Tawag... by assirc

151 12 11
                                    

[ COACH ] Mick

[ SONG | ARTIST ] Christmas Song | Owl City

[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,226 words

Tawag...

Tumigil ako sa paglalakad at pinagmasdan muna ang paligid. Tulad nang dati, madilim pa rin ang nakikita ko. Walang nagbago, walang naiba kahit ang tagal nang huli akong pumunta rito.

Umihip ang malamig na hangin kaya napayakap ako sa sarili. Malamig ang paligid, madilim at tahimik pero hindi ako makaramdam ng takot. Yumuko ako para tingnan ang dinadaanan ko. Tulad din nang dati, hindi ko makita ang daan. Alam kong wala akong sapin sa paa pero hindi ko ramdam ang lamig sa talampakan ko, tangi ang lamig lang ng paligid ang nararamdaman ko.

Napa-isip tuloy ako kung anong araw ngayon at bakit ganito kalamig. Ah, malapit na nga pala ang Pasko. Bumuntong hininga muna ako bago naglakad ulit. Kahit hindi ko makita ang daan ay alam ko kung saan dapat pumunta. Sigurado ako, nandoon na siya. Lagi kasi siyang nauuna dumating sa akin.

Tama nga ako, ilang minuto lang ay nakita ko na ulit siya. Nakaupo siya sa isang pahabang upuang gawa sa kahoy na pangdalawahan. Tumingala ako para tingnan kung saan nanggagaling ang ilaw na tanging siya lang ang iniilawan pero wala akong nakita.

Nang ibaba ko ulit ang tingin ko sa kanya'y nakita ko siyang nakangiti at nakalahad ang kamay. Inabot ko ito at mabilis na gumapang ang init na galing sa mga palad niya papunta sa kamay ko. Sa wakas, may mainit na bagay ulit akong naramdaman.

"Kanina ka pa? Bakit ang aga mo?" Naalala ko noong una kaming nagkita. Ganito rin ang mga eksena. Bigla na lang akong napunta sa madilim na lugar na ito. Lakad lang ako nang lakad. Naghahanap ng liwanag at sa hindi ko alam na dahilan, nakita ko siya. Naglalakad palapit sa akin at tulad ngayon, may ilaw na tila siya lang ang nagmamay-ari. Nakakatuwa pa nga dahil hindi ako natakot sa kanya, sa halip, sa bawat ngiti at haplos niya'y natatabunan ang takot na naramdaman ko bago ko siya makita.

"Hindi naman ako umalis. Lagi lang akong nandito," nakangiting sabi niya.

Tiningnan ko siya at ngumiti rin ako. "Hindi ka ba galit sa akin?" tanong ko sa kanya. Umiling lang siya sa tanong ko at lalo pang ngumiti.

"Bakit? Ang dalang lang kitang puntahan, naalala lang kita kapag may problema ako, bakit hindi ka galit sa akin?" natatakang tanong ko.

"Ano ba ang dahilan kung bakit nandito ka ngayon?" mahinahong tanong niya. Rinig mo sa boses niya ang pag-aalala.

Dalawa lang ang rason kapag narito ako. Una, kapag may problema ako. Pangalawa, kapag malapit na ang Pasko. Pero sa gabing ito, 'yung dalawang rason na iyon ang dahilan ko kung bakit ako nandito.

"Mahal mo ba ako?" hindi ko mapigilang itanong sa kanya. Hindi ko na kasi maramdamang may nagmamahal pa sa akin.

"Sobra. Higit pa sa salitang 'yon ang nararamdaman ko para sa'yo." Tingnan ko siyang muli at nakita ang sinasabi niyang pagmamahal sa mga mata niya.

"Malamig, pwede ba kitang yakapin?" Ibinuka lang niya ang kanyang mga bisig bilang sagot sa tanong ko. Lumapit ako sa kanya at yumakap. Ninamnam ang init na hatid ng bawat yakap niya sa akin.

"Walang tao sa bahay. Wala na naman sina Mama. Bukas ang Pasko pero wala pa rin akong kasama. Nakalimutan na nila ako dahil masaya na sila kung nasaan sila ngayon. Para ang mga tao lang tuwing Pasko. Ang alam lang nila ay masaya ang araw na 'yon. Nabibigayan at tumatanggap ng regalo. Kumakain kung saan-saan. Nagbabatian. Kinalimutan na nila kung para saan at kung para kanino ba talaga ang Pasko."

Naramdaman ko ang higpit ng yakap niya. Nawala na ang lamig na dulot ng panahon.

"Kalimutan ka man nila. Kalimutan man nila kung anong kahulugan ng isang bagay na mahalaga sa'yo. Mahal mo pa rin sila. 'Yun lang ang mahalaga para maging masaya."

Pumikit ako at para bang hinehele ako ng yakap niya kaya parang hinihila ako ng antok.

***

Nang imulat ko muli ang mga mata ko'y bumungad na sa akin ang kwarto ko. Wala na siya. Luminga ako at tumingin sa larawan niya sa gilid ng kama ko.

"Dadalaw ako mamaya." Nginitian ko siya bago ako umalis sa kama at nag-ayos. Tiningnan ko ang orasan at nakita kong malapit nang magsimula ang misa.

Pagbaba ko mula sa kwarto ko'y dumaretso ako sa kusina para uminom ng tubig. Natigilan ako nang makita ko si Mama na naghahanda ng pagkain sa mesa. Bakit nandito siya? Ang akala ko'y doon siya magpapasko sa asawa niya sa Cavite.

"Ano pong ginagawa mo dito, Ma?" Umangat ang tingin niya sa akin at ngumiti. Dito ba siya magpapasko? Umusbong ang tuwa sa dibdib ko. Sa wakas, may makakasama na ulit ako sa pasko.

"Ah, may dinaanan lang ako malapit dito. Pinapabili ng Tito Ismael mo para mamaya." Unti-unting namatay ang pag-asang umusbong kanina. Ang ngiting gumuhit na sa mukha ko'y unti-unti ring nawala. Gusto kong umiyak, manumbat at magwala pero naalala ko ulit siya na laging naghihintay sa akin. Kumpara sa sitwasyon ko'y walang wala iyong sa kanya.

May ibang pamilya si Mama at si Papa at parehong pamilya nila ang hindi alam na nabubuhay ako sa mundo. Hindi naman sila nagkulang kung sa usaping pera lang naman. Sagana ako roon, nakukuha ang bawat gusto ko. Pero hindi lang naman pera ang pamuna sa lahat ng pagkukulang, hindi ba?

Ngumiti na lang ako sa kanya at tumango. Kahit papaano'y dapat akong magpasalamat dahil hindi niya ako tuluyang kinalimutan. May dala siyang pagkain at inayos niya pa. Bago siya umalis ay binigyan niya pa ako ng pera.

Sinigurado ko munang nakandado ang pinto ng bahay bago naglakad papuntang simbahan. Sa daan ay nakita ko ang iba't ibang desenyo para sa pasko. May mga nagkikislapang mga parol at ilaw. Mga batang nakasuot ng pulang sumbrero na tatsulok. May mga taong kanya-kanya nang bitbit ng mga regalo. Ramdam talaga rito ang darating na okasyon. Isang masayang okasyon.

Nakita ko rin ang iba't ibang klase ng mga tao. Karamihan sa kanila ay masaya. Pinagmasdan ko sila, pinakinggan ang mga kwentuhan. Marami sa kanila ang masaya, dahil makakatanggap sila ng regalo. Ang iba'y dahil makakasama nila ang pamilya nila. Ang iba'y nagkabonus sa trabaho. Ang iba'y masaya dahil panahon nang bigayan. Napailing ako. Limot na ba talaga nila kung bakit dapat magsaya tuwing Pasko?

Sa harap ng simbahan ay may nakita akong mag-inang nag-uusap. Ang bibo ng bata, ang dami niyang tanong sa kanyang ina pero isa lang ang nagpangiti sa akin. Tanong na kanina ko pa gustong itanong sa iba. Ano bang meron tuwing Pasko?

Pumasok na ako sa simbahan at naghanap ng malulugaran. Maraming dumalo sa panghuling misa bago magpasko. Nang matapos ang misa ay hindi muna ako umalis, wala rin naman akong makakasama sa bahay.

Biglang umihip ang hangin, pero hindi tulad nang nasa panaginip ko, hindi ito malamig. Sa halip, kasing init ito ng yakap niya. Hindi ko mapigilang ngumiti at tumingin sa harapan. Nakita ko siya sa lugar niya. Hindi man nakangiti'y alam kong masaya siya.

"Nandito na ako. Dinadalaw ka rito. Handa na akong paglingkuran ka. Patawarin mo ako at ngayon lang ako nakapagdesisyon ng ganito. Ito na ang regalo ko Sa 'yo. Maligayang kaarawan."

Biglang may umupo sa tabi ko. Si Sister Dolore, ang isa sa iilang taong nakakausap ko kapag may problema ako.

"Handa ka na ba, Lala?" tanong nito sa akin.

Tumango ako sa rito at muling ko Siyang tiningnan. Alam ko kung bakit Niya ako laging dinadalaw sa panaginip tuwing may problema ako. Tinatawag Niya ako para maglingkod. Para maging isa sa mga tagapaglingkod niya.

"Kailan ang pasok mo sa kumbento?" tanong ulit ni Sister.

"Sa susunod na taon po."

Liriko 2: AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon