausap siya nito. Naglakad sila patungo sa treehouse, at habang patungo roon ay nagsimula itong magtanong sa kanya.

"So what's your dream, Nora?"

"D-dream? Wala ako noon, dahil nandito na ako sa hacienda. Ito lang ang gusto kong pamahalaan at asikasuhin pagdating ng panahon. Ngayon pa lang, marami na akong nagagawa dito." Nauunawaan niya na marahil hindi naging akma sa panlasa nito ang kanyang itinugon sapagkat malamang na isang asawang puwede nitong iharap sa mga abogado, negosyante, at matataas na tao ang kailangan nito, ngunit hindi siya para pagtakpan ang katotohanan. Mas mahirap na aasa ito sa isang bagay na hindi siya.

"I see."

"Ikaw, ano ang pangarap mo?" naitanong niya. Mayroong lambong ng emosyong hindi niya mabasa sa mga mata nito at parang ibig niyang tukuyin iyon. Sa isang banda ay ibig niya itong makilala. Magiging bahagi ito ng kanilang pamilya pagdating ng panahon at magandang malaman niya kung anong klaseng tao ito. Mahirap kasing mabasa iyon base lamang sa hitsura nito.

Batid niyang sa lahat ng tao ay mahirap mabasa ang totoo kung titingin lang sa panlabas pero parang mas mahirap basahin ang lalaking ito. Marahil sa isang tagong bahagi ng mga matang iyon ay nakaluklok ang mga emosyon at pangarap nito, nagkukubli sa likod ng tila nagmamadali nitong karakter. Nagmamadali sa paraang tila ba wala itong balak magtanong ng mga bagay na higit na personal sa kanya, para bang nakahanda na ang tanong nito bago pa ito magtungo roon at isa lamang munting proseso ang nangyayaring ito.

O baka labis lang ang naging pagbasa niya sa mga mata at pagkilos nito? O baka naninibago lang siya dahil sanay siya sa isang buhay na banayad ang takbo at walang nagmamadali at umiikot ang mundo nila sa paghihintay. Paghihintay sa pagsibol ng binhi, paghihintay sa pamumunga ng mga puno, paghihintay na mahinog ang mga prutas.

"A lot, my dear," tugon nito, hindi niya alam kung hindi na nagpaliwanag pa dahil pakiwari nito ay hindi niya mauunawaan, o dahil nagmamadali nga ito. Muli itong nagtanong, "I understand you are studying Agriculture. Is this correct?"

Bigla siyang napangiti sapagkat napakapormal ng tanong nito. Ganoon ba ito parati? "Oo. Second year. Malapit na ring matapos ang school year, third year na ako sa pasukan."

"You're smiling."

"Masyado kang pormal. Isa sa amin ang pakakasalan mo. Kung sakaling ako 'yon, ganito ba tayo mag-uusap sa bahay?"

"What if that would be the case?"

Hahainan kita ng siling labuyo, tingnan ko kung hindi malukot ang mukha mo. "Hindi ko alam. Bakit gusto mong pakasalan ang isa sa amin?"

Kumunot ang noo nito. "I'm the one who's supposed to ask questions."

"May batas bang nagsasabing hindi ako puwedeng magtanong?"

"No. But answer my question—why would you want to marry me?"

"Dahil 'yon ang gusto ng Papa." Para sa kanya ay napakasimpleng tanong lang noon at napakasimple lang ng kanyang sagot. Walang sasabihin ang kanyang ama na hindi niya susundin.

"Let's walk back to the house."

"Tapos na ang question and answer portion?" biro niya. Kung bakit hindi niya maiwasan kahit hindi ngumingiti ang lalaki.

"I suppose so."

Tumahimik na siya dahil nakakaalangan din na magsalita pa, lalo na at hinala niya ay hindi na tutugon ang lalaki at mapapahiya lang siya. Nang makabalik sila sa bahay ay nakita niyang ngumiti ang kanyang mama. Nagbalik silang lahat sa sala at doon ay may inilabas na kahita si Emilio. Biglang sumasal ang kanyang dibdib. Hindi na nito kailangang sabihin kung ano ang laman ng maliit na kahon.

Inabot nito iyon sa kanyang Ate Natasha. Parang inasahan na rin niya iyon ngunit hindi niya inasahan na makakadama siya ng panghihinayang. Bakit siya manghihinayang sa isang lalaking hindi niya kilala? Isa pa, mukhang hindi naman sila nito magkakasundo. Laki ito sa mundo ng kapatid niya at mama, wala siyang lulugaran doon. Ganoon lamang kasimple.

At marahil sa panahong ikakasal na ang dalawa ay malayo na rin ang narating niya pagdating sa pag-aasikaso ng hacienda. At hindi niya makita sa hacienda ang isang tulad ni Emilio. Para siyang naglagay ng mataas na gusali sa gitna ng kagubatan. Talagang tama lang na ang kapatid niya ang napili nito.

"Congratulations!" ang kanyang mama, niyakap ang ate niya. Ngumiti siya sa mga ito kahit may bigat sa kalooban niya. Ayaw niyang tangkilikin ang negatibong damdamin na iyon.

"This calls for a toast," wika ni Tito Magno. Bagaman nakangiti ay tila ba hindi nakaabot iyon sa mga mata nito. Marahil, tulad noong huli itong nagtungo sa kanila ay nababahala ito sa kalagayan ng kanyang ama.

Naglabas ng alak ang kanyang ina at lahat sila ay sinalinan ni Marissa sa kanya-kanyang baso. Base sa pagak na mukha ng kaibigan niya ay batid niyang alam na nitong hindi siya ang napili. Itinaas ng mama niya ang baso nito at sumunod silang lahat.

"To the beautiful couple," anito.

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon