024

32 2 1
                                    

Inalalayan ako ni Xander na tumayo ngunit nang sinubukan kong iapak ang paa ko ay agad na nanghina ang mga tuhod ko at muntik nang bumagsak kung hindi niya ako nasalo.

Ang tahimik ng paligid, hindi abot sa kuwartong ito ang ingay sa club at tanging mumunting ingay lang na mga nakakatas at makapasok.

Agad na nag-init ang dalawa kong pisngi nang maramdaman ang marahang pag-angat ko mula sa lupa.

Binuhat ako ni Xander na para kaming bagong kasal. Napakapit naman ako sa batok niya upang masuportahan ang bigat ko.

Nagkatitigan naman kami at sa muling pagkakataon ay unti-unti na naman akong nahuhulog sa lalim ng mga mata niya.

Dinala niya ako sa kuwarto namin ni Rianne at saka ibinaba sa maliit kong kama.

Agad kong tinakpan ang mukha ko nang mapagtantong hindi pala ako nakapag-ayos at wala akong kahit anong make-up sa mukha.

Marahan niya namang inalis ang mga kamay ko sa mukha ko, tatakpan ko sana muli ito ngunit hinawakan niya na ang dalawa kong kamay ng mas mahigpit.

Napatingin naman ako sa kamay naming dalawa bago inilipat sa mata niya ang tingin ko na may bahid na pagtatanong at pagkahiya.

"Mas maganda ka 'pag walang make-up, kung ako ang tatanungin ay mas gusto ko ang ganitong ayos mo." seryosong saad niya na nagpadala ng libo-libong elektrisidad na dumadaloy ngayon hanggang sa kaibuturan ng puso ko.

Ito na nga siguro ang tinatawag nilang pagmamahal.

Para akong lumilipad sa pinaghalong kilig at kaba. Para akong hinihila papunta sa kanya ng bawat mga tingin niya.

Napatingin siya sa mga labi ko at dahan-dahang inilapit ang mukha niya sa akin.

Pumikit naman ako nang biglang bumukas ang pinto.

"Meisha, nagkita na ba kayo ng prince charming mo---" Napatigil naman si Amanda nang makita kaming dalawa ni Xander. Akward siyang tumawa bago dahan-dahang naglakad paatras.

"Hehe, sabi ko nga eh nagkita na kayo, sorry, bye!" ani niya bago tuluyang tumakbo paalis.

Agad naman kaming lumayo sa isa't isa bago siya nagpaalam upang makapagpahinga muna ako.

                          🍷🍷🍷

Nagpatuloy naman kami sa araw-araw na ganoon na sitwasyon.
Tulog ako sa umaga, gising naman ako sa hapon para mag-ensayo ng pagsasayaw at gabi para maghanap-buhay.

Iniipon ko lang ang sinesweldo ko at balak kong ibigay kay lola 'pag pinayagan na ako makauwi ng probinsya. Ayon naman kay Xander ay nasa mabuting kalagayan ang lola ko at hindi ako dapat pang mag-alala.

Hindi naman pumapalya si Xander sa pagbisita sa akin at pag-layo sa akin sa mga maaaring makapahamak sa akin.

Sa loob ng club ay kakuwentuhan ko pa rin si Amanda lalo na kapag sumasama siya sa amin ni Xander 'pag wala pa siyang customer.

Sa palagay ko naman ay hindi na masama ang loob sa akin ni Ruby at ng mga kasama niya. Hindi na rin naman kasi nadadalas ang mga bagay na tulad ng ginawa nila dati sa akin.

Sana nga ay maging kaibigan ko rin sila 'pag dating ng panahon.

Minsan na lang nila ako sadyain banga-banggain sa daan ngunit panay pa rin ang pagpapaulan ng masasamang mga tingin.

Lalong sumama ang tingin nila kagabi nang dalhan ako ng bulaklak ni Xander. Palumpon ito ng iba't ibang klase ng bulaklak ngunit wala akong napansin na rosas.

Maaaring nakalimutan niya o hindi ko naikwento sa kanya ang paborito kong bulaklak.

Inamoy ko ang palumpon ng bulaklak na unang beses ko matanggap sapagkat noon naman ay laging walang nagkakagusto sa akin para magbigay ng bulaklak 'pag Valentine's.

Nakangiti ko pa itong niyakap habang  nasasabik na sa pagdating mamaya ni Xander.

Halos mapatalon ako sa gulat nang may bumukas ng pinto. Nabitawan ko ang kanina ko pa tinititigan na bulaklak at saka ibinaling sa mga dumating ang atensyon.

Nakita ko naman si Ruby kasama ang mga kaibigan niya. Nasa dalawang gilid niya sina Clary at Nicole.

Nakasuot na sila ng damit namin at nakaayos na rin.

Agad ko na ring tinapos ang natigil kong pag-aayos at saka ko nilagyan ng  tamang pagkapula ang mga pisngi ko habang hinihintay sila magsalita.

"Ipinapatawag ka ni Madam Mercedes," sabi sa akin ni Clary.

Tumango naman ako bago nagpasalamat sa kanila ngunit tila ba pinapanood nila ang mga galaw ko at hihintayin akong lumabas.

Inayos ko na ang mga gamit ko at saka inilapag ng maayos ang palumpon ng bulaklak ko sa kama.

Maglalakad sana ako papunta sa opisina ni Madam Mercedes ngunit sabi ni Ruby ay wala raw si Madam Mercedes doon.

Nagtataka man ako na hindi si Amanda ang sumundo sakin tulad ng nakagawian ay tinanong ko sila kung saan ako tutungo.

"Sa pangalawang kuwarto na tinutuluyan ng mga kustomer, wala pa namang tao kaya dun ka raw muna maghintay." sagot ni Nicole na may nakakapanibagong ngiti sa kanyang mukha.

Tanggap na kaya nila ako rito? Hindi na siguro sila galit sa akin kahit na hindi ganun katulad nila ang trabaho ko dahil napapagaan ni Xander.

Nginitian ko naman siya pabalik bago nagtungo sa mga kuwarto kung saan umuupa ang mga kustomer.

Medyo malawak at malaki kasi ang lugar na sakop nito. Ang lugar na mismong club kung saan may inuman, pulutan at entablado ang sentro nito.

Sa likod naman ng club ay may mga maliliit na tuluyan para sa mga nagtatrabaho na katulad namin na galing ibang probinsya at hindi alam ang pinasok na trabaho.

Ang huli ay sa pangalawa hanggang pangatlong palapag. Ito ang mga kuwartong inuupahan ng mga kustomer upang personal na kuwarto kasama ang mga kaibigan at mayroon din namang tulad nito.

Mga kuwarto rin na may mga kama. Pinagmasdan ko ang kuwartong ito na kami rin ang naglilinis 'pag walang ginagawa o maaga magising.

Maliit lang ang kuwarto, tulad ito noong kuwarto na una kong napasukan noon at naging saksi ng karahasan ng lugar na ito.

Pare-pareho lamang ang sukat ng mga ito ganun din ang mga gamit na nakalagay. Isang kama habang may maliit na lamesa sa gilid na pinaglalagyan ng lampara.

Matapos kong pagmasdan ang lugar ay babalik na sana ako sapagkat ang tagal dumating ni Madam Mercedes nang marinig ko ang mabigat na pagsarado sa pinto.

Nilingon ko ito at nakita ang isang mamang pulis na nakilala ko bilang regular dito, madalas niya din akong tanungin kung may nauna na sa kanya.

Tinanggal niya ang kamay niya sa pinto bago ngumisi sa akin na siyang ikinalambot ng tuhod ko.

"Sa wakas, nakuha rin kita." mahalay na pahayag niya bago naglakad patungo sakin habang tinatanggal ang butones ng uniporme niya.

Behind The Poles Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon