[ COACH ] Ken
[ SONG | ARTIST ] Underneath The Tree | Kelly Clarkson
[ WATTPAD WORD COUNT ] 678 wordsNakatingala ka sa mga kaulapan at pinagmamasdan ang mga lumilipad na ibon sa papawirin. Napapansin mo rin na kanina pa tila sumasayaw sa hangin ang mga dahong nalalagas mula sa mga puno. Parang isang paraiso na puno ng mga halaman at puno sa paligid na may malinis na hangin na masarap damhin. Bigla ay may naamoy kang mabangong nagpapakiliti sa iyong ilong. Binaba mo ang paningin mo at nakita ang mga umuusbong na iba't ibang kulay ng mga bulaklak sa paligid. Ngunit nagtaka ka nang bigla silang nagsipilahan at pinaikutan ka pataas na parang gusto ka nilang sumayaw. Natuwa ka at masayang nakipaglaro at nakisayaw sa kanila. Hanggang sa mapagod ka at tumigil. Ngunit bigla silang umalis na ipinagtaka mo. Naglaho sila sa paningin mo kaya naisipan mong sundan sila sa pamamagitan ng kanilang amoy.
Hanggang sa mapadpad ka sa tila isa pang paraiso na puno ng magagandang tanawin. May talon, isang malinis na ilog na pwedeng mong pagkuhanan ng inumin sa sobrang linaw at linis. Lumapit ka dito at naisipan mong paglaruan ang mukha mong nag-iiba ang hugis na nagre-reflect sa tubig. Pati na rin sa mga isdang lumalangoy doon ay 'di mo pinalagpas. Inilublob mo ang ulo mo sa tubig at pinanuod silang lumalangoy sa ilalim. Napatigil ka lang nang may naramdamang lumapit sa iyo. Umahon ka at tinignan kung ano yun. Mga baka, kambing at iba pang hayop na nakikiinom sa tabi ng ilog. Naisipan mong lumayo upang ipaubaya naman sa kanila ang magandang ilog. Tumalikod ka at nakita mo naman ang elepante sa harap mo. Natakot ka at napaatras ngunit bigla iyon naglaho nang kausapin ka niya nang mahinhin at w-in-elcome ka sa kanilang tirahan. Natuwa ka dahil noon mo lang naranasan na kausapin ng isang hayop. Napansin mo ring pinagmamasdan ka pa ng iba pang mga hayop at iwine-welcome ka rin.
"Maligayang pasko sa ating lahat!" bigla mong isinigaw sa hangin sa sobrang kasiyahan. Lahat ay nagbunyi at nagalak sa pagdating mo sa kanilang buhay. Gayon din ikaw.
Naging masaya ka sa piling ng kalikasan at sa mga nabubuhay sa paraiso tulad ng mga hayop. Inalagaan mo sila at nakisama sa takbo ng kanilang buhay. Ngunit nakaramdam ka ng pagkukulang.
Napagtanto mong iyon ay ang pamilya mo, ang mga mahal mo sa buhay at ang mga kaibigan mo.
Hinanap mo sila sa kung saan-saang lugar pero wala kang natagpuan , ni anino nila.
Napaluha ka. Hindi pa pala ito sapat kung wala sa tabi mo ang mga mahal mo sa buhay na kayang magbigay ng panghabambuhay na kasiyahan sa iyo.
Hanggang sa biglang naglaho ang iyong kalungkutan nang may makita ka sa 'di kalayuan na isang pigura. Ang isa ay naging dalawa, tatlo. At padami pa.
Unti-unting nagliwanag sa iyo ang mga mukha nila. Ang mga nakangiti mong lolo't lola, mama't papa, si kuya at si ate, ang bunso sa inyong magkakapatid, ang mga kaibigan mo, ang mga kaklase mo at marami pang iba. Magkakahawak kamay silang naglalakad palapit sa iyo kasama ang kurbang ngiti sa mga labi.
Lumiwanag ang mukha mo at binuka mo ang mga braso mo upang salubungin sila ng matamis na yakap.
Dahil ito ang pangarap mo. Ang magkasama sila sa isang paraiso. Isa malaking regalong hinding-hindi matutumbasan ng kahit na anong klaseng materyal na bagay.
Ngunit naglaho ang sigla sa iyong mukha nang unti-unti silang lumabo sa iyong paningin mo.
At ang nakikita mo ngayon sa iyong harapan ang madaming alikabok na dulot ng mga nagbagsakang mga poste ng ilaw sa mga kabahayan. Ang kaninang puro mga damo ay tila ngayon ay isa nang mga putik. Ang tila buhay na buhay noon na bayan na ngayon ay abo na, na kumakalat sa hangin.
Hindi ka makapaniwala. Dahil ang mga nakikita mo ay isang delubyo, hindi isang paraiso na pinapangarap mo ngayong pasko. Isa itong bangungot. At nakikita mo sa paligid mo ang mga taong nag-iiyakan habang yakap ang mga katawan na wala ng buhay.
Ang pamilya mo at mga kaibigan mo na biglang naglaho na nang tuluyan.
Ngayong pasko ay hindi na isang pagdiriwang at pagtupad ng mga pangarap. Para sa iyo, ang paskong ito ay magiging puno ng pangungulilang dadalhin mo panghabambuhay.