7. I GOT YOU

733 44 0
                                    

“Lapitan mo na lang,” udyok ng lalaking may katabaan at tinawag na ‘kuya’. Nanlaki ang mga mata ni Chelsea ng tumayo ang payat na lalaki. Agad din siyang napatayo saka lumapit kay Bebang na mukhang naiilang din sa dalawa. Alam niyang narinig din nito ang usapan ng dalawa.

“Sir!” tawag pansin niya at natigil ang dalawa nang hindi siya makatiis. Kumabog ang dibdib niya ng lingunin siya ng dalawa. Kinabahan siya pero sa huli, naisip niyang dapat niyang itama ang hinala ng mga ito. Hades’ Lair was a place for leisure and relaxation, not a place for prostitutes.

            “Bakit? Anong problema?” maangas na tanong ng may katabaang lalaki.

            Huminga siya ng malalim at hindi nagpasindak. “Mawalang galang na ho pero narinig ko ang pinaguusapan ninyo. Hindi po ninyo puwedeng ilabas ang mga waitress dito.”

            Nagtinginan ang dalawa saka nagtawanan bago siya muling binalingan. “Puwede kong gawin ‘yon kasi, kilala ko ang mayari ng bar na ito.”

            Napakunot ang noo niya at napaisip kung sino sa tatlong mayari ng bar ang puwedeng maging kakilala ng mga ito. Halos sumakit na ang ulo niya pero wala siyang maisip dahil alam niyang matitino sina Ira. “S-Sino sa kanila?” hindi mapigilang usisa niya.

            “Si Ira Marverick Agbayani. Nakakasama namin ‘yan sa mga casino niya sa San Jose. Close kami noon kaya puwede ba? Huwag kang makialam sa diskarte naming magkapatid? Baka ireklamo pa kita sa amo mo. Mapapahiya ka lang,” mayabang na paliwanag nito saka tinanguan ang kapatid.

            Naginit na ang ulo niya ng tumalima ang kapatid nito. Hindi siya naniniwala sa sinabi nito. Maaaring nakakasama nga ng mga ito si Ira pero hindi naman ibig sabihin noon ay ito-tolerate na nito ang mga gagawin nilang kalokohan.

Agad niyang sinabi kay Beth ang lahat. Sinegundahan naman siya ni Bebang at agad naman itong nagtawag ng bouncer. Magalang namang nilapitan ng bouncer ang dalawa at sinabihang lumabas na lamang para wala ng gulo. Doon na nabuwisit ang mayabang na lalaki. Inis na pumiksi ito saka galit na binayo ang mesa. Napaigtad pa sila sa lakas. Lumapit na rin ang kapatid nito at mayabang na umasta sa likuran ng kapatid.

“Tawagin ninyo si Ira! Ipatatanggal ko kayo lalong-lalo ka na! Pakialamera ka!” gigil na asik ng lalaki saka siya dinuro.

“Eggay, what’s happening here?” malamig na singit ni Ira. Obviously, kilala nga nito ang nagwawalang lalaki dahil ito agad ang tinawag ni Ira. Hindi na nila ito napansing dumating dahil na rin sa nangyari. Napasinghap siya ng si Ira mismo ang nagbaba ng kamay ni Eggay na nakaduro sa kanya. “Please, stop pointing your finger to my staff. You know if you have problem, you can always ask me,” malamig na saad nito.

Kumalma ang magkapatid. Hindi niya napigilang mamangha dahil sa pagiging kalmado ni Ira. Just like before, he was acting again like her knight in shinning armor…

“Itong kahera mo, masyadong pakialamera. Gusto lang naman naming makilala ‘yung waitress mo. Ang ganda, eh. Baka naman puwede mo ng ibalato sa amin. Suki mo naman kami sa mga casino mo sa San Jose. Pangako, magdadala pa kami ng maraming parokyano doon basta pagbigyan mo na kami,” mayabang nitong paliwanag. Makaasta talaga ay parang super close kay Ira. Patapik-tapik pa ito sa balikat. Kinabahan tuloy siya sa nakitang kalamigan ni Ira.

Natahimik silang lahat. Natensyon siya ng mapatingin sa kanya si Ira. Hindi niya mabasa ang emosyon sa mga mata nito. Matagal iyon at hindi niya matagalan kaya nagiwas siya ng tingin.

“I’m sorry. I cannot grant your request.” malamig na saad ni Ira kapagdaka. “Una, matitino ang mga tao ko. Hindi sila kagaya ng iniisip ninyo. Tungkol naman sa inasal ng kahera ko, sa tingin ko, ginawa lang naman niya ang tama. Kung hindi ninyo nagustuhan ang mga sinabi ko, wala na akong magagawa. Like what I always said, kung ayaw ninyo sa patakaran ko, makakaalis kayo. At kung manggugulo pa kayo, pasensya na pero mapipilitan akong ipa-ban kayo hindi lang sa lahat ng Hades’ Lair kundi sa lahat na rin ng I-Casino,” seryosong saad ni Ira. Nasa boses ang kumbiksyon. Alam niyang hindi na ito mapapahinuhod ng kahit na anong kayabangan.

“Ira naman… kaya nga dito kami nagpunta. Gusto naming ang mga negosyo mo. Nakakapag-relax kami at nage-enjoy. Tapos ipapa-ban mo kami? Huwag naman…” napapahiyang angal ni Eggay. Napatingin ito sa kapatid at sinenyasan.

“P-Pasensya na. Heto, aalis na kami. Ikaw naman. Para naman tayong walang pinagsamahan...” angal ng isa saka alanganing napangiti.

“Rudy, kilala mo ako. I don’t tolerate these kind of behavior.” malamig na saad ni Ira.

“Oo naman. O, aalis na kami. Pasensya na sa abala.” napapahiyang saad ni Eggay saka naglabas ng lilibuhin at inilapag iyon sa mesa saka bumaling sa kanya. “Miss, keep the change. Pasensya na rin sa naging asal ko.” natatarantang paalam nito saka tinapik si Ira sa balikat.

Bago pa siya makatanggi ay dali-dali ng lumabas ang dalawa sa bar. Halos sabay-sabay pa silang nakahingang maluwag hanggang sa pinabalik na sila ni Beth sa kani-kaniyang puwesto. Siya naman ay hindi pa rin mapakali kahit nasa likuran na siya ng kaha. Nasa tapat pa kasi niya si Ira na seryoso siyang pinagmamasdan.

Gusto na tuloy manginig ng tuhod niya. Biglang-bigla, gusto niyang alamin kung bakit siya nito tinititigan. Ano kaya ang nasa isip nito? Bakit tila nais nitong basahin maging ang kaluluwa niya? Hindi tuloy siya makapagtrabaho ng maayos. Minabuti na lamang niyang huwag itong tingnan para hindi siya mailang.

Nang sa wakas ay umalis ito, doon lamang siya nakahinga ng maluwag. Nanghihinang napaupo na lamang siya at natutop ang dibdib. Hanggang ngayon ay nagwawala pa rin ang puso niya. Napabuga na lamang siya ng hangin dahil doon.

HADES' LAIR TRILOGY BOOK 2: IRA'S REDEMPTION (soon to be published under phr)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon