[ COACH ] Ken
[ SONG | ARTIST ] Underneath The Tree | Kelly Clarkson
[ WATTPAD WORD COUNT ] 838 wordsSa paglayo mo, kapakanan namin ang iniisip mo. Ako ma'y naghuhurumintado, pilit na pinipigilan ang paglisan mo.
Munting luha, dumaloy sa aking mukha. Baka hindi ka na namin makita, kapag kami'y iniwan mo na.
Naisin ko man na nandito ka lagi sa aming tabi, ayaw mo naman kaming mamulubi.Alam namin na masakit na iwanan mo kami, kaya kinikimkim mo na lang ito sa iyong sarili.
Niyakap kita ng mahigpit, na tila ba ako'y nag-aalumpihit. Sa mukha mo'y gumuguhit, kalungkutan na unti-unting sumasapit.
"Anak, ang nanay ay sasabak. Sa ibang landas ako'y tatahak, upang makaahon tayo sa pagkalagapak." Pahayag niya habang kaharap ko siya.
Ang aking ama ay sumakabilang-buhay na. Siya, si Nene at ako na lang ang natitira. Kay Lolo't lola kami'y ipagkakatiwala niya, maisakatuparan lang ang pangarap na nais niya sa aming pamilya.
"Nanay, hindi mo kailangang maglakbay, sa ibang lugar ay kakayod para guminhawa ang ating buhay. Kami'y tiyak na malulumbay, lalo pa't sa ami'y wala ng sasalabay." Sambit ko habang nginangat-ngat ang aking kuko.
Si Nena ay bata pa. Isang taong gulang pa lang siya. Halos isa pa siya tabularasa, kaya walang pasakit na tinatamasa.
Hindi tulad ko, ang edad ko'y walo. Masasabi kong matigas ang aking ulo, pero ayokong mawalay sa nanay ko.
"Maiintindihan mo rin ako, kapag takdang panaho'y narating mo. Ngayon palang ay pinagsisisihan ko, ang pag-iwan sa inyo. Ito lang ang paraang naisip ko, para guminhawa ang buhay niyo." Paliwanag niya habang dumadaloy ang mga luha mula sa mata niya pababa sa kaniyang mukha.
Alam kong ako'y bata pa, hindi naiintindihan ang lahat ng sinasabi niya. Nauunawaan ko naman siya, pero hindi ko talaga kayang mawala siya.
"Ako'y lilisan na, magpakabait ka. Huwag bigyan ng konsumisyon ang lolo't lola, maging mabuting kapatid kay Nena." Turan niya. Kasabay nito ang pagyakap niya ng mahigpit sa amin ni Nena.
"Nanay ko!" Sigaw ko ng kami'y talikdan niya. Pinilit ko man siyang habulin, pero hinigpitan ni Lolo ang paghawak sa akin.
Wala akong ibang ginawa kung hindi ang magsumamo, halos i-untog ko na sa pader ang aking ulo. Ni kumain ay ayaw ko, sapagkat si nanay lang ang nais ko.
"Junno, kumain ka apo. Pagkai'y kailangan ng katawan mo, upang lumusog ang iyong mga buto." Bungad ni Lola habang ako'y nagmumukmok sa may sopa.
"Hihintayin ko ang pagbabalik mo, sisiguraduhin kong ipagmamalaki mo ako. Hindi ko sasayangin ang ipupundar mo, maitaguyod lang ang pamilyang ito." Bulong ko sa hangin.
Simula nung umalis siya, pinilit kong tumayo sa sarili kong mga paa. Nagpakatatag para hindi kutyain ng iba, walang inuurungang problema.
Makalipas ang limang taon, hindi pa rin siya nabibigyan ng pagkakataon. Pag-ibig namin sa kaniya'y hindi maglalaon, sa isip at puso namin ito'y nakabaon.
Heto, pasapit na naman ang Pasko. Hindi ko naman hinangad na makatanggap ng regalo, makapiling lang namin siya'y daig pa namin ang nanalo sa lotto.
Malamig ang simoy ng hangin, siya lang ang nais kong yakapin. Hiling ko sana'y dinggin, ngayong Pasko siya'y makapiling namin.
Mga batang nagsisiawitan, hindi mo mapigilan. Sa mga bahay-bahay nagbibigay kasiyahan, kalungkuta'y tinatalikdan.
Mga parol sa bawat bahay ay nakasabit, bumbilyang makukulay ay pumipilandit. Mga tao sa isa't isa'y may malasakit, kaya tuluyang nataboy ang inggit.
"Ate, babalik pa ba si nanay?" Tanong ng aking kapatid.
"Hindi ko alam Nena, miss ko na rin siya." Tugon ko sa kaniya.
Makapiling ka, kahilinga'y matupad sana. Ngunit, gumimbal sa ami'y iba, ikaw daw ay sumalangit na.
Hindi ako naniniwala, hangga't hindi nasisilayan ang kaniyang mukha. Buhay pa siya, sapagkat ipinangako niyang babalik siya.
Walang tigil sa pag-iyak ang aking kapatid. Ako man ay halos maumid. Nakatingin lamang ako sa himpapawid, hanggang sa aking mapagtanto ang aming nabatid.
Ang sakit, sa kalungkutan ako'y umaawit. Ang aking dila ay halos lumawit, sa sinapit ng aking inang kay pait.
Mas lalong gumuho ang aking mundo, nang bangkay niya'y tumambad sa harapan ko. Halos mamulagat ang mga mata ko, sigaw ng puso ko'y pagsusumamo.
Nais ko siyang yakapin, pagmamahal niya sa ami'y damhin. Siya lang ang nais kong kabigin, oras na narito siya'y susulitin.
Sa kabaong siya'y nakaratay, mga bulaklak sa paligid sa kaniya nakahimaymay. Maraming tao sa paligid ang nakasubaybay, pagdadalamhati ko'y kanilang hinihintay.
Sa pagsapit ng Pasko, kahilingan ko'y tinupad mo. Ngunit kalakip nito'y pagsusumamo, sapagkat wala na siyang buhay ngayon sa harapan ko.
Hindi ko maintindihan! Ano ba ang aking pagkukulang? Para parusahan ako ng ganiyan? Ginawa ko naman ang kailangan. Ngunit tadhana sa aki'y walang pakundangan.
Sa paglapit ko sa kinalulugdan niya, halos lahat ng tao'y nakikisimpatiya. Pinipigilan kong huwag maluha, dahil ayaw kong maging kahiya-hiya.
Hindi ko pa rin talaga matanggap, siya pa rin ang aking hinahanap-hanap.Ngayon, para akong matutuklap, hanggang pakiramdam ko ay ako'y nasa alapaap.
Nawalan pala ako kanina ng ulirat, at marami na rin ngayong nagsipagsibat. Pakikiramay sa ami'y hindi sapat, pero ang tangi ko lang na nasasabi ay salamat.
Akala ko, sa pagbabalik mo, magiging masaya na ulit tayo. Ipapadama ang wagas na pagmamahal mo, pero mali pala ako.
Kaligayahan ay nais kong kalugdan, kahit na matindi ang aming pinagdaraanan. Poot at kapighatian ay tatalikdan, at matatag na haharapin ang katotohanan.
Kabiguan at pasakit ang idinulot sa akin ngayon ng Pasko. Makasama siya ay hindi namin natamo. Nawa'y masaya na siya sa kabilang mundo, kapiling ang Ama at si Hesu-Kristo.