Chapter 9

8.3K 333 5
                                    

Nang makarating sa bahay nila sa San Lorenzo Village ay agad nalaman ni Nora na siya pala ang tatayong assistant ng kanyang kapatid dahil si Jordan ay nagpaalam na. Siya ang humawak sa kopya ng schedule ng kapatid niya na ang nag-aasikaso naman ay ang agent nito. Sa buong buwan nitong schedule ay wala siyang nakitang kahit anong schedule na may koneksiyon sa kasal nito, maliban na lang sa dinner bukas ng gabi kasama si Emilio.

Maaga siyang umalis sa hacienda kaya alas-siete pa lang ay nasa bahay na nila siya. Tulog pa ang kanyang ina at kapatid kaya inasikaso muna niya ang pagkain ng mga ito. Hindi pa rin pala iyon nagbabago, ayon sa kawaksi, mga fruit shake at gulay pa rin sa umaga at non-fat milk. Pareho ng diyeta ang kapatid at mama niya.

May saya siyang nakapa sa dibdib sa ginagawa. Para bang nasa hangin lamang ang tinig ng kanyang ama at naalala niya ang habilin nito habang nakatawa ito, "Ikaw ang mag-aasikaso sa dalawang lukaret na 'yon, anak. Hindi sila makakakilos kung walang shake sa umaga at buong buhay silang magdidiyeta. Tayong dalawa ang nakakaalam ng sikreto ng kaligayahan sa buhay. Alam mo ba kung ano 'yon? Mantika, anak. Mantika."

Sinabi nito iyon isa sa mga araw na masaya ang disposisyon nito at magaan ang pakiramdam. Ah, labis na siyang nangungulila rito at kung sana ay nabubuhay pa ito, tiyak na mananabik ito sa nalalapit na kasal ng panganay nito.

Alas-nuebe ng umaga ay pinuntahan na niya sa silid ang kapatid niya. Ginising niya ito. Bumaba na ito upang kumain at nang makapag-ayos na ito ay lumakad na sila. Sa sasakyan ay hindi niya napigil ang magkomento tungkol sa kasal nito.

"Excited ka na siguro, Ate, sa kasal mo. May gown ka na ba?"

"I'm not in the mood to talk."

Tumahimik na lang siya. Buong maghapon ay siya ang kasama nito sa lahat ng photo shoot nito. Isang linggo pala bago ito ikasal ay tutungo pa itong Amerika para sa isang fashion show doon. Marahil ay sadyang in demand ito kaya ganoon. Alas-siete na natapos ang shoot nito at alas-siete nito tatagpuin si Emilio.

"Baka nasa restaurant na si Emilio, Ate."

"Oh, that." Tila noon lang nito naalala ang mapapang-asawa. Hindi niya inaasahan ang ganitong reaksiyon mula rito dahil noon ay nakita niyang natuwa rin ito sa ideya na pakakasalan nito ang lalaki. "Ikaw na lang ang pumunta doon. I'm pretty sure he's already ordered for us anyway."

"Pero—"

"Stop arguing with me!" Bago pa siya makapagprotesta ay tumalikod na ito. Sumunod siya hanggang sa sasakyan at nang makarating doon ay sumakay na rin siya. Ibinaba siya nito sa tapat ng isang restaurant. "Enjoy the fancy dinner, Sister."

Wala siyang nagawa kundi ang tumuloy doon. Agad siyang tinanong ng sumalubong sa kanyang tauhan kung may reservation daw ba siya roon at sinabi niya kung sino ang kanyang sadya. Itinuro na sa kanya kung saan ang puwesto. Biglang sumasal ang dibdib niya nang matanawan si Emilio.

Matagal na panahon na rin mula nang huli niya itong makita. At tila ba sa pagdaan ng panahon ay lalo nang tumitingkad ang natural na ganda ng pisikal nito. Ngunit tulad pa rin noon ay tila napakamahal ng ngiti nito. Wala sa loob na nahagod niya ng kamay ang kanyang buhok. Kung nalaman lang sana niya na sa ganito kagandang lugar siya maghahapunan, sana ay nakapagsuot siya nang mas magandang damit.

Naaalala pa kaya siya ng lalaki? Bakit kung makatingin ito sa kanya ay walang pagkilala sa mga mata nito? O talaga bang parating blangko ang mukha nito?

Suot nito ay pang-opisina, amerikana ngunit walang necktie. Hindi na kailangang sabihing mukhang napakaelegante nito. Sa katunayan, sa tingin niya, kahit ano ang isuot nito ay magmumukhang elegante pa rin.

