Present
"Hoy Rita! Gumising ka na riyan! Tanghali na!" umungol siya ngunit hindi nagawang magmulat ng mga mata, ni gumalaw man lang sa pagkakahiga.
Inaninag ni lola Azon si Margarette mula sa malamlam na ilaw. Nang makitang hindi ito bumangon ay muli itong nagsalita ng malakas.
"Rita, ano ka ba!"Napilitang bumangon si Margarette.
"Eto na ho babangon na..." naghihikab niyang sabi. Nakapikit pa ang mga mata."Aba'y bilisan mo at marami pa tayong trabaho." Muling sabi nito sa mariing tinig at muling isinara ang pinto ng kwarto niya.
Agad hinanap ng mga mata ni Margarette ang orasan. Nasa ibabaw iyon ng bedside table niya. Alas tres y medya ng umaga!
Muli niyang ibinagsak ang katawan sa kama.Ganoon naman talaga ang lola niya, kahit madilim pa'y sasabihing tanghali na. At sa tagal niyang pagtira sa bahay ng matatanda ay hindi pa siya nasanay sa gano'ng gawi ng lola niya. Nagkukulang siya sa tulog. Kahit pa alas otso pa lang ng gabi ay tulog na sila. Marahil dahil na rin sa pagod. Sa umaga ay pumapasok siya sa eskwela. Sa hapon pagkauwi ay deretso sa groserya na pag-aari ng lola niya at magtitinda hanggang alas siyete ng gabi. At kapag wala naman pasok ay magtitinda naman siya sa palengke sa bayan. Grocery items ang paninda ng lola niya kaya maraming bumibili dito. Mula pagkain ng mga bata o matanda, mula sa kakailanganin sa kusina, banyo at sa paglalaba ay kompleto sa paninda ang lola Azon niya.
Naglabas ng marahang paghinga si Margarette at muling pumikit.
Ang lola niyang si Amazon Lim Gonsalez, Madam Azon ang tawag ng karamihan. Singkwenta'y kwatro. Mataba ito. Dambuhala sa madaling salita. Maputi ito at makinis ang balat. Dahil may lahing Chinese. Nasa limang talampakan at dalawang pulgada ang taas.
Sa katandaan, aakalain mong malakas pa ito. Wala ng ginawa kundi linis dito, linis doon. May-ari siya ng grocery store sa kanilang barangay. Katunayan, siya ang kauna-unahang nagtayo ng pamilihan sa kanilang barangay at gumaya na lang ang ibang magtayo na rin ng tindahan.
Para kay Margarette, matapang ang kanyang lola, walang kinatatakutan. Mata pobre at mukhang pera. Lahat ng hindi magandang adjective ay nasa lola na niya. At lahat ng tao ay takot sa kanya. Ni walang makautang.
Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya dahil kung wala ito ay sino ang kukupkop sa kanilang magkakapatid? Malamang ay hindi na rin sila makapag-aaral kung hindi sila dinala ng ina sa matatanda."Rita!" Muling sigaw ng matanda mula sa kusina na umalingawngaw sa kwarto niya.
Napaigtad siya ng bangon. Inihilamos ang mga kamay sa mukha at tinanggal ang morning stars sa mga mata. Inayos ang hinigaan. Hindi gugustuhin ng lola niyang makita ang makalat na kwarto niya at baka sa budega siya patutulugin mamayang gabi.
Isa pa iyon sanikinatutuwa niya sa matanda. Dahil babae ay binigyan pa rin siya ni lola Azon ng sariling kwarto.
Agad siyang nagtungo sa kusina. Nagtimpla ng kape at naupo sa silya.
Si Junior ay nasa tindahan, nag-aayos ng mga paninda. Dahil Martes bukas, magtitinda si Azon sa palengke, kasama si Rolly.
At ang bunsong kapatid ay natutulog sa kwarto ng matatanda. Nasa unang taon sa elementarya na ito.
Apat na taon mula ng mangyari ang pagtataksil ng ina, nagdesisyon si Lisa na umuwi ng Maynila at iwanan sila sa mga magulang ng papa nila."Bakit kailangang umalis ka pa, ma?" natanong niya sa ina bago sila nito dinala sa matatanda.
Nahinto sa pag-iimpake si Lisa at hinarap siya. "Magtatrabaho ako sa ibang bansa, Rita." Naiiritang sabi sa anak.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Pero bakit? Sino ang mag-aalaga sa amin?" Nagulat siya sa biglaang desisyon ng ina. Kung dahil sa hindi na dumadalaw si Nick sa ina o sa ibang dahilan ay hindi niya alam.Ibinagsak ni Lisa ang maleta sa kama. "Ang dami mong tanong!" Puno ng iritasyon sa mukha na hinarap ito. "Pwede ba? Sumunod ka na lang!" Pinal at determinadong sabi nito.
Si Margarette ay walang nagawa sa desisyon ng ina. Mula noon, nanirahan sila sa malaking bahay ng lolo at lola niya.
BINABASA MO ANG
Ikaw Ang Pinili Ko, Ikaw Ang Mahal Ko(COMPLETED)
RomanceNamulat si Margarette sa munting pantasya na balang araw ay magkakaroon din siya ng "prince charming". At nakita niya iyon sa katauhan ni Jordan. Ngunit tila may kulang. At nang matuklasan niya ang panloloko nito ay lahat ng pantasya niya ay biglang...