“Hindi ko aakalain na dadating ang araw na ito, kung saan ang itinatagong sikreto ng mga kasambahay ng pamilya Reyes ay maikwekwento sa kanilang anak. Marahil, nakatadhana siguro na darating ang pangyayaring ito at hindi na ako magdadalawang-isip na sabihin sayo ang tunay na nangyari sa pamilya mo.” wika ni Lola Marshal na nakakatandang kapatid ni Manang na nagtrabaho sa bahay noon bilang kasambahay. Pinaupo ko naman si Lola Marshal sa may bangko sa may lilim ng manga na nakatanim sa kanilang bakuran.
“Tinanggap ako ng Daddy mo noon bilang kasambahay niyo bago man sila maikasal ng Mommy mo, tandang-tanda ko pa noon kung gaano sila kasaya noong ikinasal silang dalawa at nanirahan sa iisang bahay kung saan kami nagtratrabaho bilang kasambahay. Sobrang saya nilang mag-asawa, ang Daddy mo ay pursigido maging Attorney at tumaas ang posisyon sa opisina, samantalang ang Mommy mo naman ay isang teacher sa isang pampublikong paaralan. Noong unang taon ng pagsasama nilang dalawa sa iisang bubong ay masasabi kong sobrang saya nilang dalawa pero, isang araw, nagkatalo ang Mommy at Daddy mo, noong una hindi ko alam kung bakit sila nag-away nang bigla pero naayos naman nila ang problemang iyon at pagkatapos ng away nila, napromote ang Daddy mo sa opisina bilang Attorney.” kwento sa akin ni Lola Marshal habang patuloy din ang pag-ihip ng hangin sa paligid.
“Nasubok ulit ang pagsasama ng iyong mga magulang noong hindi pinapalad ang Mommy mo sa pagdadalang tao, kung mabuntis man siya, dalawang buwan lang nagtatagal sa tiyan niya dahil palagi siyang nakukunan. Sa puntong iyon, naging desperado ang Daddy mo na magkaanak para maturing na silang pamilya pero hindi na ulit nabuntis ang Mommy mo.” dagdag ni Lola Marshal at naramdaman ko naman ang paghawak ng kanyang kamay sa palad ko at tinignan niya ako sa mata.
“Dahil sa kagustuhan ng Daddy mo na magkapamilya, naghanap sila ng batang tutupad sa kagustuhan niyang magkaroon ng anak. At kayo iyon Pula at ng kakambal mo, kayo ang tumupad sa kahilingan ng Daddy mo at nang dumating kayo sa buhay nila, sobrang galak ang Mommy mo noong una niya kayong mahagkan, hanggang ngayon nakikita ko pa din sa ala-ala ko kung paano ngumiti ang Mommy mo habang pinapatulog niya kayong dalawa. Sobrang minahal nila kayong dalawa ng kakambal mo kaya sana kahit malaman mo na hindi sila ang tunay niyong mga magulang, huwag niyo silang iiwan.” kwento ni Lola Marshal sa akin at naramdaman ko na lang ang pagtulo ng luha ko sa mga mata ko kaya’t napaiwas ako ng tingin kay Lola Marshal. Totoo nga ang hinala ko at ang sakit pala na marinig sa iba na totoo nga ang nararamdaman ko, na hindi sila ang magulang ko. Napamunas ako sa aking mga mata at huminga ng malalim at pinilit na pinakalama ang sarili ko at tanggapin ang narinig ko.
“Ano po ang nangyari kay Mommy? Bakit siya namatay? Ang kwento ni Daddy sa amin, namatay daw ang Mommy namin ni Dianne dahil sa panganganak niya sa aming magkapatid.” tanong ko kay Lola Marshal na umiwas ng tingin sa akin, siguro nga may malalang sakit si Mommy noon kaya hindi siya makabuntis at iyon din ang dahilan ng pagkamatay niya.
“Hindi ba’t sinabi ko sayo na, sobrang saya ng mga magulang mo noong dumating kayong kambal sa bahay, iniwan ng Mommy mo ang trabaho niya bilang guro noong inampon nila kayo at ang Daddy mo naman ay nagpatuloy sa pagiging Attorney. Isang gabi, habang sinusubukan kayong patulugin ng Mommy niyo, nagulat na lang kaming mga kasambahay nang makarinig kami ng sigaw at iyak ng bata. Noong una, walang sumubok na silipin kung anong nangyari at iba na ang pakiramdam ko noon na baka may nangyaring masama. Sobrang lakas ng pagbuhos ng ulan noon pero narinig pa rin namin mga kasambahay ang pagsigaw ng Mommy mo, walang gustong makaalam kung anong nangyari pero naglakas loob akong silipin ang kwarto ng Mommy at Daddy mo kung saan namin narinig ang pagsigaw at napagtanto ko na lang na naliligo na sa sariling dugo ang Mommy mo habang hawak-hawak pa din ng Daddy mo ang patalim na bumaon sa tagiliran ng Mommy mo. hindi ako makagalaw noon sa kinakatayuan ko ang tanging gumagana lang sa katawan ko noon ay ang mga mata ko na kitang-kita ang pagluha niyong magkapatid at ang pangiti ng Mommy mo sa inyo ng kapatid mo at ang tenga ko na rinig ang pagtangis niyong mag-iina. Mahirap tanggapin iho, pero iyon ang tunay na nangyari.” mahabang kwento sa akin ni Lola Marshal at napayukom na lang ako ng kamao ko habang hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng luha ko.
BINABASA MO ANG
100's Part II [Trilogy]: 100 Reasons Why You Shouldn't Love Me
Teen FictionPaaralan, sa lugar na yan ako masaya, syempre hindi ko nakikita ang napakastrikto kong Tatay at napakaspoiled na kapatid. At higit sa lahat nandoon ang pinakamamahal kong 4 years girlfriend. Sabi sa school namin bagay kaming dalawa ng girlfriend ko...