Hanggang... by Rimgazer

122 10 9
                                    

[ COACH ] Ken
[ SONG | ARTIST ] Underneath The Tree | Kelly Clarkson
[ WATTPAD WORD COUNT ] 883 words

Babalikan kita, mahal kong Gregorio. Pangako ko sa iyo iyan.

Muling umalingawngaw ang boses ni Ingrid sa aking isipan na tila’y tunay na nangyayari ngayon. Parang bang tunay kong nararamdaman ang mainit na pagdampi ng hinga niya sa bawat pagbikas niya sa mga salita. Aking pinagmamasdan ang lumang kwintas na may maliit na orasan. Isang natatanging materyal na bagay na nagsisilbing alaala ko kay Ingrid. Ito’y bigay niya sa akin bago pa man niya ako linisan at tuluyang nagkahiwalay.

Bisperas na naman pala ng Pasko at lahat ay mahigpit na nilang yinayakap ang mga mahal nila sa buhay. Ang lahat ay sabik nang buksan ang mga regalong natanggap nila. Ang niyebe’y mahinang umaalimpuyo at nahuhulog sa labas ng bahay. Habang ako, nakaupo sa isang tumba-tumba. Mahina na ang pangangatawan. Puno na ng kulubot ang mukha.

Hanggang ngayong ika-limampu’t pitong Paskong hindi ko siya kapiling, hindi ako nawawalan ng pag-asang hintayin ang kanyang pagbabalik. Siya lang ang nais kong makitang regalo sa ilalim ng cristmas tree. Siya lang ang nais kong makapiling habang buhay. Gaano man katagal ay hihintayin ko siya, gaya ng pangako ko rin sa kanya.

Kailan ka darating, mahal kong Ingrid? Kailan ko mararamdaman ang mahigpit mong yakap? Ang matamis mong halik? Kailan ko muling masisilayan ang mga ngiti mong kukumpleto sa araw ko? Ang mga mata mong kumikislap? Kailan babalik ang dati?

Una kaming nagkakilala noong kami’y musmos pa lamang. Kababata ko siya at sabay kaming lumaki habang unti-unting lumiliwanag ang mundo sa amin. Noo’y wala pa akong nararamdamang iba sa kanya. Sa paghabol ko sa kanya at sasabihing ‘taya’, ni bahid ng kagustuhan ay wala pa akong nararamdaman.

Hindi kalauna’y kami’y naging binata’t dalaga. Sa bawat pagsayaw namin sa damuhan, iba na ang aking nararamdaman. Iba na ang nanunuot sa aking katawan. ‘Iba na ito’ ang lagi kong sinasabi sa sarili ko. ‘Hindi dapat ito ang nararamdaman ko sa’yo’ ang laging tuloy naman ng lagi kong sinasabi.

Noo’y natakot akong sabihin ang totoo sapagkat, baka siya’y magalit sa akin. Baka ako’y kanyang iwasan. Baka layuan na niya ako at tuluyang hindi ko na siya makita pa. ‘Baka’ puno ng ‘baka’ ang bumabagabag sa aking isipan noon. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Ang sabihin ba ang totoo o ang itago na lang ito magpakailanman? Hindi rin naman ako magiging masaya kung hindi ko sasabihin ang totoo. Hindi rin naman ako papayag na mabulok lang ang aking nararamdaman sa aking katawan at isipan.

Kaya isang araw, ako’y nagpunta sa paborito naming lugar, sa gilid ng sapa kung saan maraming malalaking bato na pwedeng paghigaan. Doon, ako’y nagnilay-nilay at dinamdam ang malaking kometang dumagan sa akin. Doon, aking pinag-isipang mabuti ang aking gagawin. Hanggang sa napag-isipan kong makipaglaro sa aking sarili. Sinabi ko sa sarili ko, “Kung matatalsikan ako ng tubig ng sapa pagkabato ko sa maliit na bato, sasabihin ko ang totoo. Kung hindi, hindi ko na lamang sasabihin.”

Agaran kong ginawa ‘yon. Ako’y bumuwelo at saka ko ibinato ang bato. Malakas itong bumagsak sa tubig kaya nama’y may ilang maliliit na butil ng tubig ang tumama sa aking mukha. Pahiwatig na dapat ko na ngang sabihin ang totoo. Kaya agad-agaran akong tumakbo. Mabilis na mabilis. Papabilis nang papabilis. Hanggang sa nakita ko na siya.

Hingal na hingal akong lumapit sa kanya at nauutal habang sinasabing, “May sasabihin ako sa’yo?” at sinagot niya naman ito ng tanong na “Ano?” Hindi ako agarang nakasagot at nagdalawang isip pa. Tila ako’y naging pipi ng ilang saglit at hindi na rin nag-alintanang sabihing may gusto ako kay Ingrid.

Tila siya’y nagulat sa aking sinabi at tumalikod. Tila siya’y nag-isip ng napakalalim— na hindi mahukay.

Hanggang sa nagulat na lang ako sa kanyang sinagot. Sinabi niyang ganoon rin ang kanyang nararamdaman sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking saya noong araw na iyon. Hindi ko masabi ang dapat kong sabihin kaya yinakap ko na lamang siya ng napakahigpit.

Sa bawat araw na lumipas, hindi ko alam kung anong klaseng saya ang aking nararamdaman. Ngunit, hindi pa rin alam ng aming mga magulang ang tunay naming relasyon.

Hanggang sa mga sumunod na araw, hindi ko na siya nakita. Ako ay nanibago. Hindi nakukumpleto ang araw ko sa tuwing hindi ko siya nasisilayan. Hindi ko na alam ang nangyari sa kanya. Wala nang komunikasyon. Wala ng sulat na aking natatanggap.

Ako’y naghintay sa iyong pagpaparamdam sa akin. At, dumating nga aking pinakahihintay. Ngunit, ang hindi ko alam ay ‘yon na pala ang huli naming pagkikita. Siya pala’y ipinagkasundong ikasal sa isang lalaki. Siya na pala’y ikakasal na sa ibang lalaki. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi ko na siya nakikita. Sila’y marami na palang ginagawa sa paghahanda sa nalalapit nilang kasal.

Hindi ko tanggap.

Bakit ka pumayag? Bakit hindi mo ako ipinaglaban? Bakit?

Hindi ko namalayan, umaagos na pala ang likidong kristal galing sa aking mga mata kasaba’y nang mahinang pagbuhos ng niyebe sa labas ng bahay. Pasko na namang hindi siya kapiling.

Aking kinuha ang aking saklay at tumayo kahit na nahihirapan dahil sa mahina na ang aking mga buto. Nagsimula akong humakbang papunta sa labas. At doon, nakita ko ang mga christmas lights na kumukutikutitap na may mga makikintab na kulay. Kumukutikutitap na tulad ng mga mata ni Ingrid.

Ngunit, ilang pasko man ang lumipas, hinding hindi ako magsasawang hintayin ka, Ingrid.

Hanggang magpakailanman.

Liriko 2: AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon