MGA KAMAG-ANAK lang ang imbitado sa kasal. Ang tanging kaibigan na inimbitahan ni Nora ay sina Nanay Pining, Marissa, at Cleto. Hindi raw makakarating si Cleto, tumawag na ito sa kanya. Sina Marissa at Nanay Pining ay naroon, kasama niya ang mga ito sa dressing room ng garden venue. Natetensiyon siya dahil bahagya lang silang nakapag-usap ni Emilio noong isang araw. Tiniyak lang nitong maayos ang kanyang kalagayan at nang sabihin niyang ibig niyang magkausap sila nang masinsinan ay sinabi nitong marami silang oras para roon kapag naikasal na sila. Ang mahalaga raw ay nasa maayos ang kanyang lagay.
Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi nila makontak ang kanyang kapatid. Ito ang pumutol sa komunikasyon nila at pinal ang pahayag ng kanyang ina nang sinabi nitong, "Kasalanan niya ito. She's a spoiled brat who thinks only of herself. Salamat at hindi ka katulad niya, Nora. Your father would be very proud of you."
At nadarama niyang totoo iyon. Marahil ito rin ang gugustuhin ng kanyang ama, lalo na sa itinakbo ng mga pangyayari. Nawala ang kanyang problema at napalitan ng malaking biyaya. Iyon ang tingin niya sa mga pangyayari kaya sa kabila ng mabilisang preperasyon at sa kabila ng tensiyon ay masaya siya. Marahil hindi kasiyahang buo iyon ngunit sapat para masabi niya sa kanyang sariling hindi hamak na mas tama ang nangyayaring ito kaysa kung natuloy ang unang plano. Mapapanagutan ni Emilio ang nangyari sa kanila, matutupad ang huling kahilingan ng kanyang papa, at magagawa rin ng kanyang kapatid ang ibig nito. Halata naman na ayaw nitong ikasal kay Emilio dahil ito na rin ang biglang nawala.
Napangiti siya habang nakatitig sa salamin. Parang isinukat talaga sa kanya ang traje de boda na iyon. Mula dibdib hanggang sa ibaba ng leeg ay mayroong maselang lace na mayroong lining. Empire cut iyon, light champagne ang kulay, walang manggas, lace mula ibaba ng leeg hanggang itaas ng kanyang dibdib, at ang laylayan ay mahaba at puno ng maselang burda. Ang belong katerno niyon ang pinakamagandang artikulo noon. Wala nang nang lace na ganoon ngayon at ang pagsusuot niyon ay katulad ng belo ni Virgin Mary.
"Ang ganda-ganda ng traje mo. Matutuwa si Emilio na makita ka," komento ni Nanay Pining at umasa siyang ganoon nga ang maging reaksiyon ng kanyang mapapang-asawa. Mapapang-asawa, parang halos hindi pa rin niya mapaniwalaan.
"Mukha kang birhen na birhen," komento ni Marissa, sabay hagikgik. "Birhen na may kaunting landi. Excited ka na ba sa honeymoon?"
"Sira ka talaga," aniya bagaman biglang tumahip ang dibdib. Hindi man masyadong malinaw sa alaala niya ang unang gabing pinagsaluhan nila ni Emilio sa pribadong silid ay may hatid na init iyon sa kanya, lalo na ngayon na ikakasal na sila.
"Mukhang masaya ka naman."
Tumango siya. "Masaya ako, kahit parang hindi ako dapat maging masaya."
"Sino naman ang nagsabi sa 'yong hindi ka dapat maging masaya? Kasal mo! Bruha ka, baka gusto mong makatikim sa akin ngayong araw ng kasal mo pa naman! "Bihira lang naman sa atin ang nakakahanap ng tulad ng mapapang-asawa mo pero hindi iyon ang dahilan para maging masaya ka, kundi mismong dahil masaya ka. Sa kabila ng sitwasyon, masaya ka. Sapat na dahilan na 'yon para matuwa ka."
Tama ito, alam niya. Noon pumasok ang kanyang mama sa silid. Mas simple ang suot nito kumpara sa ipinatahi nito para sa kasal sana ng kapatid niya. Marahil dahil na rin higit na simple ang kasalan na iyon. Natakpan ng makeup ang pangingitim ng palibot ng mga mata nito. Ilang ulit niya itong nakitang umiiyak, hawak ang cellphone nito, at alam niyang tinatangka pa rin nitong tawagan ang kanyang kapatid.
"Are you ready?" tanong nito, may tipid na ngiti. Tiniyak niya ritong wala itong alalahanin pagdating sa negosyo nila at pagganap niya sa papel bilang asawa ni Emilio.
Tumango siya at sabay na silang lumabas nito sa silid. Sinalubong sila ng wedding coordinator at pinapuwesto na. Nagsimula na ang seremonya. Wala pang beinte katao ang naroon, maliban sa mga wedding crew. Nang sinenyasan siya ng coordinator na maglakad na ay parang dumagundong ang kanyang dibdib. Marahan siyang tumingin sa altar at parang may banayad na palad na humaplos sa kanyang puso nang masilayan na niya si Emilio. Nakatingin ito sa kanya, may ngiti sa labi. At sinuklian niya ang ngiting iyon nang buong puso. Sa mga sandaling iyon niya ganap na natiyak, tama ang nangyayaring ito. Magiging Mrs. Stanford siya at buong-puso niyang tinatanggap iyon, panghahawakan, at aalagaan. Makakaasa ito.
Nang iabot nito ang palad sa kanya ay nakangiting tinanggap niya iyon. Marahan nitong pinisil ang kanyang kamay at hinagkan iyon.
"Thank you," sambit nito.
"P-para saan?"
"For doing this. You will be greatly rewarded, I promise you." Titig na titig ito sa kanya at sa ilang sandali, kahit nangangako ang pahayag nito, ay mayroong kabang sumigid sa kanyang dibdib.
Bago siya makatugon ay nagsalita na ang officiant. "Dearly beloved, we are gathered here today..."
BINABASA MO ANG
Traje de Boda 3: Nora (COMPLETED)
RomanceThird book of the series. Available sa ebookstore ng PHR.