Chapter 8

8.4K 331 2
                                    

"HANGGANG ngayon, hindi ka pa rin marunong magkatay ng manok."

Naitirik ni Nora ang mga mata kay Cleto. Ipinasa niya rito ang itak at ang manok. Kahit kailan ay hindi siya nagkakatay ng manok dahil hindi niya iyon kaya. Kaya niyang magpaanak ng bisiro, ng baka, at kung anu-ano pa pero hindi niya kayang magkatay.

Nagkataon lang na walang gagawa noon dahil may sakit si Nanay Pining, si Marissa naman ang nag-aalaga rito. Nag-uwian na ang mga tauhan at ayaw niyang mang-abala. Pero kanina pa niya hawak ang manok, hindi niya mataga. Nasa labas siya ng kusina, kung saan mayroong gripo at maliit na sementadong bahagi para sa pagkakatay o pag-iisis ng mga malalaking kawali. Salamat at dumating si Cleto. Maipauubaya na niya rito ang manok.

Pitong taon nang namamasukan sa hacienda si Cleto. Graduate ito ng UP Los Baños at nakapag-abroad na rin. Katulong niya ito sa pag-aasikaso ng hacienda. Si Marissa naman na kasabay niyang nagtapos ng pag-aaral ay sa opisina nakadestino. Naroon din sa hacienda ang opisina nila. Malaking negosyo ang hacienda bagaman hindi nila kailangan ng malaking opisina. Lokal lang ang kanilang distribusyon at dalawang malaking kompanya lang ang pinupuntahan ng ibang mga ani nila.

"Nakakaawa, eh," aniya, bahagyang napangiwi.

Tumawa si Cleto. "O, 'wag ka nang tumingin, baka himatayin siya."

Umirap siya bagaman tumalikod nga. Pinabayaan niya itong magpatulo ng dugo niyon habang pinapakuluan niya ang pambanling tubig. Igagawa niya ng tinola si Nanay Pining. Habang inaalisan ng balahibo ang manok ay panay ang tanong sa kanya ni Cleto.

"Kailan bibisita rito ang babayawin mo? Hindi ba, ikakasal na sila ng kapatid mo? Sana dito na lang sila magpakasal."

Ang kapatid niya, magpapakasal sa hacienda? Mauuna pang pumuti ang uwak bago mangyari iyon. Hindi rin niya tiyak kung madadalaw sa hacienda ang ikakasal. Matagal na panahon na mula nang magtungo sa hacienda ang mama at ate niya. Hindi rin tumatawag doon ang mama niya. Abala ito sa mga aktibidades nito.

Ang kapatid niya naman ay sadyang puno parati ang schedule mula nang maging modelo ito sa rampa. Sa Japan ito naroon at sa pagkakaalam niya ay dinadalaw ito madalas ng kanilang mama. Kamakailan lang ito umuwi at iyon ay dahil ikakasal na ito. Kulang sampung taon na ang nakalipas mula nang maitakda iyon at ngayon ay matutuloy na.

Ang totoo ay parang nagkaroon siya ng sariling mundo sa hacienda. Gusto niyang mapalapit sa dalawa tulad ng habilin ng kanyang ama bago ito pumanaw halos siyam na taon na ang nakakaraan, ngunit marami rin siyang ginagawa sa hacienda. Bukod pa roon ay parating may ginagawa ang mga ito sa dalawang pagkakataong nagtungo siya sa Maynila. Sa ikatlong pagpunta niya roon ay umalis ang dalawa nang biglaan at nagtungo sa Amerika.

"Planado na ang kasal nila. Nai-announce na sa diyaryo 'yon noon pa. Ngayon, tatlong buwan na lang, ikakasal na sila. Nakita mo ba 'yon? Noong isang araw, nandoon sila sa diyaryo. Ang ganda-ganda ng Ate ko doon. Pero mas maganda siya sa doon sa wedding magazine, siya mismo ang cover!" Proud siya sa kapatid niya, siyempre. Kompleto siya ng magazine kung saan nakatampok ito o kaya ay may iniindorso itong produkto.

"Mas maganda ka sa kanya."

Biglang nag-init ang kanyang mukha. Loko talaga itong si Cleto, walang warning kung magpalipad-hangin. Ilang taon na itong ganoon at batid niyang may gusto ito sa kanya. Nadarama niya iyon, bukod sa walang tigil ang bibig ni Marissa sa karereto sa kanilang dalawa. Hindi niya alam kung papayag ang kanyang mama na makipagnobyo siya sa kahit na sino at hindi siya nagtangkang magtanong kahit kailan. Noong huli itong umuwi sa hacienda ay nabanggit nito ang tungkol sa manliligaw.

"Dalaga ka na," anito, tila noon lamang iyon napansin. Umalon ang saya sa dibdib niya. Noon lamang niya nakita ang babaeng pinagmamasdan siya sa malalim na paraan, tila pinag-aaralan ang kanyang hitsura. Itinaas nito ang noo, isang aristokratang gawi. "Mahusay ka sa trabaho mo dito sa hacienda."

Lalo nang binaha ng saya ang dibdib niya. "S-salamat, Mama."

"Baka nagtatampo kang hindi kita pinapapunta sa Maynila. You practically grew up here and the memory of your father is here."

Tumango siya. "M-masaya po ako rito, Mama."

"At siguro maraming nangliligaw sa 'yo." Nag-init na naman ang kanyang mukha sapagkat totoo iyon. Gayunman ay wala siyang nagugustuhan sa kahit na sinong nangliligaw sa kanya. Tipid lang siyang ngumiti, nailang sa mapagkilatis nitong tingin. "Isa lang ang bilin ko sa 'yo, Nora. Huwag na huwag kang mag-uuwi ng hampas-lupa sa akin. Lalong-lalong 'wag kang magtatanan. Irespeto mo ang pinaghirapan ng Papa mo."

Hindi niya inasahan ang mga salitang iyon ngunit tinanggap niya. Ni hindi niya alam kung ano ang deskripsiyon nito sa isang "hampas-lupa." Pero walang kaso sa kanya kung hindi man siya puwedeng magnobyo ng isang lalaking ordinaryo. Ang totoo ay wala siyang nagugustuhan. Kahit si Cleto ay hindi niya masasabing nagugustuhan niya, sa kabila ng mga papuri rito nina Nanay Pining, Marissa, at lahat ng mga tauhan sa hacienda.

"Tumigil ka nga diyan, Cleto. Sobra ka. Nakita mong parang diyosa ang kapatid ko." Muli ay mapagmalaki siya. Daig pa niya ang may kapatid na artista. Iba ang lebel ng kanyang Ate Natasha kumpara sa mga ordinaryong artista. Lakad pa lamang nito ay nagpapahiwatig na ng kaelegantehan.

"Totoo lang ang sinasabi ko. Alisan mo ng makeup ang kapatid mo, mas maganda ka na sa kanya."

"At anong kaguluhan ito?"

Napatingin siya sa pinto ng kusina. Naroon si Marissa. Nagniningning ang mga mata nito, tanda na narinig nito ang pinag-uusapan nila. Lumabas ito, sinulyapan ang umaasong tubig sa kawali. "Kumukulo nang maigi ang tubig—tulad ng inyong pag-ibig."

"Tumigil ka nga," piksi niya, lalo nang nag-init ang mukha.

Ngingiti-ngiti lang si Cleto, nakaupong patiyad sa lupa, inilubog na sa kumukulong tubig ang manok. Inirapan niya si Marissa, pinagsabihan ng tingin. Ayaw niyang magkaroon ng komplikasyon ang relasyon nila ni Cleto dahil maaasahan itong tauhan. Ayaw niyang magkailangan silang dalawa.

Ngunit nilabian lang siya ni Marissa. Naupo ito sa isang bangko at nakitsismis. "Pinag-uuaspan ninyo si Ma'am Natasha. Ano ba talaga ang papel mo sa kasal, Nora?"

"Bridesmaid daw ako. Tinawagan ako ni Jordan kanina."

Umismid si Marissa. "Sa wakas, naalalang patawagan ka sa alalay niya. Hindi man lang talaga niya nagawang personal kang tawagan, 'no? Ang bait talaga ng kapatid mo." Sanay na siya sa pamimintas nito sa ate niya, palibhasa noong huling umuwi ang Ate Natasha niya sa hacienda ay makailang ulit itong napagalitan. Sa huli ay siya na lang ang nag-asikaso rito dahil mas kilala niya ito. Maselan ito sa mga gamit. "At bakit bridesmaid ka lang? Bakit hindi maid of honor?"

"Ni hindi ko naman alam kung ano ang pagkakaiba noon."

"Bridesmaid—karaniwang alalay. Ang maid of honor—mayordoma!"

Bigla siyang natawa. "Hindi ko alam kung bakit kailangan mong maging affected. Hindi naman ikaw ang ikakasal."

Si Cleto ang nagsalita. "Paano, planado na niya ang kasal niya sa kahuli-hulihang detalye. Isa na lang ang kulang para maglakad siya sa altar: lalaking pakakasalan."

Nagkakasiyahan sila sa kantiyawan nang mag-ring ang cellphone niya. Agad siyang natahimik nang mabasa ang pangalan ng kanyang mama sa screen. Agad niyang sinenyasan ang dalawa na manahimik, saka iyon sinagot.

"Mama? Kumusta po? Napatawag kayo—"

"Lumuwas ka ng Maynila. Kailangan ka dito. Hindi ka man lang tumatawag para itanong kung kailangan ka dito, alam kong ikakasal na ang ate mo. Aasahan kita bukas na bukas din."

"O-opo, Mama."

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon