Time is gold, but timing is golder
January 19, isang normal na araw lang ang araw na ito para sakin, hanggang sa biglaan na lamang siya nagchat sa akin.
Hindi ko na inisip na may pag-asa pang ichat niya ako simula noong magkaroon na siya ng karelasyon. Kaya naman hindi ko na din inaasahang aabot ng ganitong kahaba ang usapan namin. Si Luna kasi ang tipo ng babae na hindi kakausap sa ibang lalaki ng ganitong kahaba, ano kaya nangyari?
"Hi." unang chat niya sakin kaninang maga.
Wala naman din akong ibang maisasagot kundi "Hi" dahil wala naman din kaming ibang maaring pagusapan.
"Uhm, Alexis. Pwede magtanong?" Sabi niya. Napaisip ako, at anong bagay naman ang itatanong niya sakin, wala naman kaming kahit anong pwede pagusapan na magkakaroon ng extensions.
"Yes naman, ano yun?"
Marupok eh..
Medyo matagal ang pag-type niya. Matimpi ako naghintay sa isusunod niyang reply.
"Paano ba manatiling gising hanggang madaling araw? Ano ginagawa mo?"
Hmmmm, hindi ko expect ang tanong na yan, pero madali lang sagutin. "Gawin mo lang ang gusto mong gawin hanggang mawala na ang bakas ng oras sa isip mo." eka ko. Yoon lang din naman ang ginagawa ko, kailangan ko pa ba isikreto?
Nagtagal pa ang usapan namin. Kung ano ano din ang naging topic. Hindi ko namalayan na tanghalian na pala. Habang kausap siya ay kumain na rin ako. Dinamay ko na din ang pagkain sa usapan.
"Nakakain ka na ba?" tanong ko. Medyo matagal na walang sumagot. Mga ganuong oras din siguro sila kumakain.
"Sorry, hindi ko napansin chat mo." Bigla niyang sagot. Napangiti ako, dahil akala ko ayon na ang katapusan ng usapan namin, hindi pa pala.
"Oo, nakakain na ko. Kakakain lang namin ng tanghalian." Sunod niyang sagot.
Nagpunta akong kwarto at humiga. Doon pinagpatuloy ko siyang kausapin. "Ano ulam niyo?"
"Adobo." sagot niya agad. "Nakadalawang ulit ako."
Cute naman.
"What a coincidence, adobo din ulam namin." ani ko. Ayos kaya magsinungaling sa chat? I mean, tungkol sa ulam lang naman eh, para magmukha namang fated, diba?
Isang mahabang usapan ulit ang lumipas, namalayan ko na lang na madilim na pala. Sinabi ko na maliligo muna ako, pero hindi ako ganito kahuli maligo. Kadalasan kasi tanghali, pero masyado akong nalibang.
Matapos ang tatlumpong minuto, tinignan ko ulit ang chat namin. "Ano nga pala isusuot mo sa prom?" huli niyang chat. Nanlaki mga mata ko, pati na ang buka ng bibig ko. Bakit sa dami rami ng maaaring itanong sa akin, ay iyon pa?
"Suit and tie syempre." Patay malisya kong sinagot, "Na may Pink polo sa loob."
Medyo nagtagal na walang reply, kaya naman pinangunahan ko na. "Ikaw? Ano isusuot mo?" Masyado bang weird para sa lalaki itanong ang isusuot ng babae sa prom, lalo na kung may karelasyon na ang babae?
Parang hindi naman.
Nagdirediretso ulit hanggang sa makarinig na ko ng mga insekto na sa gabi ko lang naririnig.
Umabot kami sa mga usapang "Hala, so magiging engineer ka paglaki?"
"Well, ayos lang sakin basta ikaw magdodrawing ng mga building na gagawin ko." Sobrang corny ko talaga.
Eka niya kasi architecture ang balak niya kuhanin, hindi ko na pinalampas ang pagkakataon manghugot.
At ayon na nga. Ang naging turning point at sobrang disappointing event ng araw na iyon.
Habang nakikipagchat, naiglip ako, nadiretso na sa pagtulog, at narealize ko lang iyon sa paggising ko kinabukasan.
"Gising ka pa ba?" Ang huli niyang chat. Nakakapanghinayang na nakatulugan ko siya. Balak balak ko nang sumigaw at magtatatalon sa disappointment, pagkatapos kong iseen ang chat niya.
Pero dahil tulog pa ang pamilya ko, napabuntong hininga na lamang ako.
Alam ko na kapag kinikilig, hindi na madaling makatulog, pero bakit sakin pa dumapo ang antok kung kailan kilig na kilig na ko.
Pagkakataon nga naman oo...