FURTHER CONCERNS
"Sabihin mo kung masakit ha," sabi ko kay Emman.
Nasa sala kami noon ng bahay namin. Hinatid ako ni Emman matapos ang gulo, at pinatuloy ko siya para mabigyan ko ng first aid yung mga pasa niya sa mukha. Sa mga oras na iyon, may hawak akong ice pack at idinadampi ko iyon sa mga pasa niya.
"Sige lang," sagot niya.
Itinuloy ko lang ang pagdampi ng yelo. Paulit-ulit ang tanong ko sa kanya ng, "Masakit ba?"
Paulit-ulit din ang sagot niya ng, "Hindi naman. Sige lang..." kahit paminsan-minsan ay nararamdaman kong nate-tense yung katawan niya.
Naisip ko, masakit siguro, pero hindi niya inaamin. Ganoon naman siya lagi, masyadong malihim.
Awang-awa ako noon sa kanya. Hindi ko kasi malimutan kung papano siya pagtulungan nina Robert at ng dalawang kasama nito. Isa laban sa tatlo, masyado namang lugi si Emman. Kahit sabay niyang tinamaan yung dalawa, natamaan pa rin siya ni Robert. Dalawang beses siyang tinamaan sa mukha.
Naalala ko noong una ko siyang nakitang makipag-away, noong bago pa lang ako sa Santo Nino. Tatlo yung kaaway niya noon. Isang tingin lang, takot na agad yung tatlo. Yung isa nga, kumaripas pa ng takbo. Pagkatapos, sabay niyang pinatumba yung dalawa.
Naalala ko rin, sabi nila, lagi siyang napapaaway. Lagi raw may naghahamon sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama sa ibang tao. Kayabangan lang yata talaga ng mga lalaki sa Santo Nino. Kapag may kilalang magaling sa away, pilit hinahamon, pilit sinusubukan.
Pero kawawa naman siya. Hindi naman siya mayabang o maporma. Loner nga siya, laging nag-iisa. Yun nga lang, suplado talaga siya.
Pero sa konting panahon na nakilala ko siya, nalaman ko na gentleman siya. Higit sa lahat, may pagka-hero siya.
Napangiti ako. Tiningnan ko ang mukha ni Emman na dinadampian ko pa rin ng yelo noon. Naisip ko, kakaiba siya sa lahat ng lalaking nakilala ko. At habang tumatagal na nakakasama ko siya, parang lalo akong humahanga sa kanya. Parang lalong napapalapit ang loob ko sa kanya.
Biglang bumukas ang pinto ng bahay.
Pareho kaming napalingon doon ni Emman.
Si Tita Gretchen pala. Kadarating niya lang at nakakunot agad ang noo niya sa amin.
"Good afternoon po, Mam," bati agad ni Emman sa kanya.
Biglang ngumiti si Tita. Biglang nawala yung kunot ng noo. "Kumusta ka na, Emman?" tanong pa niya. "Okey ka lang ba?"
Tumaas ang kilay ko. Nagtaka kasi ako. Kinukumusta niya si Emman? Ngumiti pa siya. Akala ko pa naman, papagalitan niya.
"Okey lang po ako," sagot naman ni Emman.
Bumuntung-hininga si Tita. "Pasaway talaga yung Robert na yun," sabi niya. "Makikita noon sa akin bukas." Pagkatapos ay naglakad na siya paakyat sa hagdan. "Maiwan ko muna kayo," sabi pa niya.
"Sige po, Tita," sagot ko naman.
Tiningnan ko si Emman. "Hindi yata nagalit si Tita sa yo," sabi ko sa kanya.
Nagkibit-balikat lang siya. "Bakit naman siya magagalit sa akin?"
Pabiro ko siyang tinaasan ng kilay. "Nakipag-away ka kaya sa harap mismo ng school. Di ba guidance agad yung kasunod noon? Di ba major violation yon ng school rules?"
BINABASA MO ANG
EMPATH
Teen FictionA young man with a dark past. A curious girl who tries to discover his secrets. A twist of events that will involve her to the paranormal powers that would threaten her life and bring her to the brink of insanity.