023

10 1 0
                                    

"Aray!" daing ko matapos mahulog sa lapag.

Sinusubukan ko nang mag-ensayo. Si Rianne o Scarlette na kailangan ko itawag sa kanya 'pag may ibang tao ang siyang nagtuturo sa'kin.

Lagi akong humahanga tuwing nasayaw sila sa entablado, at mas kahanga-hanga sila lalo na't hindi pala talaga ganun kadali ang ginagawa nila.

Napatunayan ko ito nang ako na mismo ang sumusubok. Hindi rin talaga ako magaling sa mga pisikal na gawain.

Sabi nga ni Tristan dati ay mag-aral na lang ako kasi hindi talaga ako magaling sa kahit anong sports at ginagawa ko lang talaga lahat upang makapasa sa P.E namin.

"Meisha, gusto mo bang magpahinga na muna? Mag-gagabi na kasi at hindi ka pa nakakapagpahinga," maingat na tanong sa'kin ni Rianne.

Nagpapasalamat ako at hindi siya naiinis sa akin kahit na ilang araw na kami rito at patuloy pa rin akong nadudulas, nahuhulog o 'di kaya ay pumapalpak.

Magaling naman siya magturo, nahihirapan lang siguro ang katawan ko sapagkat nais ko mang sumayaw, ay mukhang ayaw naman ng pagsasayaw sa akin.

"Salamat at pasensya ka na sa akin Rianne este Scarlette... Sige mauna ka na susunod na ako." Pinauna ko na si Rianne sapagkat alam kong pagod na siya, at sasayaw pa sila mamaya sa entablado.

Ngumiti naman siya sa akin at sinabihan akong sumunod agad.

Tumayo muli ako at sinubukan hawakan ng marahan ang malamig na poste na gawa sa bakal.

Ilang ulit ako sumubok ngunit patuloy lamang akong bumabagsak. Nakaramdam ako ng hapdi sa may siko kaya napatingin ako rito. Ito nga pala ang naitutukod ko minsan pag nahuhulog ako. 

Hindi pwedeng basta basta na lang ako sumuko. Sa huling pgkakataon ay hinugot ko ang hininga ko habang pilit na isinasama na mahugot din ang  aking lakas.

Pumikit ako at pilit na inaalala ang lahat ng tinuro sa'kin ni Rianne.

Dahan-dahan akong umikot nang naka-angat ang sakong ko sa paligid ng bakal habang hawak-hawak pa rin ng isa kong kamay ang bakal habang ang kabila naman ay malayang lumilipad at sumasabay sa sarili kong musika.

Matapos ang isang ikot ay inabante ko ang aking sarili at itinaas ng may kumpiyansa ang mukha ko patungo sa puwesto kung nasaan ang mga manonood.
 
Ilang sandali pa ay umatras muli ako at inihawak ko na rin ang kabila kong kamay sa poste dahilan upang tumalikod ako sa mga manonood.

Pinadulas ko ang dalawa kong kamay papa-angat ng bakal habang sinubukan kong umindayog papakanan, muli kong inindayog ang aking balakang papakaliwa sa paraan na itinuro ni Rianne.

Marahan, mabagal, mapang-akit.

Inulit ko ang pag-indayog ng balakang habang dahan-dahang bumaliktad ng pwesto sa parehong posisyon.

Bahagya kong iminulat ang mata ko, nasa harap ko na ngayon ang pwesto ng mga manonood habang nakayakap pa rin ako sa bakal na nasa harapan ko.

Iginiling ko ang katawan ko kasabay ng marahang pagsunod ng kamay ko pababa ng poste. Ibinato ko ang kamay ko sa harapan na tila ba iniinat habang dahan-dahan kong ipinaikot ko ang aking mga daliri na tila ba pinapalapit sila sa akin.

Huminga ako ng malalim bago isagawa ang panibagong pormasyon ng pagsasayaw.

Nasa likod ko na ngayon ang bakal, huminga ako ng malalim bago subukan iangat ang sarili ko upang ipitin ng aking hita ang posteng bakal.

Nakahinga ako ng maluwag ng pagkatapos ng lahat ng pagsasanay ay nagawa ko ring mabuhat ang sarili ko.

Nakabaliktad na ako ngayon at onting maling galaw ko lamang ay mahuhulog na ulit ang ulo ko sa sahig.

Habang umiisip ng panibagong galaw ay tila unti-unting dumudulas at bumibitaw ang pagkakapit ng hita ko.

"Ahh!" Nagawa kong hawakan ang ulo ko upang protektahan sa pagkakabagok ngunit katawan ko naman ang humampas sa malamig na lapag.

Dahan-dahan kong itinatayo ang sarili ko ngunit hindi ko magawang tumayo ng tuluyan kaya naman nagpasya akong umupo muna pansamantala.

Pinisil-pisil ko ang hita ko, at napapadaing 'pag nakakaramdam ng hapdi.

"Ay! Papisil ng hita ko!" gulat kong saad habang kahit masakit ay napatalon ako sa pagkakaupo.

Nagitla ako nang may naramdaman akong mga braso na pumulupot sa akin mula sa likod.

"Ayos ka lang ba? G-gusto mong p-pisilin ko ang hita mo?" inosenteng tugon ni Xander na nagpapula naman sa buong mukha ko.

Kinagat ko ang ibaba ng labi ko habang sinubukan siyang hampasin mula sa likod ko.

"Sira! Bakit ka ba biglang nanggugulat-- teka, gabi na ba?" tanong ko sa kanya, saka ko lamang napagtanto na gabi na at hindi pa ko nakakapag-ayos ng sarili.

"Hinanap kasi kita kay Amanda, sabi niya kasama mo raw si Rianne, sabi naman niya nandito ka raw," marahan niyang paliwanag bago isiniksik ang mukha niya sa leeg ko.

Dinama ko naman ang yakap niya at hinawakan ang kamay niyang nakayakap sa akin para yumakap pabalik sa kanya bago ako pumikit at ngumiti.

Ramdam ko ang bilis ng pintig ng puso niya mula sa likuran ko, hindi ko lubos maisip na maaari pala siyang magkagusto sa isang hamak na tulad ko.

"Xander?" ani ko habang hindi pa rin tinatanggal ang yakap namin sa isa't isa.

"Hmm?"

"Mahal kita," pagbubulalas ko sa nararamdaman ko ngayon.

Hindi siya sumagot at niyakap niya lamang ako nang mas mahigpit.

Sapat na sa akin ang naririnig kong malakas na pintig ng puso niya bilang sagot sa mga sinabi ko.

Behind The Poles Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon