[ COACH ] Hope
[ SONG | ARTIST ] Winter Wonderland | Pentatonix
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,456 wordsPurong lamig ang tangi niyang nararamdaman. Sa bawat paghaplos, sa bawat pagdampi at sa bawat pag – indayog ay unti – unting hinihigop ang kanyang natitirang lakas kasabay ng pagnipis ng kinakapitan niyang pag – asa.
Wala nang pag –asa.
Hindi, mayroon pa, bulong niya. Pumikit siya at inalala ang mukha ng babaeng may malalim na mga mata, manipis na labi at umaalon na buhok na umaagos hanggang sa matutulis at prominente nitong balikat. Ang babaeng naging lakas niya ngunit siya ring naging kanyang malaking kasawian.
Nang umalis ang halimaw na nakadagan sa kanyang likuran, agad niyang binagsak ang kanyang katawan sa mamasa – masang sahig ng seldang kanyang kinapipiitan. Narinig niya ang pagsarado ng pinto. Naging tahimik ang paligid ngunit nag – iingay ang kanyang kalooban.
Gusto niyang sumigaw ngunit wala ni isang tinig ang kayang lumabas sa kanyang bibig. Gusto niyang lumaban ngunit pagsuko lang ang kayang gawin sa impyernong nakasanayan na niya simula nang mangyari ang malagim na insidente isang taon na ang nakaraan.
“Ang hiling ko, sana umulan ng niyebe sa araw ng Pasko, sa araw ng kasal natin.”
Dahan – dahang nagkaroon ng linya ang namamawis na noo ni Erick dahil sa paglaki ng kanyang mga mata. Naririnig na naman niya ang boses na matagal na niyang binabaon sa dulo ng kanyang utak. Bumabalik. Nagpapaalala.
Agad niyang tinakpan gamit ang dalawang kamay ang kanyang mga tainga.
“Maniwala ka sa milagro, Erick.”
“TAMA NA!” sigaw niya na umalingawngaw sa apat na sulok ng kanyang kulungan. Hirap man siya dahil sa sakit sa kanyang pwetan ay unti – unti niya pa ring inangat ang kanyang mga paa patungo sa kanyang dibdib at niyakap ito. Walang makapitan sa dilim, walang mahanap na liwanag, muling iniyak ni Erick ang kanyang pangungulila at pagdadalamhati. “TAMA NA, ELIZA!”
“Tama na, Erick!”
Tulad ng kanyang nakasanayan magmula nang siya’y makulong, sumuko siya sa boses ng nakaraan, kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata.
“Ang hiling ko, sana umulan ng niyebe sa araw ng Pasko, sa araw ng kasal natin.”
Humarap si Eliza sa kanyang kasintahang si Erick na may ngiti sa labi ngunit agad din ‘yung napawi nang makita nito ang reaksyon ng huli. “Ba’t parang hindi ka yata naniniwala?” may bahid na pagtatampo sa kanyang tono.
Ngumiti si Erick. Ang sarap talagang tuksuhin ng kanyang kasintahan. “Hindi naman sa hindi ako naniniwala. Imposible lang na umulan ng niyebe sa Pilipinas at saka…”
“At?”
“Imposibleng magkaroon tayo ng kasal. Wala tayong pera.” Ibinaba ni Erick ang kanyang mukha dahil hindi niya maaatim na masilayan ang malungkot na mukha ng kanyang mahal.
Napapikit siya nang masuyong hawakan ni Eliza ang kanyang baba at unti – unting iangat ang kanyang mukha. Pagkamulat niya ng kanyang mata, isang nakangiting Eliza ang kanyang nasilayan. Ang ngiting nagpahulog sa kanyang puso. Ang ngiting naging simbolo ng kanyang pag – asa sa bawat sandali ng kanyang buhay.
“Maniwala ka sa milagro, Erick.”
Napabalik si Erick sa kasalukuyan nang may marinig siyang malakas na hampas.
“Oy, oy. Bumalik ka sa higaan mo.” pagsisita sa kanya ng gwardiya.
Pinilit niyang iangat ang kanyang katawan ngunit dahil sa mga pasa at sugat, idagdag mo pa ang sakit na pumipintig sa kanyang pwetan ay wala siyang nagawa kundi bumagsak ulit.