[ COACH ] Mick
[ SONG | ARTIST ] Christmas Song | Owl City
[ WATTPAD WORD COUNT ] 1,454 wordsHindi alintana ni Romeo ang malakas na pagbuhos ng ulan. Sa kabila ng lamig na dala ng hangin at patuloy na panginginig ng kaniyang basang katawan ay walang tigil siyang naglakad sa gilid ng kalsada.
Gusto niyang lumayo. Gusto niyang makalimutan ang bigat ng pakiramdam na parati niyang dala kahit sandal lang. Baka mabaliw siya kapag ikinulong niya ang sarili sa apat na sulok ng madilim niyang kwarto.
Bumuga siya ng makapal na hangin. Saglit siyang napahinto sa paglalakad nang makita ang makukulay na parol na nakasabit sa buong paligid. Sa kabila ng masayang atmospera ng lugar ay hindi niya makuhang ngumiti. Napalunok siya at ilang beses na ikinurap ang mga mata para pigilan ang pagbadya ng kaniyang mga luha.
Humakbang siyang muli. Bahagyang nakayuko upang hindi mapansin ng mga taong nasasalubong niya ang malalalim niyang mga mata na pilit itinatago ang lungkot sa suot niyang hooded jacket.
"Romeo."
Tila naiwan sa ere ang akma niyang paghakbang. Nang iangat niya ang tingin sa pamilyar na boses ng babae na tumawag sa kaniya ay ganoon na lang ang panlalabo ng mga mata niya sa luha. Ilang ulit siyang napalunok. Parang naumid ang dila niya at wala siyang nasabi.
"Sa dating tambayan," aya nito. Matamis ang ngiting nakapaskil sa maninipis nitong mga labi. Parang wala sa sariling tumango siya habang hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig sa mukha nito.
Ganoon na lang ang pagpipigil niya na hawakan ang kamay ng dalaga. Tila inililipad siya ng ulap habang pinanonood ang mahaba nitong buhok na idinuduyan ng malamig na hangin.
"May problema ka na naman ba?" tanong nito, bakas ang pag-aalala sa malamyos na tinig. Bumagal ang paglakad nito para sabayan siya.
Umiling lang siya bilang tugon kasabay ng pagkibit ng mga balikat.
"Kunwari ka pa!" anito, inundayan siya ng mahinang suntok sa braso ngunit hindi man lang siya natinag.
Sinalubong niya ang mala-pusa nitong mga mata. Lalo pa ngang lumapad ang pagkakangiti nito sa kaniya.
"Bakit ba palagi ka na lang nagpapakita sa'kin?" tanong niya sa mahinang tinig habang isa-isang puamapatak ang mga luha niya.
Narinig niya ang pagbuga nito ng hangin bago nagsalita, "Kailangan mo kasi ng kausap," sagot nito at hinawakan siya sa balikat. "Kaibigan kita. At kahit nasa'n ka, nando'n din ako. 'Di ba?"
"Hindi!" Puno ng galit ang tinig na sigaw niya. Mabilis niyang tinabig ang kamay nito at tinitigan ang mga mata nitong hindi man lang kakikitaan ng anomang emosyon. "Hindi ba sabi ko sa'yo huwag ka na magpapakita sa'kin?! Please naman! Tigilan mo na ang pagbuntot sa'kin!" May pagmamakaawa sa boses niya. Lalo pang lumakas ang hagulgol niya. Hindi na niya alintana ang mga taong puno ng pagtataka habang nakahinto at pinapanood siya. Napasabunot siya sa kaniyang buhok at paulit-ulit na ipinilig ang ulo na para bang may nais siyang burahin sa kaniyang mga alaala. Hanggang sa napaluhod siya sa konkretong sahig habang paulit-ulit na pinapaalis ang dalaga. "Umalis ka na!" Nanikip ang kaniyang dibdib sa huling mga salitang binitiwan niya. Alam niyang mali, ngunit iyon ang mas tamang gawin.
"Hindi. Hindi ako aalis," matigas na sagot nito. Yumuko ito at pilit siyang inalalayan sa pagtayo. Kinapa nito ang kaniyang mukha. Agad na nahawi ang ulap sa mga mata niya kasabay nang paggaan ng kaniyang pakiramdam. "Hindi kita iiwan, Romeo," saad nito at hinagkan siya sa pisngi.
Umabrisete ito sa kaniya at sabay nilang nilakad ang maulan na kalsada. Wala silang imikan habang naglalakad patungo sa isang park. Tahimik at tanging ang lagaslas ng mga dahon ng puno lang ang naririnig niya bukod sa kaniyang paghinga.