5. HEART BEATS WILD

834 43 3
                                    

“Hindi pa rin ready ‘yung promo? Ira, we need that. Paguusapan pa natin iyon nila Gerald. Sakto sana. Kung magagawa mo ‘yun ngayon, pupunta siya dito mamaya. Mapaguusapan natin ‘yon.” ani Atong pero patuloy lang sa paglalasing si Ira. Napabuntong hininga si Chelsea. Isang linggo na buhat na tumindi ang paglalasing nito. Magmula din noon ay wala na silang naging balita kay Brando.

Nabalitaan din niya mula kay Jasper na magaling na ang ina ni Brando. Tumaas daw ang presyon nito at naospital. Sa ngayon, nasa bahay na ito at nagpapahinga. Wala din palantadaan na nagpunta doon si Brando. Gayunman, nanatiling mahigpit ang pagbabantay nila dito.

            Because of that, Ira was upset. Nauunawaan niya. Nakaka-frustrate na sa dami ng kakilala nito, ni isa ay hindi ito matulungan. Sadyang napakagaling magtago ni Brando kaya hindi rin nila mahanap.

            “Pare, walang mangyayari kung lagi kang ganyan…” seryosong payo ni Atong saka tinabihan ang kaibigan. Nakita niya ang awa sa mga mata nito. Alas kuwatro pa lang ng hapon, lango na ito sa alak. Si Yaya Muring ang nagbabantay sa anak nito ngayon na dumating na rin limang araw ng nakararaan. Ang isang kapatid na lang daw nito ang humalili sa ospital kaya nakapasok na itong muli.

            Hindi na magawang makasagot ng maayos ni Ira dahil sa kalasingan. Minabuti na lamang na ipasok ito ni Atong sa opisina kasama ang mga body guards nito at pinagpahinga. Doon naman dumating si Gerald. Nagkulong ang magkakaibigan sa opisina. Mukhang kinausap si Ira para pagaangin ang dibdib.

Nagaalala man, minabuti niyang ituon muna ang atensyon sa trabaho. Patingin-tingin siya sa pinto ng opisina hanggang sa lumabas sina Atong at Gerald ng alas diyes na ng gabi.

            “Beth, gising na si Ira. Hatiran mo ng kape para magising-gising,” bilin ni Atong saka binalingan si Gerald. “I have to go now. Kailangan kong tingnan ang Hades’ Malate. Mago-audit pa ako doon,” paalam nito.

            “Okay. Susunduin ko rin si Anariz. Ihahatid ko pa siya sa San Sebastian,” ani Gerald. Nang umalis na si Atong, binilinan naman ni Gerald si Beth. Mukhang si Ira ang magbabantay sa Hades’ Lair Katipunan dahil may lakad ang dalawang kaibigan nito. “Alalayan niyo si Ira. Intindihin niyo na lang ang init ng ulo niya,” anito kay Beth.

            Tumango naman si Beth. Kahit papaano, natutuwa siya dahil may mga kaibigan si Ira na naiintindihan ito. Palibhasa, matagal ng close ang mga ito. Parang magkakapatid na lang. Naging saksi siya noon sa naging samahan ng mga ito kaya kahit nagsipagtanda na ay magkakasama pa rin.

            Tumalon ang puso niya ng lumabas si Ira makalipas ang thirty minutes. Mukhang maayos-ayos na rin dahil nakakalakad na ng matino. Iyon nga lang, halatadong masakit ang ulo nito dahil sa alcohol. Tutop nito ang noong nagtungo sa bar at naupo sa high chair malapit sa kanya. Agad naman itong nilapagan ng kape ni Beth.

            “Thanks,” malamig na saad nito saka tinanguan si Beth. Umalis na ito at nagtungo sa sariling mesa para harapin ang sariling trabaho.

            Naiwan si Ira doon na malapit sa kanya. Pahagod-hagod ito sa ulo. Naisipan niyang bigyan ulit ito ng gamot. Isinara na muna niya ang kaha at sumaglit sa quarters para kumuha ng paracetamol sa bag. Paglabas ay kumuha na rin siya ng tubig para ibigay kay Ira.

            Huminga siya ng malalim bago iyon inilapag sa tabi nito. Napatingin ito sa kanya. Biglang kumabog ang dibdib niya. Saglit siyang nalito kung papaano magpapaliwanag. “Para gumaan ang pakiramdam niyo,” paliwanag niya agad. Parang sinakal na siya ng tila binabasa nito maging ang kaluluwa niya. Halos matunaw na siya sa mga tingin nito.

            Muntikan na siyang mapabuga ng hangin ng walang salitang kinuha nito ang paracetamol at uminom. Alam niyang wala na siyang gagawin sa tabi nito kaya minabuti niyang bumalik na sa puwesto hanggang sa narinig niyang nag-ring ang cellphone nito. Nang sagutin nito ay agad niyang tinalasan ang pandinig.

            “Yes? What? Like right now?” nabibiglang tanong ni Ira. Saglit itong tumahimik. Tila pinakinggan ang sinasabi sa kabilang linya hanggang sa napahagod sa noo. “Okay, okay. Wait. May kakausapin lang ako. Wait for my call, okay?” anito saka ibinaba ang cellphone.

Natutop nito ang noo. Tila saglit na nagisip hanggang sa napatingin sa kanya. Tumalon ang puso niya ng tawagin siya nito. Pigil hiningang tumalima siya.

            “Do you want to do some extra job?” seryosong tanong nito saka napahinga ng malalim. “Namatay na iyong kapatid ni Yaya Muring na naospital noong isang linggo. Nagkaroon ng komplikasyon ang operasyon niya at namatay. Kailangan niyang umuwi ngayon sa Pangasinan. Walang magbabantay kay Irvin. Hindi ko naman siya puwedeng dalhin dito dahil gabi na. Iyong isang katulong ko, stay out naman iyon. Linis at luto lang ang ginagawa. Ayaw din ni Irvin sa kanya. Hindi rin ako makauwi ngayon dahil ako ang nakatokang magbantay ngayon dito.” seryosong paliwanag nito saka napahagod sa buhok.

            “Baka puwedeng ikaw muna ang tumingin kay Irvin habang wala pa si Yaya Muring. I’ll pay you just like normal nanny. You see, my son likes you. Wala na akong ibang maisip na puwedeng tumingin sa kanya kundi ikaw. May kapatid ako na nasa San Jose pero mayroon ding anak na kailangang tingnan. Ikaw lang ang naisip kong puwedeng tumingin sa kanya,” dagdag nito.

            Napaisip din siya. Gustuhin man niya, marami din naman siyang kailangang i-consider. Sino ang titingin sa salon niya? Siguradong oras na tanggapin niya ang extra work, hindi na siya makakapunta sa mga salon.

            Pero naisip niyang mapagkakatiwalaan ang mga tao niya. Bibilinan na lamang niya si Stephanie—ang roving manager niya na twenty three years old na nagta-trabaho sa kanya ng tatlong taon—na balitaan at bigyan siya ng weekly reports para ma-monitor din ang salon. Maasahan naman niya ito. Si Stephanie ang inuutusan niyang magpunta sa ibang branch kapag hindi niya maharap puntahan iyon.

            Sa huli, napatango siya. “Sige, sir. Wala hong problema,” sagot niya. Sayang din ang pagkakataong iyon para makatulong dito.

            Doon ito mukhang nakahinga ng maluwag. “Okay. Thank you,” anito saka tinawagan na ang matanda.

            Siya naman, pagpatak ng alas onse ay nag-out na rin siya. Nagboluntaryo si Ira na ipahatid siya sa driver at walang puknat ito sa pagbibilin sa anak.

            “Pagdating mo, aalis na si Yaya Muring. Don’t forget to ask her about Irvin’s milk and all. Whatever happens, call me, okay? Here’s my number,” bilin nito bago siya sumakay saka ibinigay ang tarheta nitong binunot mula sa wallet.

            Ngumiti siya ng makuha iyon. “Okay, sir. Relax. Ako na ho ang bahala,” aniya saka ito kinindatan.

            Natigilan ito. Bago pa niya pagsisihan ang ginawa, minabuti niyang isara ang pinto at pinasibad na ng driver nito ang sasakyan. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso niya! Napahinga na lamang siya ng malalim para kalmahin ang pusong nagwawala.

            Sa huli, napailing na lamang siya sa sarili.

HADES' LAIR TRILOGY BOOK 2: IRA'S REDEMPTION (soon to be published under phr)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon