[ COACH ] Mick
[ SONG | ARTIST ] Christmas Song | Owl City
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,434 words
"PAKAWALAN MO NA SILA! BITAWAN MO NA SILA!"
Tinitingnan ko ang mga kuha kong litrato nang marinig ko ang sigawan nina Tito at Lola. Lumabas agad ako ng aking kwarto, nag-aalala ako sa maaring mangyari kay Lola. Mahina na siya, bakit nagagawa pa siyang sigawan at awayin ni Tito?
"Wala akong ginagawa sa'yo! Sa inyo! Gusto ko lang maging maayos ang pamilya na 'to bago ako mawala!" umiiyak si Lola at markado ng mga ugat ang kanyang leeg. Ganoon din si Tito ngunit hindi ko siya magawang tingnan, nakaramdam ako ng pagkainis sa kanya.
"Pero hindi mo na sila kailangan kontrolin, lalung lalo na ang mga buhay nila! May sarili na kaming mga pamilya! Huwag mo na kaming pakialaman! Hindi ka namin kaila-"
Bago pa matuloy ang sasabihin ni Tito, nagpakawala na ng isang malutong na sampal si Lola. Umakma naman na susuntukin siya ni Tito pero hindi siya umilag. "Sige! Sige ituloy mo!" pinunasan ni Lola ang luha sa gilid ng mga mata niya. "H-Hindi kita pinalaking ganyan, Rudy..."
Kasabay noon ay ang pagtalikod ni Lola at pumasok na siya sa kanyang kwarto. Napasabunot si Tito sa kanyang buhok, hindi malaman ang kanyang gagawin. Gusto ko siyang lapitan pero may narinig akong pamilyar na panaghoy.
Sa kusina, nakita ko si Mama na nakaupo. Maga ang kanyang mga mata at namumula ang kanyang pisngi, halatang umiyak na naman siya. Halos walang araw na hindi siya umiyak dahil nami-miss niya si Papa na anim na taon nang hindi nakakauwi dahil nagtatrabaho siya sa Saudi. Awang awa ako kay Mama, lalo na kapag nakikita ko siyang umiiyak. At syempre, maging ako ay nangungulila na rin sa yakap ng isang ama.
Ganito kami. Ganito ang pamilya ko.
Dati-rati, noong buhay pa si Lolo, masaya pa kami. 6 years ago, sampung taong gulang pa lang ako, mas malapit na ako kay Lolo kaysa sa mga magulang ko. Madalas kapag may lakad siya, ako ang sinasama niya. Nagba-bike kami sa park, nagjo-jogging sa field at madalas pinanonood ko siyang mag-bake, iyon kasi ang hilig niya.
At tuwing magpapasko, hindi pwedeng wala kaming handa kahit simple lang. Dahil ako lang ang nag-iisang anak nina Mama at Papa, laging tinatanong ni Lolo kung ano daw ba ang gusto kong regalo. "Lolo, gusto ko po ng barbie doll. 'Yung pwedeng ayusan ng buhok at damit, kayo po? Ano'ng gusto niyong regalo?"
"Ah ganun ba, sige pag-iipunan ni Lolo iyan. Ang gusto ko lang naman ay..." lagi niya akong binibitin pero kasunod noon ay ang paghalik niya sa pisngi ko. "Kiss lang apo, masaya na ako."
Tapos binibilinan niya ako na magsabit ng pulang medyas sa pinto at paggising ko, mapapangiti na langako kasi may barbie doll na sa loob nito. Pagkatapos noon ay biglang susulpot mula sa kung saan si Lolo at sisigaw ng, "Merry Christmas Apo! Wish ko na sana lagi kang masaya!"
Ngunit simula noong ma-diagnose si Lolo na may stage 3 lung cancer, nagbago ang lahat. Sabi ng doktor tatlong buwan nalang daw ang itatagal ng buhay niya pero hindi na siya umabot kahit isang buwan at iniwan na niya kami. Iniwan na niya ako.
Doon nagkawatak-watak ang pamilya namin. Lagi nang magkaaway si Tito at Lola. Si Papa naman, napilitang magtrabaho sa ibang bansa para mapag-aral ako at mapaayos ang bahay namin. Sunud-sunod ang problemang dumating, hanggang sa ipasok na rin sa rehabilation center si Tito nang malulong siya sa pinagbabawal na gamot. Makalipas ang ilang buwan nakalabas din siya pero tila walang pagbabago sa kanyang ugali.
Nang mawala si Lolo, parang nakalimutan na nila kung ano ba kami noon. Hindi lang kami basta pamilya dati, para kaming iisang katawan. May iisang puso at isipan.