3: The Manatees

1.7K 69 5
                                    

THE MANATEES

“Hi Serena…”

Napatingin ako sa lalaking bumati. Medyo tumaas ang kilay ko. Guwapo ang lalaki, matangkad, at matamis ang ngiti sa akin. May kasama siyang dalawa pang lalaki na mga guwapo rin at nakatayo lang sa likuran niya. Sa dating ng lalaki, parang nahuhulaan ko na ang pakay niya.

Kasama ko noon sina Lorie at Louise. Nasa corridor kami sa tapat ng classroom namin. Wala si Thelma noon. Sinamahan daw ang boyfriend niya sa library.

“Pwede ba kaming mang-istorbo?” dagdag ng lalaki.

“Oo naman, Robert,” sagot bigla ni Lorie, hatalang kinikilig at ang tamis ng ngiti sa mga lalaki. Pasimple pa akong kinurot sa braso.

Sa kabilang braso ko naman, nakahawak nang mahigpit si Louise. “Ang gugwapo talaga nila…” bulong pa niya sa akin.

Para tuloy naasiwa ako dahil napapagitnaan ako ng dalawang babaeng kinikilig sa lalaking hindi naman ako interesado. Papano naman kasi ako magiging interesado kung kabisado ko na ang diskarte ng mga lalaking ganon. Sa Manila kung saan ako dati nag-aral, sanay na sanay na ako sa kanila at alam na alam ko na ang mga kalokohan nila.

“I’m Robert. Robert De Guia.” Inilahad ni Robert ang kamay niya sa akin, titig na titig sa kin.

Parang naaasiwa ako sa titig niya. Nahalata ko rin na ako lang ang pinapansin niya. Ni hindi niya sinusulyapan si Lorie o si Louise.

“Serena,” sagot ko na lang, napipilitan. Atubili ko siyang kinamayan.

“Kilala kita. Serena Diaz, the principal’s niece. Sikat na sikat ka kaya dito sa school. Tita mo si Mrs. Zabala, di ba?” Hindi niya binibitawan ang kamay ko.

Hinaltak ko iyon para mabitawan niya. “Oo,” sagot ko. “Grabe naman. Kalilipat ko lang, sikat agad?”

Tumawa lang si Robert, parang hindi apektado sa pagkalas ko sa kamayan namin. “Sikat ka talaga. Balitang-balita nga, honor student ka raw sa dating school mo sa Manila.”

Tumaas ang kilay ko. Papano nila nalaman yun? tanong ko sa sarili ko. Imposible namang idinaldal ako ni Tita. "Saan nyo naman nakuha yang tsismis na yan?" tanong ko.

"Sa guidance office. Hindi mo naitatanong, vice president ako ng student council kaya may access ako sa student records."

Tumaas ulit ang kilay ko. Talaga? Officer ng student council kahit hindi galing sa Section One?

Bigla namang naramdaman kong kinukurot-kurot ni Lorie ang braso ko. Obvious na nagpapapansin siya.

“Kilala mo na ba itong mga friends ko?” tanong ko kay Robert.

Noon lang tiningnan ni Robert sina Lorie at Louise. “Oo naman. Mga girls ng Section One.” Pero agad niyang ibinalik ang mga mata niya sa akin.

Naramdaman ko, lalong kinilig yung dalawa kahit sandali lang silang tiningnan ni Robert. Ganon ba talaga kasikat dito sa school ang lalaking ito? tanong ko sa sarili ko.

“Ano bang section nyo?” tanong ko na lang.

“Section Three, the happiest section,” pagmamayabang ni Robert. “Players kaming tatlo ng basketball varsity. Kilala kami dito sa school as The Matinees.”

Matinees? tanong ko sa sarili ko. Ang corny naman. “Manatees?” hirit ko, pabiro.

Bigla akong siniko ni Lorie. “Matinees,” bulong niya. “Ano ka ba?”

EMPATHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon