"One month before your wedding and you still haven't picked up your gown?!"
Mayroong kumudlit sa puso ni Nora sa sinabi ng kanyang ina sa kanyang kapatid. Oo nga pala, isang buwan na lang at patungo na sa altar ang pagrampa ng ate niya. At nababagabag siyang ganoon ang nadarama niya. Hindi iyon tama at hindi niya dapat na tangkilikin. Kung sana ay ganoon kabilis turuan ang damdamin niya.
Sa nakalipas na ilang linggo ay madalas siyang nakakasama nina Maria at Emilio. Madalas na si Maria muna ang kasama niya at susunduin na lang sila ni Emilio kapag patapos na sila sa pag-aasikaso sa ilang mga bagay patungkol sa kasal. Pumayag ang kanyang ina na tumulong si Maria, bagaman pinasasama siya nito sa lahat ng lakad. Kailangan daw nitong malaman ang lahat ng hakbang ni Maria na para bang mayroong kompestisyon ang dalawa.
Mukhang walang kaso sa kanyang kapatid kung bago ang naging assistant nito. Sa katunayan ay parang mas gusto nito iyon. Bihira silang magkitang magkapatid, maliban sa ilang pagkakataong niyaya siya nito lumabas at kasama parati si Tyrone, isang bagay na ikinaiinis niyang talaga.
Sa kung anong hangin na pumasok sa isip ng lalaking iyon ay itinuturing siya nitong nobya, kahit makailang ulit na niyang nilinaw ditong wala siyang gusto rito. Para bang hindi ito naniniwala sa kanya at minsan ay ayaw na niyang sumama sa kanyang kapatid ngunit habilin ng mama nila na alalayan niya ito at gusto rin nitong mabantayan niya ang galaw nito. Hindi raw ito natutuwa sa ibang mga kaibigan ng kapatid niya at nauunawaan niya iyon.
Parang isang grupo ng mga walang pakialam sa mundo ang mga kaibigan ng kapatid niya. Kung tutuusin, sa totoo lang, ay si Tyrone pa ang pinakamatino sa mga ito sapagkat kahit nagmomodelo ay may sariling negosyo ang lalaki at wala itong bisyo, maliban sa pag-inom ng alak ngunit hindi niya ito nakikitang lasing. Ang ibang mga kagrupo ng kapatid niya ay batid niyang may bisyo sapagkat minsan ay naabutan niya ang mga ito sa rest room na sumisinghot ng drogang pulbos.
Hindi pa niya nakikitang lango sa droga ang kapatid niya o kaya ay nakagamit ngunit may hinala siyang kapag patuloy itong nakipagbarkada sa grupong iyon ay malamang malapit na rin itong mauwi sa ganoon. Siyempre pa ay nababahala siya para rito at napilitan siyang sabihin ang mga nakita niya sa kanilang mama, isang bagay na ikinagalit ng kapatid niya.
Marahil, sadyang makabubuti ang nalalapit nitong pagpapakasal kay Emilio. Muli ay nadama niya ang kudlit sa puso niya. Habag lang iyon, pilit niyang inisip. Habag sa magkabilang panig. Hindi marahil magugustuhan ni Emilio ang pakibagayan ang kanyang kapatid at hindi rin masasanay ang kapatid niya sa mundo ng pag-aasawa. Pilit niyang inilagay sa isip niya iyon.
"Snitch," maaskad na bulong sa kanya ng kanyang kapatid. "Make Nora get it, I don't care."
"I gave you the stub. Your name is there, you're supposed to receive it."
"I don't even understand why I have to personally get it!"
"It's tradition!"
"Theirs! And it's a stupid tradition! For heaven's sake, make Nora get it! Siya naman ang parang atat na atat sa kasal na ito, eh." Binalingan siya nito. "Ikaw ang kumuha. Kung gusto mo, ikaw na rin ang magsuot! Shit, I hate this morning! Thanks for the lovely breakfast, you two!"
Tumayo ito at umalis na. Halos matulala siya sa kawalang-galang nito sa kanilang mama. Ni sa panaginip ay hindi niya magagawang sagutin ang kanyang mama nang ganoon. Binalingan niya ng tingin ang matandang babae. Mariin ang pagkakahawak nito sa kubyertos na halos mamuti na ang mga kamay nito. Nakatiim ang mga labi nito.
"M-Mama, ako na po ang kukuha."
Bahagya itong tumango. "Your sister... she will be fine. Natural lang na maging ganyan ang reaksiyon niya dahil marami siyang pangarap na hindi pa niya natutupad. Ikaw na ang kumuha ng gown at 'wag mo nang mababanggit sa kabila na ikaw ang kumuha, lalo na kay Maria. I'm sure Mrs. Stanford wouldn't mind but Maria would."
Tumango siya. Marahil ay ganoon nga ang mangyayari, tiyak na hindi iyon magugustuhan ni Maria. Ngunit hindi rin niya nakuha ang gown dahil nagpasama sa kanya si Maria sa caterer. Food tasting daw iyon. Nang makarating siya roon ay naroon na ang matanda at kasama nito si Emilio. Kung bakit biglang bumilis ang sasal ng dibdib niya.
Puwede bang tumigil ka na? Hindi maganda ang nararamdaman mo. Kahit anong tanggi mo, crush 'yan? May gusto ka sa kanya. Sa mapapang-asawa ng kapatid mo. Hindi ka ba kinikilabutan? Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo?
Ang bigat ng dibdib niya at nagbaba na siya ng tingin, hindi na muling sumulyap kay Emilio. Nangliliit siya. Kahit nang kumustahin siya nito ay bahagya lang siyang ngumiti, walang balak pahabain ang kanilang usapan.
"I don't like the taste of this dish," wika ni Maria. "Try it, try it!"
Nahiling niyang sana ay wala sa gitna nila ni Maria si Emilio sa malaking bilog na mesang pang-bangkete, sa gayon ay may distansiya sila nito. Nagiging senstibo yata ang kanyang ilong at ang pamilyar nitong bango ay nanunuot doon.
"She's insisting that we try it," anito na bahagya pa niyang ikinagulat. Hawak nito ang isang tinidor na may pagkain sa tapat ng labi niya at wala siyang nagawa kundi ibuka ang mga labi. "Well? Do you like it?"
Tumango siya. Kahit dinurog na apdo ng isda ang isubo nito sa kanya kung mapapatingin siya sa mga mata nitong iyon ay mapapatango rin siya.
"You do?" Kumunot ang noo nito.
Saka niya naunawaan na mukhang hindi nito gusto ang pagkain, gayundin si Maria. Pinilit niyang lasahan iyon kahit nalunok na niya kanina pa, kasama ang bikig sa lalamunan niyang produkto ng kanyang kaba sa pagtitig nito.
"Baka masyado lang maanghang?" aniya, hindi alam kung may sense ang sinabi niya. "Maria, maybe it's a little hot?"
Tumango ang matanda.
"What's wrong?" si Emilio. Nitong nakaraan ay hindi na ito nagtatanong kung nasaan ang kapatid niya. Marahil dahil hindi nagbabago ang kanyang sagot na may schedule ang babae. O marahil sinunod nito ang kanyang unsolicited na payo na kausapin si Natasha. Wala itong nabanggit sa kanya, wala ring nabanggit sa kanya ang kanyang kapatid.
"Ha?"
"Kanina ka pa tahimik."
"May iniisip lang ako."
"Your boyfriend, I'm guessing?"
BINABASA MO ANG
Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)
Roman d'amourThird book of the series. Available sa ebookstore ng PHR.