"G-good evening, Emilio," aniya, napuna ang munting guhit sa gilid ng mga mata nito na nakadagdag lamang ng karakter dito.

Pormal itong tumango, hindi nagpakita ng indikasyon na nagtataka itong siya ang naroon sa halip na ang kanyang kapatid.

"Is your sister coming or should we start with dinner?"

"H-hindi makakarating si Ate. Pagod siya. Maghapon ang shooting niya." Kahit walang bilin ang kapatid niya ay iyon na rin ang sinabi niya. Totoo naman iyon. Marahil iyon din ang totoong dahilan kung bakit wala ngayon si Natasha roon. Ang malaking tanong ay kung bakit hindi man lang nito personal na tawagan ang mapapang-asawa.

Bahagyang tumango ang lalaki, sinenyasan ang isang waiter at wala pang isang minuto ay dumating na ang kanilang pagkain. Tama ang kapatid niya, naka-order na ang lalaki.

"I hope you enjoy lobster," tanging sabi nito at nagsimula nang kumain.

Pakiwari niya ay hindi siya makakakain nang husto. Hindi niya maipaliwanag kung bakit naiilang siya sa lalaking ito. O marahil kahit sino ay maiilang dito sapagkat hindi man ito magsalita at para bang may aura itong mataas, "'di ma-reach," 'ika nga. At natitiyak din niyang wala silang kahit anong pagkakatulad. Tiyak niyang malayo sa isa't isa ang mga interes nila.

Hindi lang niya maiwasang pagmasdan ang lalaki habang tahimik itong kumakain at makailang ulit na nahuli siya nito. Sa huli ay ang laman na lang ng pinggan niya ang kanyang pinagtuunan ng pansin, nagpapasalamat sa malamlam na liwanag na tiyak niyang nagkubli sa pamumula ng kanyang mukha.

Ano na lamang ang iniisip nito ngayon? Na siya, ang magiging bilas nito, ay hindi mapuknat ang pagtingin dito? Pero masisisi ba siya nito? Hindi ito tulad ng ibang lalaki, marahil, ngunit kahit pakitang-tao ay tama bang hindi nito kilalanin sa sapat na lebel ang mga kamag-anak ng mapapang-asawa nito? Ah, marahil hindi na nito iyon kasalanan. Marahil hindi lingid sa kaalaman nitong iba ang mundo niya sa mundo ng ate at mama niya.

Kung sakaling kilalanin siya nito, ano naman ang mapag-uusapan nila? Sa pagkakaalam niya ay ito ang namamahala ng malaking kompanya ng mga ito at ng kompanyang iniwan ng kanyang papa. Habang siya naman ay namamahala ng isang hacienda. Wala silang gitnang pagtatagpuan. Nagpasya siyang punan ang gutom niya at hindi pa nagtagal ay naubos na niya ang sinasabi nitong lobster na hindi naman mukhang lobster pero masarap. Sa totoo, ang liit niyon para sa kanyang gutom. Bitin na bitin siya.

Sinenyasan ng lalaki ang isang waiter na agad lumapit at inabutan siya ng menu. Nakaramdam siya ng pagkapahiya. Napansin marahil ng lalaki na bitin siya dahil said na said niya ang laman ng kanyang pinggan, maging ang tinapay sa magandang basket sa gitna ng mesa.

"Order some more food. I just thought your sister was coming so I didn't order much. You know her, hardly ever eats anything."

Napangiti siya, saka tumango. Tiningnan niya ang menu. "Hindi talaga mahilig kumain 'yon. Hindi ko nga alam kung paano siya tumatagal maghapon. Ako, sanay ako sa kaing-construction worker. Mabigat ang trabaho sa hacienda, hindi puwede ang half-rice-half-rice."

"Go ahead then, order as much as you like."

Nang tingnan niya ito ay nakita niyang may ngiti sa labi nito. O ngiti bang matatawag ang pagnipis ng labi nito? Hindi niya alam. Muli siyang tumingin sa menu at hindi na rin siya nabigla sa presyong nakatala roon. Noong bata siya ay madalas na sa hotel sila naghahapunan na mag-anak kapag weekends.

Dalawang entrée pa ang kanyang in-order sa waiter saka muling tiningnan si Emilio. "Congratulations nga pala."

"Thank you."

"Sa mga picture sa kasal ninyo, ngingiti ka kaya?"

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon