6. I'LL FIGHT FOR YOU

726 40 0
                                    

“Papaano naman magagawa ni Sir Ira ‘yung promo? Lagi na lang siyang lasing. Nadadaig na tayo ng mga katabi nating bar. Ang gaganda ng promo nila samantalang tayo, nahuhuli. Nababawasan na tuloy tayo ng customer. Mas maganda ‘yung promo ng kabila na five plus one sila sa isang bucket ng beer tapos may libre sisig pa sa halagang two hundred pesos lang. Tayo? Napako na sa five plus one. Nagtatanong tuloy ‘yung isang customer kung hindi ba natin sila gagayahin,” napapailing na reklamo ni Rex kay Ray. Mga waiter sila ng Hades’ na tatlong taon ng nagtatrabaho doon.

            Bagaman may bahid ng katotohanan iyon, hindi mapigilang mainis ni Chelsea. Kung tutuusin, nabawasan na nga ang paginum-inom ni Ira. Magmula ng mamatayan si Yaya Muring, halinhinan sila sa pagaalaga kay Irvin kaya nawalan ito ng pagkakataon magpakalasing.

            Isang linggo na siyang nanny sa umaga, sa gabi ay cashier. Mahirap pero kinakaya niya. Ngayong araw, nakapagpahinga siya dahil dumalaw doon si Irish kasama ang asawang si Jeff. Kinabukasan daw uuwi ang dalawa kaya sila muna ang titingin sa bata. Nagawa tuloy niyang dalawin ang salon kaninang umaga at napirmahan ang mga cheke na pambayad sa mga suppliers. Natutuwa siya na kahit hindi niya masyadong napupuntahana ng mga salon niya ay maganda naman ang performance ng mga tao niya.

            Si Ira naman ay nasa opisina nito ngayon. Ilang araw na itong ganoon. Tuwing alas syete ng umaga hanggang alas dos ng hapon, siya ang tumitingin sa anak nito. Uuwi ito one thirty para palitan siya sa pagaalaga. Dumalang ang paginom nito dahil doon. Marahil, iniisip din nito ang kalagayan ng anak. Hindi nga lang iyon makita ng iba dahil na rin tumatak sa kanila na nahilig ito sa paginom magmula ng mamatayan.

Gayunman, ngayong araw ay maaga itong nagkulong sa opisina. Hinatiran na lamang ito ng meryenda at tanghalian. Halatadong abala ito at mukhang ginagawa na ang promo na sinisintir ng mga kaibigan nito at mga tao sa bar. Gusto niyang ipagdiinan iyon sa dalawa pero nanatiling tikom ang bibig niya. Nagpasensya na lamang siya at inisip na wala lang alam ang mga ito kaya nakakapagsalita ng ganoon.

“Oo nga. Baka naman naglalasing na naman ‘yon sa loob ng opisina. Kanina pa ‘yun doon, eh,” ayon naman ni Ray saka dismayadong napailing-iling pa.

Hindi na siya nakapagtimpi, nilapitan na niya ang dalawa na nakatayo sa gilid ng receiving counter kung saan hinihintay ng mga ito ang order na ibibigay sa customer. Katabi lang niya iyon dahil doon din nakapuwesto ang table niya. Humalukipkip siya at tinitigan ang dalawang lalaking tila nagulat sa inasta niya.

“Hindi niyo dapat pinagiisipan ng ganoon si sir. Alam niyo naman ang pinagdaanan niya, ganyan pa kayong mag-comment? Dapat, trabaho ninyo ang inaatupag ninyo, hindi ‘yung trabaho niya.” sita niya.

Napahiya ang dalawa. Namula ang mukha nila at nang lumabas ang order ng mga customer nila ay agad iyong kinuha saka nagtrabaho. Napabuga siya ng hangin at napailing sa dalawa. Hindi siya nagawang sagutin ng mga ito dahil alam nilang nage-extra siya kay Ira. Natural na iisipin nilang na kay Ira ang loyalty niya.

Napabuga siya ng hangin saka naupo sa puwesto. Doon naman dumating ang dalawang malalaking lalaki. Tingin niya ay nasa singkwenta na ang edad. Parehong maiitim ang mga ito. Payat nga lang ang isa at ang kasama nito ay may katabaan. Parang magkamaganak ang mga ito dahil may pagkakahawig. Hindi naman sa panlalait pero mukhang kontrabida ang mga ito sa pelikula. Balbasarado. Nahahawig kay Paquito Diaz.

Naupo ang mga ito sa high stool malapit sa kanya saka nag-order ng beer. Agad namang tumalima si Bebang—ang barista doon na kasing edad din niya.

“Kuya, ang ganda noong waitress. Baka puwede nating mailabas ‘yon,” nakangising saad ng payat na lalaki sa kasama nito.

“Sige. Kapag dumaan, tawagin mo,” nakangising sagot nito.

Isa pa ang mga ito. Ano’ng akala nila sa Hades’ Lair? Beerhouse? Naiinis na saad ng isip niya. Tiningnan niya ang tinitingnan ng dalawa at gusto niyang mainis ng makitang si Laiza ang tinutukoy ng mga ito. Bagong waitress ito at bata pa. Nasa edad dise otso lang ito pero kung pagnasahan ng dalawang ito, wagas! Nakakagigil!

HADES' LAIR TRILOGY BOOK 2: IRA'S REDEMPTION (soon to be published under phr)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon