SAD MEMORIES
"Hi..." mahina kong bati kay Emman.
Twelve thirty noon nang tanghali. Lunch break pa rin pero tapos nang kumain ang karamihan sa mga estudyante.
Gaya ng dati, nandoon si Emman sa ilalim ng puno. Mag-isa siya doon at may isinusulat sa notebook niya.
Padaan ako noon sa pwesto niya. Nakatalikod siya sa akin. Lakas-loob, humakbang ako palapit sa kanya sa halip na umiba ako ng daan gaya ng ibang estudyante. Bakit nga ba hindi? tanong ko sa sarili ko.
Sa totoo lang, malaking kwestyon sa akin ang mga nangyayari sa emosyon ko tuwing magkakatitigan kami. Marami akong gustong itanong sa kanya. Dalawang beses na akong natakot sa titig niya. At sa parehong pagkakataon, biglang nawawala ang takot at napapalitan ng paghanga. Nakapagtataka talaga.
Pero naisip ko, wala naman akong nararamdamang takot o paghanga kapag hindi kami nagkakatinginan. Ibig bang sabihin noon, yung mga mata niya ang nakakatakot?
Ano ang meron sa mga mata niya?
"Hi..." bati ko ulit kay Emman nang hindi niya pansinin ang una kong pagbati.
Hindi pa rin siya namansin. Patuloy lang siya sa ginagawa niya na pagsusulat sa notebook.
Ang suplado naman nito, naisip ko.
Humakbang ako palapit sa kanya. Naisip ko, kung tatabi ako sa kanya, hindi na niya ako pwedeng dedmahin.
Pero bago pa ako makadalawang hakbang, nagsalita na siya. "Huwag kang lalapit," sabi niya, mahinahon pero malamig ang boses, at may nakakatakot na dating.
Napatigil ako. "Gusto ko lang namang makipag--"
"Gusto kong mapag-isa."
Natahimik ako. Huminga ako nang malalim. Kaya mo yan Serena, sabi ko sa sarili ko.
"Emman, kung may problema ka, pwede mo namang i--"
"Wala kang pakialam sa problema ko."
Natigilan na naman ako. Tumaas ang kilay ko at medyo nainis na ako. May pagkamataray na kasi ang boses niya.
Pero muli, huminga ako nang malalim at kinalma ang sarili ko. Nag-isip na lang ako kung ano ang pwede kong sabihin para pansinin niya ako.
Wala naman akong maisip.
"Sige na," pagtataboy niya sa kin.
Napailing na lang ako. "Okey," sabi ko, sabay talikod sa kanya. Pero bago ako nakahakbang palayo, may kumislap na ideya sa isip ko. Naalala ko kasi ang pangalang binanggit niya noong nakita ko siyang umiiyak. "Sige, aalis na ko," sabi ko. "Pero sino muna si Sam?"
Sa pagbanggit ko sa pangalang iyon, tumayo siya at nilingon ako. Tinitigan niya ako nang matalim.
Naramdaman ko na naman ang takot na dalawang beses ko nang naramdaman. Nanginig na naman ang katawan ko. Pero sa pagkakataong iyon, nanghina ang tuhod ko at napaluhod ako.
"Huwag na huwag mong mabanggit ang pangalang yan," dagdag niya, mahina pero matalim ang boses. May pagbabanta. "Wala kang karapatang banggitin yan."
Napayuko ako. Umiwas ako ng tingin sa kanya. Patuloy sa panginginig ang katawan ko pero parang hindi ako makatayo dahil sa panghihina kaya hindi ko magawang lumayo sa kanya. "S-Sorry..." sabi ko na lang.
Unti-unting nawala ang panginginig ng katawan ko. Unti-unting napawi ang takot.
"I'm sorry..." narinig kong sabi niya, mahinahon na ulit.
BINABASA MO ANG
EMPATH
Teen FictionA young man with a dark past. A curious girl who tries to discover his secrets. A twist of events that will involve her to the paranormal powers that would threaten her life and bring her to the brink of insanity.