22. KISS ME

613 39 1
                                    

“HAPPY BIRTHDAY!” nakangiting bati ni Chelsea kay Ira. Gusto sana niya itong gawaran ng halik o yakap pero nakahiyaan na niya. Paano ba naman? Nakatitig ang lahat ng tao sa kanya! Lahat ng malalapit nitong kaibigan, nasa bahay nito. Dumating din ang mga kapatid at tatay nito. Maging ang bestfriend ni Bonsai ay nandoon din.

            Lihim siyang nanalangin na sana, wala makakilala sa kanya. Iisang eskwelahan lang silang galing nila Gerald. Bagaman obvious na hindi siya natatandaan ng magkakaibigan, umaasa siyang hindi makikitaan ng kaunting palatandaan.

            Nitong mga huling araw ay umiwas muna siya kay Ira dahil iniisip niyang muli ang mga bagay na nakalimutan niya: ang tunay na kalagayan. Gusto na niyang ipagtapat ang lahat kaso ay naduduwag siya. Bagaman iyon ang una niyang plano ay hindi na iyon ganoon kadaling gawin ngayon. Isa pa, birthday pa nito. Ayaw naman niyang sirain ang espesyal na araw iyon kaya minabuti niyang ipagpaliban na muna. gayunman, sumumpa siyang hindi na patatagalin iyon. Makahanap lang siya ng magandang pagkakataon ay magtatapat na rin siya.

            “Para sa’yo,” pigil hiningang saad niya saka inabot dito ang regalo.

            Bahagya itong natawa saka napakamot sa sentido. Mukhang nahiya. “Nagabala ka pa. But thank you. I really appreciate it,”

            Isang matamis na ngiti ang iginawad niya rito. Hindi na niya alam kung ilang minuto siyang nakatitig dito. Ang sarap kasi nitong panoorin. Mukhang ang gaan-gaan ng pakiramdam nito. Maaliwalas ang awra. Tila wala itong dinadalang anumang bigat sa dibdib.

            “Tama na ang titigan. Pakainin mo na ang bisita mo,” untag ni Gerald sa kanya. Napahagikgik tuloy si Anariz sa tabi nito. Siya naman ay pinamulahan ng mukha at napakurapkurap.

            “Shut up,” natatawang asik ni Ira dito saka napailing. “Let’s go?” baling nito sa kanya.

            “Ako na lang. Nakakahiya naman kung ia-assist mo pa ako,” nahihiyang bulong niya kay Ira.

            Umarko ang kilay nito at umiling. “You are my guest. There’s nothing wrong with that. Pagbigyan mo na ang birthday boy, okay?”

            Bahagya siyang natawa dahil idinaan na siya nito sa ganoon. Ayaw naman niya itong biguin kaya pinagbigyan na niya. Sinamahan siya nitong kumuha ng pagkain sa maliit na buffet. Damang-dama niya ang panonood sa kanya ng mga tao doon. Ang init-init na tuloy ng buong mukha niya sa ilang.

            “Try this. Masarap ito.” anito saka siya nilagyan ng shanghai sa pinggan.

            “Tama na. Hindi ko na ‘to mauubos,” natatawang angal niya.

            “It’s okay. Ubusin mo lang ang kaya mo. Shall we?”

            Tumango na siya. Iginiya siya nito sa mesa at ipinakilala sa mga kapatid nitong galing Boston. Mukhang mababait naman ang lahat. Tinanguan siya ng mga ito at binati. Matapos iyon ay hinarap na niya ang pagkain.

            “Chelsea?”

            Nanigas na yata ang panga niya ng marinig ang hindi pamilyar na tinig ng isang babae. Hindi muna siya lumingon para sinuhin iyon dahil nalito siya. Hindi niya alam kung papaano haharapin ang taong nakakilala sa kanya.

            “Chelsea?” ulit ng babae. Kumabog ang dibdib niya ng maramdaman ang paglapit nito sa likuran niya. Napilitan siyang lumingon at nahigit niya ang hininga ng makita ang takang ekspresyon sa mukha ni Penelope. Karga nito si Irvin at katabi naman nito si Yaya Muring na taka ring nakatingin sa kanya.

            Oh, my God… she remembers me…

            Mabilis niyang pinagana ang isip. Gusto na niyang lumubog ng sandaling iyon dahil wala siyang maisip na alibi! She wanted to die that moment. Napatingin siya kay Ira at napalunok ng makita ang pagtataka sa mga mata nito.

            “Chelsea? Her name is Leilanie, Penelope.” takang pagtatama ni Ira kay Penelope.

            “Oh…” gulat na saad ni Penelope saka muli siyang tinitigan. Napakunot ang noo nito, mukhang sinisigurado kung nagkamali lang ito hanggang sa natawa ng alanganin. Nang tingnan siya nitong muli ay apologetic na ang itsura nito at nahihiya. “I’m really sorry. Ka-built mo kasi ang dati naming school mate noon sa San Jose. Pati posture at mukha, hawig kay Chelsea kaya natawag kita ng ganoon. I’m sorry, okay?”

            Ngumiti na lang siya ng tipid dito bagaman kinakabog pa rin ang dibdib niya. Naupo na ito sa isang bakanteng upuan sa kabila ni Ira at nilaro si Irvin. May mga pagkakataong nahuhuli niya itong patingin-tingin sa kanya. Umasta na lamang siyang hindi iyon pansin para maisip nitong hindi nga siya iyon.

Lihim siyang napabuntong hininga. Right there and then, she realized that she couldn’t hide everything anymore. Dadating ang araw, may taong makakikilala sa kanya. Kailangan ay dalian niyang magsabi ng totoo dito.

            “Are you okay?” untag ni Ira.

            Napaigtad siya. Naging lulong siya sa sariling isipin hanggang sa kinalma niya ang sarili. Ngumiti siya rito para ipakitang okay lang siya. “Oo naman. Okay na okay.” aniya saka nag-thumbs up pa dito.

            Napatango na ito at mukhang nakahinga ng maluwag. Siya naman ay itinuon na muna ang atensyon dito. Nakipagkwentuhan siya dito at sa tuwing isinasama siya sa usapan ng magkakaibigan ay sumasagot din siya.

            Alas onse na ng gabi ng magpaalaman na ang mga bisita ni Ira. Siya naman ay tumulong munang magsinop doon. Nang masigurong ayos na ang lahat, nagpaalam na siya kay Ira.

            “Aalis na ako. Thank you at happy, happy birthday,” paalam niya saka ito masuyong nginitian.

            “Thank you.” anas nito saka hinaplos ang pisngi niya.

            Bumilis ang kabog ng dibdib niya ng makatitigan ito. She saw desire in his eyes. It was intense, she could almost taste it. “I-Ira…” wala sa sariling anas niya habang nakatitig dito. Nakakahawa ang init nito. Nadadarang siya at unti-unting nilulukob ng kakaibang mahika…

            “God… I want to kiss you. Please, let me kiss you…” anas ni Ira. Nasa tono ang init at pananabik.

“H-Halikan mo ako…” pigil hiningang amin niya. Tila ipit na ipit na ang kanyang baga. Napuno siya ng hindi masukat na antisipasyon. Nagkaroon ng paruparong nagliliparan sa kanyang sikmura at tuluyan na siyang naging bingi sa matinding babala ng isipan…

Siniil siya ng halik ni Ira. Agad niya itong tinugon. Mainit. Puno ng pananabik. Tila kapwa sila sinilaban ni Ira dahil sa dagsa ng init na naguunahang lumabas sa mga katawan nila. At dahil ito ang matindi niyang kahinaan, tuluyan na siyang natunaw ng sandaling iyon sa mga palad nito…

HADES' LAIR TRILOGY BOOK 2: IRA'S REDEMPTION (soon to be published under phr)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon