022

12 0 0
                                    

Mataman kong pinag-aaralan ng reaksyon niya sa tanong ko.

Tuluyang bumagsak ang luha ko ng makita ko ang nanlulumo niyang emosyon.

Inulit ko ang tanong ko.

"A-ayos lang ang lola mo Meisha, mabuti ang kalagayan niya." Iniwas niya ang tingin niya sa akin sa kanyang pagsagot.

Nakahinga ako ng maluwag sa sagot niya, nais ko pa sanang malaman kung bakit ganun ang reaksyon niya ngunit pinili ko na lamang na magtiwala sa sinabi niya.

Pinunasan niya ang luha sa mga mata ko at saka ako niyakap ng mahigpit bago binulong ang mga salitang nais kong marinig, na mabuti ang kalagayan ng lola ko at magiging maayos din ang lahat.

                          🍷🍷🍷

Linggo ngayon ngunit naisip kong bumalik kaagad dito sa club pagkatapos ng pagsisimba imbis na mamasyal sa parke malapit sa simbahan o sa paligid ng lugar.

Lumapit ako kay Rianne upang humingi ng tulong ngunit nagmamadali siya umalis dahil magpapadala raw siya sa pamilya niya, at kakausapin na lamang ako pagbalik niya.

Naalala ko ang naging pag-uusap namin ni Xander noon tungkol sa pananaw sa mga nagpo-pole dancing, mabuti na lamang at hindi gaya ng iba ay hindi masama ang tingin niya rito.

Naalala ko rin ang pag-uusap namin ni Madam Mercedes tungkol dito, ayon sa kanya ay mas maliit ang tyansa na ma i-table ako kung nagsasayaw lamang ako buong gabi.

Hindi naman kasi maaaring pinupuntahan ako ni Xander dito gabi-gabi lalo na kung may kailangan siyang asikasuhin.

Kailangan ay may gawin din ako upang maprotektahan ang aking sarili lalo na kung wala siya.

Hinugot ko ang hininga ko ng nakarating na ako sa labas ng pintuan ni Madam Mercedes.

Hindi tulad ng iba sa amin na nilulubos ang aming day off ay halos dito lamang din namamalagi si Madam Mercedes kahit na linggo.

Kumatok ako ng tatlong beses ngunit wala akong narinig mula sa kanya.

"Madam Mercedes?" sabi ko pa habang paulit-ulit akong kumatok.

Sigurado akong hindi siya umalis dito sapagkat maaga akong nagsimba at bumalik ay hindi ko siya nakitang lumabas.

Sinubukan ko muling kumatok. Nagsimula na akong kabahan ng wala akong narinig na tugon mula sa kanya.

Ipinihit ko ang seradura ng pinto ngunit naka-lock ito.

Tatalikod na sana ako upang umalis kasi baka wala naman siya rito.

Nakailang hakbang pa lang ako pabalik nang may narining akong parang natumba at nasaging mga gamit.

Nagmamadali akong bumalik at kinatok ang pinto saka pilit itong tinutulak upang bumukas.

Nang hindi ko ito mabuksan ay mabilis akong tumakbo upang hiramin ang susi sa Mang Tanyo na medyo malapit sa akin na bouncer.

Nakarating ako sa may pintuan ngunit wala siya roon. Pang-gabi nga pala ang duty niya.

Pilit akong naghahanap ng susi ng lahat ng mga kuwarto sa lamesa sa puwesto nila ngunit wala akong makita.

Babalik na sana ako sa kuwarto ni Madam Mercedes upang gamitan ito ng lakas, mabuti na lamang ay nakita ko ang pabalik na guard tuwing umaga na narito pang-araw. 

May hawak siyang tubig habang nagmamadali ring tinanong sakin kung ano ang nangyari.

"Bakit ka nagmamadali iha?" aniya.

"Puwede po bang mahiram ang susi ng kuwarto ni Madam Mercedes? Kinukutuban po kasi ako ng masama nang marining kong may bumagsak mula sa kuwarto niya," pakiusap ko sa kanya.

Nag-aalinlangan man ay sinamahan niya rin naman ako papunta sa kuwarto ni Madam Mercedes at binuksan ang pintuan niya.

Nagulat ako ng makitang nakahandusay siya sa tabi ng sofa sa kanyang opisina. May hawak siyang gamot at tubig na tila ba hindi na niya kinayang inumin.

Mabilis ko siyang dinaluhan at dinama ang kanyang noo. Nag-aapoy siya sa lagnat.

Nagpatulong ako sa guard na nag-ngangalan pa lang Hayme, upang ihiga si Madam Mercedas. Merong maliit na pinto sa kanyang opisina na naglalaman ng kuwartong may kama at iba pang kagamitan.

Umalis si Mang Hayme upang kumuha ng planggana na may tubig.

Inilibot ko naman ang paningin ko sa paligid upang maghanap ng tuwalya na ipapamunas ko sa kanya nang aksidente kong makita ang mga litrato na nasa loob ng kabinet na binuksan ko.

Litrato ito ng isang napakamagandang babae na may itim na mahabang buhok, nakasuot ito ng baro't saya at mukhang kinunan ito sa probinsya.

Inosente ang mga ngiti niya at walang bahid ng kolorete ang kanyang mukha. Masaya rin ang mga mata niya.

Teka--Madam Mercedes?

Maaari bang maging siya ito? Ngunit itim ang buhok nito at may kulay ang sa kanya. Mahaba at tuwid din ito.

Lumingon ako kay Madam Mercedes na natutulog sa kama niya, bukod sa buhok at kolorete ay masasabi kong siya nga ito.

Tinignan ko ang iba pang mga litrato, ang sumunod na litrato ay litrato niya kasama ang mga taong mukhang mga magulang niya.

Napangiti ako sa napakagandang tanawin ng isang buong pamilya, palibhasa ay hindi ko masyado nakilala ang magulang ko sapagkat bata pa lamang ako ay nawala na sila.

Kaya hindi ko kakayanin kung sakaling may mangyaring masama sa lola ko.

Ibabalik ko na sana ang litrato ng makita ko si Madam Mercedes na nagsasayaw sa pole na ibang iba sa mga naunang litrato.

Hindi ko man alam kung ano ang nangyari sa kanya ngunit sigurado akong nahirapan din siya noon.

Nakabalik na si Mang Hayme kaya naman binasa ko na ang nahanap kong tuwalya at saka ko pinunasan si Madam Mercedes upang bumaba ang lagnat niya.

Walang bahid ng kolorete ang mukha niya ngayon kaya mas malinaw kong nakikita ang mukha niya, maganda at maamo ang mukha niya kung hindi lamang siya kasing sungit ng tigre kapag gising.

Napansin kong may maliit siyang peklat sa mukha na kumukupas na, ngunit ang peklat na mukhang bakas sa leeg niya ay malinaw ko pang nakikita dahil wala itong kolorete, mukhang dala ng matinding pagdiin o pag-sakal na hindi ko rin sigurado.

Inasikaso ko siya buong araw at binantayan siya sa pag-aalalang hindi bumaba ang sakit niya.

Naalimpungatan ako nang may marinig akong kaluskos sa gilid, nakatulog na pala ako sa kuwarto ni Madam Mercedes.

Sinuri ko naman ang kalagayan niya at nakita ko siyang pilit na tumatayo.

Inalalayan ko siyang tumayo, pagkatapos ay inabot sa kanya ang tubig sa tabi ng lampara.

Mukhang maayos na ang kalagayan niya sapagkat nagawa niya na akong sungitan at palabasin sa kuwarto niya.

Tumayo na ako ngunit tumigil sandali upang sambitin ang ipinunta ko rito kanina.

"Susubukan ko na pong magensayo...magtanghal sa entablado."

Behind The Poles Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon