Chapter 28

8.3K 329 8
                                    

"AKALA mo hindi ko napapansin?"

Napalingon si Nora kay Marissa. Nasa pinto ng kusina ito, dala ang makapal na legder mula sa kanilang munting opisina. Tuwing hapon ay doon ito nag-iimbentaryo sa bahay, marahil naiinip sa opisina.

"Ano na naman?" aniya.

"Nanliligaw sa 'yo si Cleto!"

"Para kang sira. Ayokong isipin ang mga ganyang bagay. May asawa akong tao. Puwede ba, Marissa?" Ngunit ang totoo ay kinakabahan siya kay Cleto. Parang walang nagbago sa pagpapalipad-hangin nito sa kanya at may ilang mga sandaling naiisip niya na marahil kapag naibaba na ang annulment nila ni Emilio ay ikokonsidera niya ang lalaki. Hindi kasi tamang isara niya ang pinto niya kung ganoon ang sitwasyon nila ni Emilio. Ngunit matagal na panahon pa iyon. Sa ngayon, kahit sabihin sa papel lang ang kasal nila ni Emilio, ay wala siyang balak mamangka sa dalawang ilog.

"Ang akin lang... Well... 'Wa ako ma-say dahil wala naman palang kuwenta ang asawa mo, 'no. Kahit ayaw mong magkuwento, obvious naman. Sorry na ibinuyo kita noon sa kanya. Ano bang klaseng asawa 'yon? Isang araw pa lang na kasal, pinadala ka na rito. Pero asawa mo pa rin 'yon."

"Ayokong pag-usapan."

"Kaso naiinggit pa rin ako sa 'yo dahil makakasayaw ka na sa gitna ng bilog sa piyesta. Ako, waiting pa rin sa labas. Malapit na akong mawala sa kalendaryo, Nora. Baka may lalaki ka diyan? Tingnan mo nga sa bulsa mo."

Bigla siyang napatawa sa biro nito. Alam niya, pinapagaan nito ang kanyang sitwasyon at kung minsan ay talagang alam na alam nito kung paano siya mapapatawa. Naging abala na ito sa pagkukuwenta at nang matapos ito ay tumulong ito sa paghahain. Minsan ay doon ito natutulog sa bahay, minsan ay umuuwi ito sa bahay ng mga ito doon din sa hacienda.

Matapos ang simpleng hapunan ay nagpahangin sila sa labas at dumating si Cleto. Mayroon itong dalang bulaklak na para daw sa kanya. Nagpaalam na si Marissa.

"Maupo ka," aniya sa lalaki. Tumabi ito sa kanya. Bagong paligo ito, mabango. Ngunit ibang bango ang hinahanap-hanap ng ilong niya. Tumingin siya sa langit. Madalas niyang gawin iyon. Kung minsan, parang iyon lang ang koneksiyon nila ni Emilio. Ni wala siyang ideya kung nasa bansa ba ito.

Kailangan na niyang tigilan ang mga ganoong isipin at alam niyang darating siya sa puntong iyon. Determinado siyang makarating sa puntong iyon.

"Salamat dito sa mga bulaklak, pero gusto kong malaman mo na hindi magandang tingnan ang ganito, Cleto. May asawa ako."

"Alam ko. Wala akong pakialam kung ano ang namamagitan sa inyo peo alam kong hindi siya bagay sa 'yo at hindi rin tama ang mga nangyayari. Ang akin, nandito lang ako para sa 'yo. Parati. Maghihintay ako. Matiyaga akong tao, alam mo 'yan." Bumuntong-hininga ito. "Mahal na mahal kita, Nora, at maghihintay ako."

Noon lamang nito sinabing mahal siya nito at may init na humaplos sa puso niya sapagkat nauunawaan niya kung paano ang magmahal, ngunit kailangan nitong malaman ang sitwasyon.

"Salamat, Cleto. Suwerte ako na may tulad mong nagmamahal sa akin, pero kasal ako. Hindi ko alam kung kailan matatapos."

"Pero matatapos."

Biglang nanikip ang dibdib niya, saka tumango. "O-oo. Pero wala akong maipapangako sa 'yo sa puntong ito."

"Wala akong hinihinging pangako. Hindi ako naniniwala sa mga pangako." Ngumiti ito at pinisil ang kamay niya.

"Nora, dumating si Sir Emilio. Nandiyan siya," si Marissa, humahangos sa pinto. "At para siyang talong, bugbog na bugbog!"

Agad siyang nagtungo sa sala. Papasok na si Emilio, inaalalayan ng isang bodyguard nito. Nangingitim ang gilid ng mukha nito, putok ang balat sa bandang kilay, may maliit na tahi sa ilalim ng mata, naka-sling ang kaliwang braso, may ika ang paglalakad. Nilapitan niya ito.

"Diyos ko, ano'ng nangyari sa 'yo?"

"A little accident, wife," tugon nito, nakatingin sa kanyang kamay. Naunawaan niyang tangan pa niya ang bulaklak na bigay ni Cleto. Agad niya iyong ipinatong sa isang mesa. Sumulyap ito kay Cleto na sumundo pala sa kanila. "Seems like you've been keeping busy. You don't mind if I stay over, do you?"

Walang pagkabanayad ang tinig nito at kalabisan marahil na paghanapan niya pa ito gayong ganoon na nga ang kalagayan nito. Tumango siya.

"I can manage now," anito sa bodyguard saka umakbay sa kanya. Napasinghap siya ngunit agad na nailagay ang kanyang braso sa likod ng baywang nito bilang suporta. Sa kabila ng lagay nito, hayun ang paboritong bango niya sa mundo na kanina lang ay laman ng isip niya, nilalaro ang kanyang pang-amoy. "You don't mind having a patient, do you, wife?"

"W-welcome ka dito, siyempre." Alangang palayasin niya ito?

"I missed you, you know." Iyon lang at inangkin ng mga labi ang mga labi niya sa paraang tila isa itong asawang nagmamahal at mahigit isang dekadang hindi nakita ang asawa. Natulala siya at bago pa siya magkaroon ng reaksiyon ay humiwalay na ang labi nito at nagsimula na itong umika patungo sa hagdan kasama siya.

Nilingon niya si Cleto. Bahagyaitong tumango at tumalikod na.

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon