Chapter 14

8.8K 302 7
                                    


Napatingin si Nora kay Emilio. "Sinong boyfriend? Wala akong boyfriend."

"You don't need to deny it. I won't tell your mother."

"Hindi sa ganoon." Bigla siyang nanglumo. Sa loob nitong nakaraang ilang linggong magkasama sila ay iniisip pala nitong may nobyo siya. At malamang na si Tyrone ang iniisip nitong nobyo niya kahit pa nga kaswal niyang sinabi rito noong nakaraan na, "Kaibigan ni Ate Natasha 'yong sumundo sa akin. Medyo nayayabangan nga ako doon, eh." At siyempre pa, pinagalitan niya ang sarili niya dahil hindi naman humihingi ng paliwanag si Emilio at lalong wala siyang dahilan para sabihin pa iyon dito.

At ngayon ay nauunawaan niyang maling manlumo siya dahil doon. Ano at iniisip ba niyang dapat nitong maisip na wala siyang karelasyon dahil may posibilidad na maging sila? Ano siya, luka-luka? Talagang ang mga isiping ganoon ay nakakahiyang malaman ng kahit na sino at tatangayin niya ang mga iyon hanggang sa hukay. At nawa mapatawad siya ng Diyos.

Nagpatuloy ang pagtikim nila ng mga pagkain at sa huli ay napagdesisyunan na nila kung ano-ano ang nababagay para sa kasal ng kanyang kapatid. Noon pa niya naiisip na parang wala namang pakialam si Emilio sa kasalang nagaganap at ngayon ay nagiging involved lang ito dahil na rin sa presensiya ni Maria. Nitong huli ay pinapabayaan na lang ng kanyang ina si Maria na mag-asikaso ng lahat dahil sa tensiyon sa pagitan ng mga ito. Dama niya iyon sa unang pagsasama pa lang ng dalawa at ang kanyang mama na ang umiwas, marahil dahil dama nitong wala itong magagawa para pausugin nang pausugin si Maria hanggang sa mahulog na ang matanda sa upuan.

Gabi na nang maihatid siya ng mga ito sa bahay nila. Nasanay na siya sa pagkamaginoo ni Emilio at pinabayaan itong alalayan siyang makababa, kahit pa may gumuhit na init sa kanyang palad patungo sa kanyang gulugod sa simpleng pagsayad ng kanyang kamay sa mainit nitong palad. Napatingin siya sa mga mata nito. Nakatingin lamang din ito sa kanya.

"Nora!" Napatingin siya sa pinagmulan ng tinig. Napangiti siya nang makita si Cleto. Naroon ito sa gate, may hawak na isang rosas, at agad na lumapit sa kanya. "Kanina pa ako. Hindi ako pinatuloy sa loob, wala ka raw."

"Bakit hindi ka tumawag sa akin?" Ngiting-ngiti siya. Labis na ang pangunguluila niya sa hacienda at kasama roon ang mga tauhan at kaibigan. Napansin niya ilang metro mula sa gate ay nakaparada ang lumang pickup nito.

"Tumawag ako, hindi mo sinasagot." Tumingin ito kay Emilio.

"Emilio, ito nga pala si Cleto. Cleto, si Emilio. This is Maria," aniya, tumingin sa matandang nakaupo sa loob ng nakabukas na SUV. "Maria, this is Cleto, a good friend."

Nakipagkamay ang lalaki kay Emilio, maging kay Maria. Nagpaalam na rin ang mga ito at umalis na. Inabot sa kanya ni Cleto ang rosas. Agad niya itong pinatuloy sa bahay at ipinaghanda ito ng pagkain. Nasa komedor sila nang dumating ang ate niya. Agad tumayo si Cleto upang batiin ito. Sumalo ang babae sa kanila kahit isang saging lang ang kinain nito. Mukhang lasing ito. Madalas itong umuwing nakainom.

"So, is this your boyfriend, my dear sister? Siya ba ang dahilan kaya ayaw mo kay Tyrone?"

"W-wala akong boyfriend."

"Stop. Stop, please. You've been pretending to be goody-two shoes for ages. You may stop right now and get real. Nobody's as good as you. It's simply not possible." Pinagmasdan nito si Cleto. "Quite good-looking, I can give you that. But Tyrone is gorgeous."

"Ate, nakainom ka—"

"Shut up." Sinenyasan nito ang kawaksing bigyan ito ng inumin. Nagpatuloy ito sa pag-inom ng vodka. "How's my fiancé?"

"May dinner kayo sa isang gabi, Ate."

"I wouldn't miss it for the world." Inubos na nito ang laman ng baso at umalis.

Napatingin siya kay Cleto. "Siguro nate-tense lang siya sa kasal. Malapit na rin kasi. Sa isang linggo, wedding rehearsal na. Maaga kasi pupunta pa si Ate sa Amerika. May show pa sila doon bago siya ikasal."

"Tumanggap pa siya ng show kahit ikakasal na siya?"

Nagkibit siya ng balikat. Hindi rin niya maunawaan iyon pero ang kapatid niya ang masusunod sa buhay nito. Nagkuwentuhan sila ni Cleto hanggang sa magpaalam na rin ito. Sa isang kamag-anak daw muna ito tutuloy sa gabing iyon at babalik sa isang araw kung libre siya. May mga bibilhin din daw itong makina para sa kanilang mga traktora bukas. Sinabi niya ritong magkita na lang sila sa isang mall sa isang araw.

Kinabukasan ay naging abala siya sa pagtingin sa record ng hacienda. Ginabi na siya sa pag-aayos noon at nang nakahiga na siya ay hindi si Cleto ang nasa isip niya kundi si Emilio. Nang maunawaan niya iyon ay pilit niya itong binura sa isip, pinalitan ni Cleto na kikitain niya kinabukasan. Ngunit parang naging matabang ang pag-alala niya sa lalaki, walang sigla.

Kinabukasan ay hapon na nang makalakad siya at nag-taxi na lang siya patungo sa mall, kung saan niya kukunin ang traje na gagamitin ng ate niya. Nang naroon na ay saka niya napansin na nawawala ang stub ng traje de boda. Agad siyang kinabahan. Paano niya makukuha iyon kung wala siyang stub? Ah, hindi na muna niya bibigyan ng problema ang kanyang mama. Baka puwedeng makiusap siya sa tauhan doon. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa may humawak sa kanyang balikat. Napalingon siya sa babaeng humahangos. Maganda ito, mukhang napakasosyal.

"Charo, my God! Couldn't you hear me or are you just trying to ignore me? Kanina pa kita tinatawag!"

"Pasensiya na, Nora ang pangalan ko," aniya. Naririnig nga niya kanina ang pagtawag ng "Charo" ngunit hindi niya alam na siya ang tinatawag nito.

"Ha-ha, very funny. What are you doing wearing those hideous clothes? But, oh, my God, gorgeous tan! Where have you been sunbathing, huh? Anyway, sweetie, I want you to be on the cover of my magazine, okay? People are excited to witness your second wedding—with the same groom, mind you. They couldn't get enough of the first one!"

Ipinaliwanag niyang hindi siya si Charo ngunit tila ayaw nitong maniwala ngunit sa huli ay iniwan na rin siya kasama ang pangkong tatawagan siya nito. Inignora na lang niya ang babae, inisip na baka may kahawig siyang Charo ang pangalan at napagkamalan siya nito. Tumuloy na siya sa basement ng mall at nagtungo sa tindahang may karatula sa labas na "Smithson's Dry Cleaning and Heirloom Garments Cleaning and Restoration."

Agad niyang nilapitan ang clerk ng shop. "Magandang hapon po. May pina-dry clean po ditong wedding gown. Ang problema ko po, naiwala ko ang stub. Matagal na po iyon dito, hindi ko nakukuha. Nahulog po siguro kanina ang stub—"

"Mabuti nga 'kamo at nandito ka na," anito, nakangiti. "Ang tagal-tagal na ng gown dito. Akala ko nga hindi na kukunin."

"Pasensiya na. Noong nakaraan pa ako dapat papunta rito, kaso marami akong ginagawa."

Magiliw ang clerk at sa huli ay pinapirma siya nito sa logbook at inilagay niya roon ang kanyang address bilang katibayan na kinuha niya ang traje. Inabot na sa kanya ng clerk ang karton ng traje. Tinawagan niya si Natasha at sinabing nakuha na niya ang gown.

"Do I seem like I care at all about that stupid gown? Don't call me again!" singhal nito.

Napabuntong-hininga siya. Mukhang mainit na naman ang ulo nito. Painit nang painit ang ulo nito habang papalapit nang papalapit ang kasal. Noon tumawag sa kanya si Cleto. Naroon na rin ito sa mall. Nagkita sila. Hindi niya maiwasang mapangiti. Nasasabik na rin siyang makabalik sa hacienda. Sa katunayan ay talagang inaasahan na niya ang kanyang pagbalik doon para malagay na siya sa tama niyang lugar.

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon