009

67 35 12
                                    

Hindi ko na mabilang ang mga customer na nahatiran ko ng mga alak at kung ano anong utos nila nang tagumpay nilang hindi ako napapansin.

Pangalawang araw ko na ito bilang serbidora ngunit wala pang nakakapansin sa'kin at nambabastos sapagkat maayos at sobrang bilis kong ginagawa ang trabaho ko, nakatungo rin ako sa halos lahat ng pagkakataon upang hindi masilayan na bago lamang ako rito at baka mapag-interesan pa.

Minu-minuto naman akong kinikindatan ni Amanda at nginingitian na parang nag sasabing "Good job!" habang pilit siyang tumatawa sa lahat ng sinasabi ng lalaking nakaakbay sa kanya.

Hindi naman pumapalya si Rianne na tanungin kung kamusta na ang araw ko at kung okay lang ba ako tuwing may pagkakataon sa banyo o sa kwarto.

Umaga kami natutulog at magdamag na gising. Hindi tulad nung unang araw ko rito ay napansin ko kaninang umaga na halos di makatulog si Rianne sa impit na pag-iyak na mabilis niyang tinatakpan ng make up bago ako bumangon.

Sumasayaw na kasi siya sa dancing pole at pagkatapos ay tumatanggap na rin ng magkwakwarto sa kanya na kanyang dapat aliwin.

Pagkatapos ng dalawang buwan ay kailangan ko na rin matutunan kung paano mawalan ng pake at magpanggap na masaya sa tabi ng customer habang hinahayaan siya na dumapo kung saan-saan ang kamay.

Pero hindi pa ngayon, kailangan kong malagpasan ang mga buwan na susunod ng walang nagkakainteres sa'kin, baka sakaling makumbinsi rin si Madam Mercedes na dapat na lang akong maging serbidora habang buhay at hindi nararapat maging tagapag-aliw.

Inilibot ko ang paningin ko habang nasa gilid ako malapit sa kusina at naghihintay ng sisig ni ihahatid ko sa table 5. Tatlong babae ang pinakamababa na bilang sa mga kaakbay ng mga lalaki bawat lamesa. Kabilaang may kaakbay at minsan ay may kandong kandong pa.

Halos matatanda na ang mga pumupunta rito ngunit may mga binata rin kasama ang mga tropa nila. May mga pulis na nagtatabaan na ang mga tiyan sa ka-oorder ng sisig, mga pulitiko at iba't ibang klase ng mga tao sa komunidad. Meron din namang pumupunta lang para mag inom, at tingin ko sila yung mga pinakamadaling pagsilbihan.

Naghatid pa ako ng ilang mga bote ng alak, maraming plato ng sisig bago ako mapahinga ng malalim at napangiti sapagkat nakatapos na naman ako ng isa pang araw na hindi nagkakaron ng trauma mabastos at sipulan.

Naaawa naman akong tinignan ang mga kasabayan ko na tumatakbo at yumayakap sa isa't isa upang ikwento ang pangbabastos na ginawa sa kanila na sa lugar na ito ay hindi iligal at paraan pa ng trabaho namin.

🍷🍷🍷

Bina-brush ko ng blush on ang pisngi ko, habang nakatapat sa salamin. Pang-limang araw ko na rito na wala pang masamang nangyayari. Nagpaturo ako mag-make up kay Rianne at saka nagpumilit kala Ruby, Clary at Amanda na ako na ang mag-make up sa sarili ko.

Ginawa ko na 'tong pagkakataon para hindi ayusin ang make up ko, bukod sa 'di pa talaga ako sanay ay sinasadya kong kapalan ang blush on ko upang imbis na magandahan sa'kin ang mga customer ay hindi nila ako piliin. Pinagtatawanan man ako ng ibang mga kasamahan ko na nakakakita sa'kin pero para sa akin ay okay na 'yun, kesa mapilitan ako makipagtalik sa hindi ko kilala.

Di ko naman mapigilan si Amanda na dumadaan dito upang sunduin ako at sabay kami pumasok sa club.

🍷🍷🍷

"Miss, miss! Ano ba naman 'yang mga waitress dito napakatagal kumilos!" pag-eeskandalo ng matandang lalaki na nakasuot ng barong na tagalog habang itinataas ang kamay niyang pasuray-suray pati na ang lasing na boses niya upang magtawag ng waitress.

Sanay na ako sa mga lasing na customer na kagaya niya ngunit 'di ko pa rin mapigilan ang mataranta.

Nagmamadali kong sinulat ang order ng kasalukuyan kong kaharap na table at saka nagmamadaling tumalikod para magtungo sa boses ng matandang lasing na ilang table lang ang layo.

Napapikit naman ako sa lakas ng pwersa nang may makabanggaan akong lalaki na mas matangkad sa akin.

Nakaramdam ako ng matinding pagkabog sa puso ko bago dahan-dahang itinaas ang mukha ko para masalubong ko ang mata niya.

Mukhang ka-edad ko lamang ang lalaki, natigilan ako upang pagmasdan ang napaka-guwapong mukha niya. Parang bumagal ang paligid, hindi ko marinig ang sinasabi niya.

Natauhan lang ako ng napaatras siya nang makita ako ng maayos, lumaki ang medyo singkit niyang mga mata na parang may nakita siyang multo.

Saka ko naalala ang makapal kong blush on. Napahawak naman ako sa dalawang pisngi ko para takpan ang kahihiyan kong putok na putok na blush on, hiyang hiya ako na napatingin sa kanya na nagpatawa sa kanya ng bahagya.

Hindi ko napansin ang pagka-hulog ng mga listahan ng orders na hawak ko.

Agad kong nahanap ito sa sahig ngunit may dumaan, sinundan ko ito ng tingin ngunit lumipad na ito ng tuluyan. Tumalikod na ako sa lalaking nagpakabog ng dibdib ko upang habulin ang papel.

Habang hinahabol ko ay hindi ko sinasadyang masagi ang lamesa nang mapunta sa ilalim noon ang orders.

"Punyeta!"

Napamura ang matandang nakasuot ng pulis na uniporme ng matapunan siya ng malamig na alak.

Agad akong humingi paulit-ulit ng paumanhin at kinabahan sa ka-haharapin ko.

Tinignan niya ako ng masama at sinigaw-sigawan. Sinabihan niya akong tatanga-tanga at iba't ibang klase ng pangungutya. May mariin din siyang sinabi sa lengguwahe ng Espanyol na hindi ko lubos maintindihan ngunit pakiramdam ko ay hindi magandang mga salita.

Sinulyapan ko siya ng bahagya at nakita madilim niyang mukha, ganun din ang awra ng paligid.

Agad na lumapit ang mga tao sa paligid namin ganun din si Madam Mercedes na madalas ay nasa kuwarto niya.

Nakaluhod na din ako ngayon na nakatungo sa direksyon ng natapunan kong customer habang paulit-ulit na humihingi ng paumanhin.

Tumungo rin si Madam Mercedes bago humingi ng tawad.

"Pasensya na kayo sa nangyari Hepe, bago pa lamang siya rito kaya hindi pa nag-iingat," mapagkumababang saad ni Madam Mercedes.

Nagulat na lamang ako nang may humawak sa pisngi ko ng madiin at itinaas ang ulo ko sa pagkakatungo. Tila ba sinuri niya ang mukha ko bago ngumisi kay Madam Mercedes.

Tinakasan ako ng kulay nang marinig ang sunod na mga sinabi niya upang kalimutan niya ang mga nangyari.

Behind The Poles Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon