"Akin na 'yan baon ko!" umiiyak na angal ng isang batang babae. Napatingin si Ira sa dalawang lalaki sa hindi kalayuan. May kaharap silang babae na halatadong umiiyak base na rin sa papunas-punas nito ng pisngi.
Tumawa ang dalawang lalaki. Nakilala niya agad na sina Gino at Paco iyon. Kilalang mga bully ang mga ito sa section one. Palibhasa, geek ang babaeng pinaglalauran kaya mukhang tuwang-tuwa silang dalawa.
Nasa corridor sila sa labas ng classroom. Break time nila. Nakalimutan niya ang wallet sa bag kaya bumalik siya at nadatnan ang tatlo. Napailing siya ng makitang umastang itutuktok ni Gino ang baunan sa kawawang babae. Hindi na siya nakapagpigil. Lumapit na siya para turuan ng leksyon ang mga ito. Matagal na niyang naririnig ang kalokohan ng dalawa at ngayong nakita niya iyon, hindi na siya magpapatumpik-tumpik pa. Nakakaawa din ang batang babae. Sa liit nitong iyon—na hanggang dibdib lang ng dalawang lalaki—siguradong tatalsik ito kapag tinulak ng dalawa. Lumapit siya para makialam.
"Pati walang laban na babae, pinapaiyak ninyo. Para kayong hindi mga lalaki,"
Luhaang napatingin sa kanya ang kawawang babae. Napasinghap ito ng makita siya at marahan niya itong tinanguan. Napatingin siya sa ID nito. Napatango siya ng makitang Chelsea Zarate ang pangalan nito. Gusto niyang iparating sa simpleng mensaheng iyon na siya ang bahala sa dalawang kumag. Para saan pang naging anak siya ng gambling lord kundi lang din siya katatakutan? Sa pagkakataong iyon, gagamitin niya iyon para tumulong.
"I-Ira..." kinakabahang anas ni Gino. Siniko nito si Paco at hinila. Pinuwesto ni Gino sa harap niya si Paco. Napangiwi ito. Halatadong kinabahan ang dalawa. Gusto niyang mapailing. Duwag naman pala. Nakita lang siya, nangatog na sila sa takot. Napabuga siya ng hangin.
"Nakita ko ang ginawa mo kay Chelsea. Hindi ka na nahiya. Ang laki mong tao, gusto mo pa siyang tuktukan," aniya saka binatukan si Gino. Napasinghap si Chelsea. Mukhang namangha. Hindi na rin kasi makapalag ang dalawa sa kanya.
"S-Sorry," napapahiyang saad ni Gino saka ibinalik ang baon kay Chelsea. Kinuha naman ng babae iyon saka pinunasan ang mukha. Mukhang napanatag na dahil kasama siya.
"Lagi ba nilang ginagawa ito?" seryosong tanong niya. Hindi niya mapigilan makaramdam ng simpatya dito. Parang ang sarap din pagmasdan ng maamo nitong mukha. Natatakpan lang kasi iyon ng buhaghag na buhok at malaking salamin kaya hindi agad pansin.
Seryosong tumango ito. Lihim siyang natuwa dahil mukhang nagtiwala ito sa kanya. Inamin nito ang ginagawang kalokohan nila Gino.
Naginit ang ulo niyang tiningnan ang dalawa. Muli, ginawaran niya ng tigisang batok ang dalawa at napabuga ng hangin. "Huli niyo na ito. Magmula ngayon, huwag na huwag na ninyong uulitin ito. Makakarating ito sa principal natin oras na umulit pa kayo. Maliwanag?" maangas na tanong niya.
Agad nagsitanguan ang dalawang kumag. Kulang na lang ay sumaludo pa. Panay ang sorry ng mga ito. Halos mamutla na kakahingi ng tawad hanggang sa tinanguan ito ni Ira. Nagkukumahog na umalis ang dalawa.
"Chelsea, huwag ka ng umiyak, ha." aniya saka inalis ang ilang hibla ng buhok nitong tumabing sa mukha. Napangiwi ito. Marahil, nahiya dahil pawisan na pero wala naman siyang pakialam. Ang mahalaga, maayos na ito.
Napasinghap ito kapagdaka. "P-Paano mo nalaman ang pangalan ko?" takang tanong nito.
Ngumiti siya saka itinuro ang ID nito. Namula ang mukha nito. Bahagya siyang natawa dahil naaliw siya sa pamumula ng pisngi nito. Parang ang sarap noong pisilin. Gayunman, hindi na niya ginawa. Baka lumubog na ito sa sobrang hiya kapag ginawa niya pa iyon.
"S-Salamat, ha." Pigil hiningang saad nito.
"Hindi ka na guguluhin ng mga iyon. Kapag bumalik pa sila, tawagin mo lang ako. Ako ang bahala sa'yo." pangako niya at totoo iyon sa puso niya. Hindi ito talaga magdadalawang salita sa kanya. Hindi dahil mukhang hindi nito kayang ipagtanggol ang sarili kundi dahil gusto niya itong tulungan. May magagawa naman siya, bakit naman siya hindi makikialam?
"Okay..." nahihiyang sagot nito at kiming ngumiti sa kanya.
Isang mabait na ngiti ang iginawad niya bago tuluyang bumalik sa sariling silid...
BINABASA MO ANG
HADES' LAIR TRILOGY BOOK 2: IRA'S REDEMPTION (soon to be published under phr)
Romansa[STATUS: COMPLETED💞]✓✓✓ THIS IS THE STORY OF IRA AGBAYANI, THE 2ND BOOK OF HADES' LAIR TRILOGY. HIGHEST RANK: #1 IN SECOND LOVE 💞 BOOK IN ORDER: 💞BOOK 1: GERALD'S SURRENDER LINK: https://www.wattpad.com/story/207874809-hades%27-lair-book-1-geral...