If Only She Knew.
Bagsak ang balikat ko habang binabaybay ang daan pauwi. Mabigat ang bawat hakbang, tila ba ang hangin mismo'y sinasabayan ang bigat ng iniisip ko. Ang mga mata ko'y malayo ang tingin at wala sa paligid, kundi sa magulong ulap ng mga tanong na unti-unting sumasakal sa dibdib ko.
Lahat ba ng 'yon totoo? Yung halik... yung sinabi niya? Bakit ngayon pa?
"Bricelle! Ang lola mo, bilis! Dali!" sigaw ni Aling Cecil mula sa loob ng bahay. Parang pinutol ang lahat ng iniisip ko. Mabilis kong inalog ang ulo, at nang marinig ang takot sa boses niya, kumilos na rin ang katawan ko.
Patakbo akong pumasok sa bakuran, at bumungad sa akin ang kumpulan ng mga kapitbahay. Napatigil ako, nanigas ang katawan.
"Anong nangyari?!" sigaw ko. Hindi ako sinagot ni Aling Cecil. Sa halip, hinawakan niya ang braso ko at mabilis akong hinila papasok sa sala.
Pagkarating ko sa loob, halos bumulusok ang puso ko sa nakita. Si Lola ay nakaupo pero nakayuko, nangangatog ang kamay at nakakapit sa dibdib. Palinga-linga siya, habol ang hininga. Namumutla siya.
"Lola!" hiyaw ko habang agad siyang nilapitan. Umupo ako sa harapan niya, hawak ang kamay niya. Nanginginig ako, pati na rin ang buong katawan.
"Anong nangyayari sa 'yo, Lola? Please... sumagot ka..."
Mabilis ang pintig ng puso ko, parang may tambol sa dibdib. Habang tinititigan ko ang mukha ni Lola, dama ko ang sakit at pagod sa bawat hininga niya. Nang unti-unting lumabo ang paningin ko dahil sa luha, mabilis ko itong pinunasan at agad na kinuha ang cellphone sa bag.
Hindi, hindi pwede ito. Kailangan ko ng tulong, ngayon na.
"Hello? Emergency po! Kailangan namin ng ambulansya!" garalgal kong sigaw. Inabot ko ang telepono kay Aling Cecil habang nanginginig ang kamay. Pagharap ko muli kay Lola, nakita kong may luha na rin sa gilid ng kanyang mata. Lola, 'wag naman ngayon...
Niyakap ko ang kamay niya, inilapat iyon sa pisngi ko.
"Lola... lalaban tayo, 'di ba?" bulong ko habang nanginginig ang boses. "Huminga ka nang malalim, sundan mo ako, ha? Inhale... exhale..."
Paulit-ulit kong inusal iyon, kahit ang boses ko'y halos sumabog na sa pag-aalala. Tumutulo ang luha pero pinilit kong ngumiti sa kaniya.
"Makakasama pa tayo, Lola. Marami pa tayong pagsasamahang araw..."
Dumating ang paramedics. Hinayaan ko silang ilipat si Lola sa stretcher, pero nang makita kong halos mabangga siya sa gilid, nanlaki ang mata ko.
"Dahan-dahan naman po! Mag-ingat naman kayo!" sigaw ko. Walang pakialam ang ibang mga tao sa paligid ay nakatingin lang, parang nanonood ng palabas. Hinayaan ko na lang sila. Ang mahalaga, si Lola.
Sumakay ako sa ambulansya. Hindi ko napansin ang mga tanong ni Aling Cecil pero inutusan ko siyang bantayan na lang ang bahay. Hawak-hawak ko ang kamay ni Lola sa loob ng sasakyan habang nilalagyan siya ng oxygen.
Lola, kailangan pa kita. Hindi pa puwede. Huwag ngayon. Huwag mo akong iiwan...
Pagdating sa ospital, halos mapunit ang boses ko sa sigaw.
"Lola, stay with me... please!"
Isang doktor ang lumabas. Tumayo ako sa harap niya at hinablot ang manggas ng kaniyang puting coat. Nakita ko lang na nag-utos siya sa mga nurse. Sinundan ko si Lola hanggang ER, pero pinigilan ako sa pinto. Pilit akong pumapasok.
"Ma'am, hindi po puwedeng pumasok."
Pinanlakihan ko siya ng mata. "Kapag may nangyari sa lola ko... kayo ang malalagot."
BINABASA MO ANG
High School Popular
Teen FictionShe's not rich. She's not famous. And she doesn't even know the truth about herself. At Crystal Light International School, being popular isn't just a title, it's a lifestyle built on money, talent, and the number of likes on your latest post. It's...
