GRIEF
"Sam..."
Si Emman iyon. Umiiyak siya. Halos isang oras na siyang umiiyak.
Nasa Loyola Memorial Park kami noon. Nandoon kami sa harap ng libingan ni Sam. Nagawa naming hanapin iyon nang walang kaproble-problema. Tumawag ako kay Uncle Willie at nakuha ko ang phone number ng bahay nila Sam sa Manila. Tinawagan ko iyon. Nakausap ko ang mommy ni Sam at sinabi niya sa amin kung saan nakalibing si Sam. Nagpasalamat pa nga siya sa phone sa pakikiramay namin.
Lampas na noon ng ten o'clock nang umaga. Hindi naman mainit ang panahon dahil makapal ang ulap sa langit. Para ngang uulan pa.
"Sam..." Paulit-ulit binabanggit ni Emman ang pangalan ni Sam habang umiiyak siya.
Umiiyak din ako noon. Nadadala ako ng emotion na galing kay Emman. Purong kalungkutan lang iyon pero matindi. Hindi ko iyon nilalabanan. Totoo naman kasing naaawa ako sa kanya. Totoo rin na nakakalungkot ang nangyari kay Sam. Kaya hindi ko kailangang labanan ang lungkot na iyon.
Nakaupo noon si Emman sa harap ng puntod. Nakaupo naman ako sa tabi niya. Hawak ko ang balikat niya at hinahaplos-haplos ko siya doon. Kahit papano, gusto kong maramdaman niya na nandoon ako para sa kanya.
Patuloy lang sa pag-iyak si Emman.
Patuloy din ako sa pag-iyak.
Hindi ko alam noon kung titigil pa kami sa pag-iyak o hindi na. Dahil sa bigat ng emotion na nararamdaman ko, wala na akong pakialam.
"Patawad, Sam," bulong ni Emman pamaya-maya. Noon lang siya nagsalita ng iba maliban sa pangalan ni Sam. "Patawad, hindi kita naipagtanggol..."
Napabuntung-hininga ako. Naisip ko, sinisisi na naman niya ang sarili niya.
Tumahimik siya ulit. Napansin ko, nabawasan ang pag-iyak niya. Ramdam ko, unti-unti rin nabawasan ang lungkot niya. Pero unti-unti na namang lumalabas ang galit niya.
"Magbabayad siya, Sam!" sabi niya, galit. "Pagbabayaran niya lahat ng ginawa niya sa yo!"
Napatingin ako sa kanya. Sino'ng tinutukoy niya? tanong ko sa sarili ko.
"Wala siyang awa!" patuloy siya sa paglalabas ng galit. "Demonyo siya! Papatayin ko siya!"
"Emman," pag-awat ko sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niya. Kinuyom ko iyon.
Tiningnan niya ako. Nakakunot ang noo niya pero unti-unting napawi iyon. Napawi rin ang galit. Bumalik ang mukha at emotion ng pagluluksa. "Bakit si Sam pa?" tanong niya sa kin.
Napailing na lang ako. "Hindi ko alam, Emman," sagot ko.
Niyakap niya ako. Umiyak siya ulit, doon sa balikat ko. "Wala siyang kasalanan..." ungol niya habang umiiyak. "Napakabait niyang tao..."
Wala akong naisagot sa sinabi niya. Hinagod ko lang ang likod niya, para kahit papano, maramdaman niyang may karamay siya.
"Kasalanan ko lahat..."
Napasimangot ako. Umiling ako kahit magkayakap kami. "Wala kang kasalanan, Emman," sabi ko.
"Kung hindi dahil sa akin, hindi siya mapapahamak... Hindi siya mamamatay..."
"Wala kang kinalaman doon."
"Meron... Dahil kakaiba ako..."
"Emman, walang kinalaman yang pagiging empath mo sa pagkamatay ni Sam."
BINABASA MO ANG
EMPATH
Roman pour AdolescentsA young man with a dark past. A curious girl who tries to discover his secrets. A twist of events that will involve her to the paranormal powers that would threaten her life and bring her to the brink of insanity.