10: Unexpected Guests

1.1K 67 6
                                    

UNEXPECTED GUESTS

  

Tuesday nang gabi.

Mag-aalas-otso na noon. Nasa sala kami nina Lola at Tita Gretchen nang biglang tumunog ang door bell.

"Paki-check mo nga kung sino yon, Serena," utos ni Tita sa akin.

"Sige po," sagot ko naman. Agad akong lumabas ng bahay at pinuntahan ang gate.

Pagsilip ko sa labas ng gate, natulala ako nang makilala ko kung sino ang mga bisitang nandoon.

"Magandang gabi, Serena." Si Lola Max. At kasama niya si Emman.

Napangiti agad ako. "Magandang gabi rin po. Napadalaw po kayo?"

"Nandiyan ba si Cecilia?" tanong ni Lolo Max. "Gusto ko sana siyang makausap."

Lalo akong napangiti. Naisip ko, si Lolo Max, dinadalaw si Lola? "Nandito po. Tuloy po kayo."

"Salamat." Pero hindi siya agad tumuloy. Tiningnan muna niya si Emman. "Nananahimik ka yata, Iho. Batiin mo naman si Serena."

"Ah, o-opo." Pumiyok pa si Emman. "G-Good evening, Serena."

Napangiti ako sa kanya. "Good evening, Emman. Tuloy kayo."

"Thank you."

Pinatuloy ko sila sa loob. Tuwang-tuwa ako noon. Hindi ko alam kung anong sadya ni Lolo Max kay Lola pero parang kinikilig ako. Naisip ko, baka may balak uling manligaw si Lolo Max kay Lola. Hindi naman masama yon.

Pero mas natutuwa ako na nandoon si Emman. Kung mag-uusap sina Lola at Lolo Max, pwede kaming mag-usap nang sarilinan ni Emman. At kung manliligaw nga si Lolo Max kay Lola, pwede rin kayang ligawan ako ni Emman?

Sige, Serena, mangarap ka...

Natawa na lang ako sa naiisip ko.

"Lola, may bisita ka!" sabi ko agad kay Lola pagpasok ko sa bahay. Kasunod ko noon si Lolo Max, na sinusundan naman ni Emman.

"Max?" Gulat na gulat si Lola.

"Magandang gabi, Cecilia," bati ni Lolo Max sa kanya.

Tulala si Lola noong una, pakurap-kurap pa, parang hindi makapaniwala. Pagkatapos ay bigla siyang ngumiti nang pagkatamis-tamis. "Magandang gabi rin, Max. Tuloy kayo. Upo kayo."

Hindi agad umupo sina Lolo Max at Emman. Kinuha ni Lolo Max ang basket na bitbit ni Emman at ipinakita iyon kay Lola. "Para sa inyo," sabi niya.

Mga prutas iyon. Mangga, guyabano, avocado, at may atis pa.

Tuwang-tuwa si Lola, parang kinikilig pa. "Ito namang si Max, nag-abala pa."

"Wala yan. Marami lang kaming inani."

Sinenyasan ni Lola si Tita. "Gretchen, ikuha mo naman sila ng mamemeryenda."

Tiningnan naman ako ni Tita at nginitian.

Alam ko na ang ibig sabihin noon. "Ako na po," napapangiti kong sagot. Pero nilingon ko muna at nginitian si Emman bago ko sila iniwanan sa sala.

Ngumiti naman siya sa akin, matipid nga lang.

Sa kusina, nagtimpla ako ng dalawang tasang kape. Gabi na kasi at iyon palagi ang inaalok nina Lola sa mga bisita nila kapag gabi. Naglabas din ako ng ensaymada at slices ng chocolate cake na galing pa sa Manila. Inilagay ko lahat iyon sa isang tray at masigla akong bumalik sa sala.

EMPATHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon