[ COACH ] Ken
[ SONG | ARTIST ] Underneath The Tree | Kelly Clarkson
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,460 words
"Sumali ka na." Bungad sa'kin ni Joshua na ngayo'y nakangiti at nakatutok sa'kin.
Hindi ako kumibo. Ayoko ring magsalita o sumagot manlang sa gusto niyang mangyari. Hindi ako gano'n katanga para sumali sa isang patimpalak na hindi ko naman kakayanin.
"Sayang din 'yung cash prize oh. Ikaw din. 'Diba may paggagamitan ka ng pera?" Walang humpay na pangungulit sa'kin ng bestfriend ko.
Kinabukasa'y nagpahayag ng announcement ang Classroom President namin. Magkakaroon daw ng pagkakataon na mailimbag sa isang stone tablet ang mga pangalan na gustong ipalagay ng nanalo sa contest. Maisasali raw ito sa first batch ng mga pangalan na mailalagay sa mass grave ng mga namayapa noong kasagsagan ng bagyong Yolanda.
Nang matapos kong marinig ang lahat ng inanunsyo niya'y bigla akong nabuhayan ng lakas, na para bang bigla na lang akong nangating sumali sa patimapalak na 'to. Napakarami rin kasi naming kaklase ang namayapa dahilan sa bagyong nagdaan noon, kaya't gusto ko rin sanang mabigyan ng pagkakataon ang mga pangalan nila na maisali sa nasabing stone tablet.
Tumayo ako't naglakad papunta sa harapan ng classroom, nagbabalak na tanungin ang class president kung anu-ano ang mga requirements na kakailanganin para makasali sa nasabing contest.
"Uh, excuse me. Ms. President." Pagtatawag ko sa atensyon ni Hazel na ngayo'y inililista ang mga pangalan ng mga sasali.
"May, sasali ka?" Agarang tanong sa'kin ni Hazel na ikinabigla ko.
Gusto kong sumali. Pero ngayong nagtanong siya at narinig ko ang mga salitang 'yon ay para bang gusto ko nang umayaw ulit. Hindi ako sigurado. Hindi naman ako mahilig sumali sa mga patimpalak. Natatakot akong matalo. Natatakot akong mawalan ng mga bagay na importante para sa'kin.
At sa mga panahong 'to, kung kailan naguguluhan ako'y para bang bigla na lang nabasa ni Hazel ang mga iniisip ko. "It's okay. H'wag kang matakot. 'Yun nga lang, hindi ito isang individual competition. Kakailanganin ng apat na miyembro sa isang grupo. Kaya... kung saka-sakaling makahanap ka na ng kagrupo'y puntahan niyo na lang ako." Mahinahong pagpapaliwanag niya.
Tatlo pa. Tatlong tao pa ang kailan ko para sa competition. Ang totoo, wala akong ibang kaibigan dito. Isa lang. Si Joshua, ang bestfriend ko. Pero malabo siyang sumali. Sigurado akong kahit na anong pilit ko sa kanya'y hindi 'yon makukumbinsi. Siguro nga'y kailangan kong maghanap ng makakagrupo ko rito. Pero hindi ako sigurado. Nahihiya ako. Kinakabahan akong makisalamuha sa iba.
Matapos ang klase nami'y hinanap ko kaagad si Joshua. Hindi kasi siya pumasok sa huling klase namin na ipinagtaka ko. Hindi siya 'yung tipo ng lalaki na mahilig magcutting-class. Hindi rin siya 'yung tipo ng estudyante na nagpapabaya sa pag-aaral.
Ang tagal kong naghanap. Ilang classroom at estudyante na rin ang napuntahan at napagtanungan ko, ngunit ang tanging sinasabi lang nila'y itigil ko na raw 'to, na naaawa na raw sila sa'kin. Pero hindi ko sila kinikibo dahil hindi ko naman sila maintindihan.
Hangga't sa maalala kong paborito niya pa lang tambayan ang rooftop ng Main Building ng school. Kaya't doon ako sunod na naghanap, at hindi naman ako nabigo. Naroon siya't nakatingala sa kulay-dalandang langit. Siguro nga'y malalim na naman ang mga iniisip niya kaya't ginusto niya lang munang mapag-isa sa mga oras na ito.
"Hoy, madramang bestfriend. Bakit hindi ka pumasok kanina?" Napatalon siya nang bahagya nang magsalita ako.
"May naman. Papatayin mo ako sa takot eh." Inis niyang tugon habang sinusuntok-suntok ng dahan-dahan ang dibdib niya. "Tsaka hindi ako nagdradrama, may iniisip lang ako."