005

110 47 100
                                    

Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko, parang kanina lamang ay umaapaw ang kasiyahang nadarama ko.

Inilibot ko ang paningin ko sa mga gamit na tila ba itinapon sa labas. Parang may hinahanap. Sinundan ko ang mga gamit hanggang sa pagpasok ko sa munting bahay namin.

Tutok-tutok sa lolo ko ang baril habang pinipilit siya na ibigay at hanapin ang titulo ng aming lupa.

Tila ba kapag hindi pumayag na ipagbili ang lupa, ay sapilitan itong kukunin sa amin.

Ito pala. Ito pala ang paraan kung bakit walang nakakatanggi sa kanila. Kung bakit lahat ng gusto ng mga Abernathy ay nakukuha nila.

Napako ako sa kinatatayuan ko, hindi ko maintindihan ng lubusan ang nangyayari. Gustong gusto ko yakapin ang lola ko na tila ba nahihirapan ng huminga dahil sa nerbyos na isang kalabit lang ng gatilyo ay mawawala na ang pinakamamahal niya sa buhay.

Habol-habol man ang hininga ay nakaluhod pa rin ang lola ko na nagmamakaawa sa lalaking nakatutok ang baril kay lolo.

Matanda na ang lolo at lola ko at bilib ako sa tatag ng pagmamahalan nila kaya hindi maiintindihan ng kahit sino man ang sakit na dinudulot at idudulot ng mga pangyayari.

Pinigilan ko ang sarili ko na lumapit, sapagkat wala akong magagawa kung lalapit ako ay baka sabay-sabay pa kaming patayin.

Anim na lalaki ang nasa loob ng bahay, masyadong marami kumpara sa walang kalaban-laban na mga matatanda. Kinuyom ko ang palad ko habang sinubukang humakbang paatras upang humingi ng tulong.

Nagdidilim na kaya siguradong nasa loob na ng mga bahay ang mga kapit bahay namin na ilang metro pa ang layo dahil sa bukirin.

Tagumpay akong nakaatras ng hindi nila napapansin ngunit sa hindi inaasahan ay may nasagi ang aking paa na nakakuha ng atensyon nila.

Nagkalat nga pala ang mga gamit pati na rin ang mga luma naming mga gasera.

Agad silang tumingin sakin. Lalong nanghina ang lolo at lola ko nang makita ako, sumigaw sila na tumakas na ako upang maligtas.

Inutusan naman ang iba na dakpin ako kaya buong lakas akong tumalikod at tumakbo upang humingi ng tulong.

"Roberto!" sigaw ng aking lola kasabay ng isang malakas na putok ng baril.

Agad akong lumingon, nanlamig ang buong pagkatao ko at nanghina sa nasaksihan ko. Yakap-yakap ng lola ko ang lolo kong puno ng dugo habang pilit na tinatawag na animo naririnig pa siya nito.

Napaluhod ako sa senaryo, sunod sunod na nagdaluyan ang mga luha ko dala ng poot at pagdadalamhati.

Naabutan naman ako ng mga humahabol sa akin ngunit hindi ako makatayo. Gumapang ako palapit sa kanila.

Nakatuon ang mata ko sa kanila habang ginagamit at natitira kong lakas upang lumapit sa kanila. Hindi na mahalaga kung kumukuskos at nagagasgasan ang tuhod ko sa mga bato na nakakalat sa damuhan.

Kailangan kong makalapit sa kanila. Biglang nagdilim ang paningin ko nang hawakan ako magkabilaan ng mga lalaking kanina pa sumusunod sakin, pinipilit nila akong tumayo at pinipigilang lumapit.

Hindi ko mapigilang sumigaw at magwala. Walang kalaban-laban ang lolo at lola ko para ganituhin nila. Nagpupumiglas ako sa dalawang lalaki habang pilit na lumalapit sa natitira kong pamilya.

Hindi, hindi nila pwedeng gawin sa'min 'to.

Agad naman nilang hinila ang lola ko palayo sa lolo ko at ito naman ang tinutukan ng baril, pagkatapos ay lumingon sakin.

Behind The Poles Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon