Chapter 18

8.3K 301 7
                                    

MARAHIL ay mahigit tatlumpung tao ang nasa loob ng bulwagan. Iyon ang wedding rehearsal, halos dalawang linggo bago ang kasal. Sa isang araw na ang lakad ni Natasha patungong Amerika at kanina pa inoobserbahan ni Nora ang kanyang kapatid. Mula pa sa bahay nila hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang disposisyon nito—iritable. Hiling niyang sana sa pagbabalik nito sa Pilipinas ay maging maganda na ang lagay nito para sa kasal nito.

Pagdating pa lamang niya sa lugar ay sinalubong na siya agad ni Tyrone. Nakita ito ng kanyang ina na hindi nagreklamo. Mukhang tama si Tyrone sa mga sinabi nito sa kanya na gusto ito ng kanyang mama. Ang problema ay sadyang hindi niya ito gusto. Salamat at sa pag-uwi niya sa hacienda ay mawawala na ito sa buhay niya.

Maaga sila ng kalahating oras sa usapan ngunit marami na ring tao. Ang kulang na lang ay ang groom. Manggagaling daw ito sa opisina, ayon na rin mismo sa kanyang mama na tinawagan nito. Maraming pagkain at inumin.

"Have a little drink, love," wika ni Tyrone sa kanya.

"Puwede bang 'wag mo akong tawaging love?" pakiusap niya.

"You're so shy, love. Here, drink this."

Alam niya kung gaano kakulit ang lalaki at hindi ito titigil hanggang hindi niya kinukuha ang basong inabot nito. Champagne iyon kaya siguro hindi makakalasing.

"There's our groom," wika ng wedding coordinator.

Tumaas yata sa kanyang leeg ang kanyang puso pagkakita sa nakangiting mukha ng lalaki. May ngiti ito para sa lahat, at hindi niya iyon inaasahan. Nabuhay ang bulwagan sa pagdating nito. Mukhang masaya ito. Mabuti kung ganoon, sa isip-isip niya. Bumati ito sa mga paryentes nito at saka lumapit sa kanyang mama at kapatid. Humalik ito sa pisngi ng dalawa, saka napatingin sa gawi niya.

Bahagya itong tumango sa kanya at tumango rin siya rito, kasabay ng paghaplos ng lungkot sa puso niya. Parang napakalayo nito... Damang-dama niya ang agwat nila, lalo na at naroon siya, animo isang dayo, sa mundo nitong makulay at sopistikado.

"Have another one, love," ani Tyrone.

Ni hindi na niya sinita ang braso nitong nakaakbay na pala sa kanya at kinuha niya ang baso at agad sinaid ang laman niyon. Higit iyong matapang kaysa sa iniinom niya kanina ngunit hindi na siya nagreklamo. Sa katuyan ay humingi siya ng isa pa. Nabaliw yata siya, bigla ay parang gusto niyang subukang maglasing. Ngunit kailangan na nilang makinig sa wedding coordinator.

Nagpaliwanag ito saglit at saka sila pinapuwesto. Nagsimula ang ensayo. Nauna ang paryentes ni Emilio, sumunod ang best man nitong isa raw pinsang makalawa nito, saka ito naglakad tungo sa altar. Marami pang naunang pares sa kanya hanggang sa ilapit sa kanya ni Tyrone ang braso nito na kinapitan niya. Naglakad na sila patungo sa altar. Hindi niya maiwasang tumingin kay Emilio. Nakatingin din ito sa kanya.

"Careful now, love," si Tyrone na inalalayan siya sa pagkatapilok niya. Hindi niya tiyak kung dahil sa mababang takong ng sapatos niya o sa alkohol na nainom niya. Tumuloy na siya sa kanyang upuan at doon ay nagmasid na lang at naghintay sa paglalakad ng kapatid niya. Nang sumapit ang sandaling iyon ay parang may pumiga sa puso niya at sa mga sandaling iyon ay naunawaan niya ang isang bagay: mahal niya si Emilio. Hindi niya sinadya ngunit nangyari.

At mapapang-asawa ito ng kapatid niya. Habang-buhay na magiging bahagi ito ng buhay niya bilang asawa ng kapatid niya. Parang may tumundo sa sulok ng kanyang mga mata at pinilit niyang huwag lumuha. Hindi iyon ang tamang oras, at marahil walang tamang sandali para sa kamaliang iyon.

Nakayuko lang siya hanggang sa matapos ang rehearsal at sinabi ng wedding coordinator na magkita-kita na lang silang lahat sa araw ng kasal at mayroong pagkain para sa lahat. Sa istasyon ng inumin siya dinala ng kanyang mga paa at kumuha ng isang kulay-asul na inumin sa nakahilera sa mesa.

"There you go, love. That's right, loosen up. I hope you loosen up enough for you to let me kiss you later, baby," si Tyrone. Parang kay sarap nitong bigwasan, sabay kaltok sa noo nito, saka niya ito popompiyangin at tutuhurin. Bigla siyang napatawa nang maunawaang nakatitig siya sa lalaki dahil sa pag-i-imagine ng mga magandang gawin dito. Lasing na yata siya sa nainom niya kanina pero parang imposible dahil kaunti lang iyon, kaya iinom pa siya. "Fun time, fun time!"

Fun time-in mong mukha mo, sa isip-isip niya. Kung bakit napaka-comedy noon sa isip niya at napatawa na naman siya, sabay lagok sa inumin niya, saka siya kumuha ng isa pa.

"You're so pretty," sambit ng lalaki, itinaas ang kanyang mukha, hinaplos ang kanyang pisngi. Tinabig niya ang kamay nito, dahilan para maalog niya ang dalang baso at tumapon sa dibdib nito. Ang lakas ng tawa niya. "Shit! This is a vintage Versace... oh, well. That's all right. You're so cute that I'd let that pass. But I have to change. I'll be back."

"I'll be back," gaya niya rito sa tono ni Arnold Schwarzenegger, saka siya muling tumawa. Nakatalikod na ang lalaki, habang siya ay sumimsim nang sumimsim. Mayamaya ay nilapitan siya ng kanyang mama.

"Nasaan si Tyrone?"

"'I'll be back,'" aniya, mala-robot pa rin, saka siya bumungisngis.

"You're drunk!" anang kanyang mama, nakasimangot ito.

"Mama naman. Ngayon lang, eh. Sarap-sarap nga nito. Try n'yo, masarap."

"You'll be embarrassing me soon. You had better get in the car and wait there! My God!"

Sinaid niya ang baso niya saka tumalima. Pagdating niya sa sasakyan nila ay wala roon ang driver kaya naupo muna siya sa hood noon. Ayaw sana niya, batid niyang lulubog iyon, ngunit parang hindi niya kayang tumayo nang matagal. Parang umiikot ang mundo niya kaya nagpasya siyang sumandal ngunit huli na saka niya naalala na wala nga palang sandalan kaya dumausdos siya pababa.

Hindi siya bumagsak sa matigas na semento. May mga bisig na umalalay sa kanya at ang ilong niya ay pamilyar sa mabangong amoy ng bisig na iyon. Hindi na niya kailangang tingnan ang lalaki.

"Emilio..." sambit niya. Kilala ito ng puso niya, kahit lasing pa siya.

"Are you drunk?" Nakakunot ang noo nito.

Hinarap niya ito, itinodo ang kanyang ngiti. "Hindi, medyo lang."

Ngumiti ito. "You're cute."

"Talaga?"

"Hmmm-mmm."

Idinikit niya ang pisngi sa dibdib nito. Gusto niya itong yakapin pero parang napakabigat ng kanyang mga braso. Napatili siya nang pangkuin siya nito. Ipinasok siya nito sa sasakyan na nasa tabi ng sasakyan na kinahulugan niya. Sasakyan din pala nito iyon.

"Ang dami mong sasakyan. Nasaan ang driver mo? Ang convoy?"

"I can drive on my own and I do it sometimes. Like now. I will take you home."

"Ayoko pang umuwi, Emilio. Gusto ko pang uminom."

"I think you've had enough for the night." Nakangiti pa rin ito, saka naglabas ng maliit na plastic na bote mula sa bulsa ng amerikana nito. "Aspirin for me. This thins the blood, not recommended for drunken ladies, so you'll just have water. I think there's one here." Binuksan nito ang glove compartment at inabot sa kanya ang isang bote ng tubig matapos iyong buksan. "Bottoms up."

Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon