DRAWING A LOVE
"Good morning, Lolo Max!"
Saturday noon. Wala akong magawa sa bahay kaya naisipan kong dalawin si Emman. Nagkataon namang nasa labas si Lolo Max ng bahay at naglilinis ng bakuran nang dumating ako.
"Oh, Serena," sagot niya sa akin. "Ikaw pala. Tuloy ka. Napadalaw ka?"
Humakbang ako palapit sa kanya. Nakasunod naman sa akin ang tatlong aso na pamilyar na sa kin. Nakapagtatakang maamo na sila sa akin at parang kilalang kilala na nila ako.
"Gusto ko lang po sanang makausap si Emman," sabi ko. "Nandiyan po ba siya?"
"Nandoon sa tabing ilog. Kung gusto mo, puntahan mo na lang siya doon."
Napangiti ako. Naalala ko kasi yung sinabi ni Emman dati tungkol sa tabing ilog na pinupuntahan niya lagi. "Malayo po ba yon?" tanong ko.
"Malapit lang. Kasinglayo lang noong kalsada mula dito. Halika. Ituturo ko sa yo yung daan."
"Sige po," sagot ko, excited.
Sinamahan ako ni Lolo Max papunta sa likod ng bahay. Bukirin pa rin ang nasa likod, pero medyo pababa ang lupa. Sa di kalayuan, kitang-kita ang isang walang katapusang hilera ng mga puno.
"Sundan mo yang pilapil na yan," sabi ni Lolo Max sa akin. "Deretso yan sa ilog. Makikita mo siya doon. Ingat ka lang sa paglalakad ha."
"Salamat po, Lolo Max," sagot ko. Tuwang-tuwa akong humakbang sa direksyon ng pilapil.
"Walang anuman, Iha. Pakisabi na lang kay Emman na umuwi kayo dito kapag oras na ng meryenda."
"Opo. Sasabihin ko po sa kanya."
Naglakad na ako sa pilapil na itinuro ni Lolo Max. Pababa ang lupa kaya mas naging maingat ako. Pero tuwang-tuwa ako sa itsura ng palayan doon. Pababa kasi nang pababa ang level ng mga pinitak. Para tuloy naging maliit at mababang version ng Banaue Rice Terraces ang bukirin, hindi nga lang masyadong matarik.
Ilang minuto lang ay narating ko na ang hilera ng mga puno. Dinig na dinig ko na ang lagaslas ng tubig. Naisip ko, malapit na nga ako sa ilog.
Sa likod ng mga puno ay may mala-bangin na pagbaba ng lupa. Dumideretso iyon sa mga batuhan sa ibaba. Sa gitna ng mga batuhan, nandoon ang ilog. Paglagpas naman ng ilog at mga batuhan ay paakyat ulit ang lupa. Nagtatapos iyon sa isa pang hilera ng mga puno sa kabila.
Halos ten feet din ang lalim ng batuhan mula sa kinatatayuan ko. Malalaki ang mga bato doon at maging ang ilog ay dumadaloy sa mga bato. Sa magkabilang gilid naman ng batuhan, maraming halaman ang tumutubo. Halos lahat iyon, namumulaklak.
Napangiti ako. Ang ganda-ganda kasi ng view sa ibaba.
Di kalayuan mula batuhan na katapat ng kinatatayuan ko, natanaw ko si Emman. Nakadamit-pambahay siya noon, simpleng T-shirt at mahabang shorts. Nakaupo siya noon sa isang malaking bato at nakasawsaw ang paa niya sa tubig ng ilog. Nakatalikod siya sa akin at hindi niya ako napapansin. May hawak siyang isang malaking sketch pad. Nagdodrowing siya.
Natuwa ako nang makita ko siya. Agad akong naghanap ng matutuntungan pababa. Agad ko namang napansin ang malalaking bato na parang inayos para maging hagdan pababa. Natutuwa akong dumaan sa mga iyon.
Nang makababa ako sa batuhan, bigla namang pinunit ni Emman ang page ng sketch pad na dinodrowingan niya. Nilukot niya ang papel at inihagis sa tubig. Pagkatapos ay padabog niyang inayos ang sketch pad sa ibabaw ng hita niya at muli siyang nagsimula sa pagdodrowing.
BINABASA MO ANG
EMPATH
Teen FictionA young man with a dark past. A curious girl who tries to discover his secrets. A twist of events that will involve her to the paranormal powers that would threaten her life and bring her to the brink of insanity.